"GOOD MORNING." Ngiting-ngiti si Roni nang masalubong niya sa hagdan si Borj. Hindi na niya kailangang magkunwaring masigla. Makita lang niya ito ay talagang sumisigla na ang pakiramdam niya.
"Morning, too," bati rin nito. Ngumiti rin ito, bagay na lalong nagpaaliwalas ng umaga niya. "Kumain ka na ba, Roni?"
Umiling siya. Kalimitan na talagang medyo huli magising ito. Nakagawian na ni Lola Seling na maunang mag-agahan at kadalasan ay kasabay siya nito. Pero magmula nang magsimulang gumanda ang samahan nila ni Borj ay nagkakape lang siya kapag nag-aalmusal sila ng matanda.
"Good. Join me," yaya ni Borj.
She was only too willing to agree.
Inasikaso niya ito na animo isa siyang butihing kabiyak. Ipinagtimpla niya ito ng kape, sinilbihan ng sinangag at inabutan ng serving dish na may lamang tapa.
"Ang sweet mo naman. Nagpa-practice ka bang maging misis?" anito sa pabirong paraan.
Gayunman, hindi pa rin niya napigilang kiligin.
"Papasa ba?" ganting pagbibiro din niya.
Sa halip na sumagot ay nag-thumbs-up sign lang ito sa kanya.
Puso, kumapit ka, usal niya sa isip. Nagbanta kasing umalagwa sa ere ang kalooban niyang diyata't sumisinta na nga talaga.
"Masuwerte ang lalaking mapapangasawa mo. Maasikaso ka, maabilidad, at mapamaraan pa," komento nito.
"Naku, wag mo akong masyadong purihin at baka maniwala ako nang husto't lumaki ang ulo ko," aniya.
Ngumiti lang ito saka itinuloy ang pagkain. Pero sapat na iyon sa kanya. Muli ay hindi niya mapigilan ang mamangha sa transpormasyong nangyari sa turingan nila. Dati ay kibuin-dili siya nito. At kapag nasa presensiya siya nito ay parang naninigas siya sa tensiyon. Ngayon ay hindi na siya gaanong naiilang dito. At gusto niyang isipin na maging ito man ay komportable na rin sa pakikitungo sa kanya.
They had come a long way. Kung siya ang tatanungin, malayo pa ang gusto niyang puntahan nila. Kung magtutuloy-tuloy na iyon sa simbahan, hindi siya tatanggi.
Natigilan siya nang maalala ang kasunduan nila ni Lola Seling. She had done what was asked of her wholeheartedly. Oo, noong una ay dahil ganoon talaga ang ugali niya. Kapag may kailangan siyang gawin ay todo ang effort niya. Pero sa kalaunan, iyon ay hindi na dahil lang pinapasahod siya.
Na-challenge siya kay Borj. Ginusto niyang subukan kung magagawa nga ba niyang ugain ang mundo nito para maiba-iba ang pananaw nito. And oh, the satisfaction she felt when she saw him responding to her.
Natuwa siya at unti-unti ay nag-iba na rin ang tingin niya rito. Nahaluan na iyon ng kung anong rason kung bakit kahit hindi na siguro siya pasahuran ng matanda ay buong puso pa rin niyang gagawin ang iniatas nito sa kanya. It was not all about the money anymore.
May pag-asa kaya kami?
Madalas na itanong at pangarapin niya iyon. Gusto niyang maniwala na kahit naman siguro paano ay iba na rin ang tingin ni Borj sa kanya. Sasabihin marahil na ang taas ng pangarap niya pero libre naman iyon kaya bakit hindi pa niya tatayugan?
Isang lihim na pangarap iyon na kahit kay Lola Seling ay hindi niya balak ipaalam. Sa halip ay kinikimkim lang niya iyon at palihim din siyang naghahanap ng mga senyales na posibleng matupad ang inaasam niya.
"You make great coffee," ani Borj. "Puwedeng-puwede ka na talagang mag-asawa," saad nito.
Basta ba ikaw ang mapapangasawa ko, walang problema.
BINABASA MO ANG
Color My World
RomanceAng weird ng trabahong iniaalok kay Roni ni Lola Seling: Kaibiganin daw niya ang apo nitong si Borj. Mula raw kasi nang ma-involve ito sa isang aksidente ay tila may sarili na itong mundo. Palibhasa ay desperado na siyang magkatrabaho kaya tinangga...