🎨Chapter Six🎨

360 29 7
                                    

NAUDLOT ang paglakad ni Borj. Kauuwi lang niya sa bahay mula sa meeting na regular na itinatakda ng Philippine branch ng production company na pinagsusumitehan niya ng kanyang trabaho. Papunta na siya sa kuwarto niya nang maagaw ang pansin niya ng ingay na nagmumula sa den ng bahay. Malakas ang tugtog na nagmumula roon. Para ding may mga tinig siyang naririnig. Sa halip na pumanhik sa hagdan ay nagtungo siya sa den. Lalong lumakas ang tugtog nang mabuksan niya ang pinto. Tumambad sa kanya ang isang lalaking kaedad siguro niya. Nagsasayaw ito at ang lola niya. Nanonood naman sa mga ito si Roni.

"Go, Lola! Kaya n'yo yan. Let's boogie," anito.

Tawa nang tawa si Lola Seling habang sinusubukan nitong sabayan ang lalaking kapareha nito.

"Hindi n'yo pa kailangan ng Anthrocin. Ang tigas pa ng mga buto n'yo. Kahit 'ata lambada, kaya n'yo pa," panay ang biro ni Roni rito.

"Ano'ng nangyayari dito?" bulalas niya. Walang pumansin sa kanya. Para ngang hindi siya narinig ng mga ito dahil bukod sa malakas ang tugtog, abala ang mga ito sa ginagawa.

Pinuntahan niya ang audio component saka iyon pintay. Noon, napatingin sa kanya ang mga ito.

"O, Borj, nandiyan ka na pala," sabi ni Lola Seling.

"Kanina pa po," sagot niya. "Ano ba'ng ginagawa niyo?"

"Nag-aaral sumayaw, hindi ba obvious?" anito.

"Sumasayaw?"

"Oo. Tutal, wala akong mapaglibangan, ito na lang. It was Roni's suggestion. Mabuti pala at nagpapilit ako. Heto, nakakatuwa pala."

Why am I not surprised where the idea came from? himutok niya sa isip. Magmula nang dumating si Roni sa bahay nila ay nagsimula nang maging magulo at maingay roon.

"Maganda para sa mga bagets na katulad ni Lola Seling ang nae-exercise ang mga buto-buto para hindi rayumahin," ani Roni.

"Dapat siguro, sumali ka rin sa amin, Borj," suhestiyon ng lola niya.

No way!

"Salamat na lang po," tanggi niya.

"Sus, batang 'to. Ang bata-bata pa, mas corny pa kaysa sa akin. Halika na. Madali lang ito," giit ni Lola Seling.

"Hindi na..."

"Roni, partner-an mo nga siya. Marunong ka naman, eh,"

Lumapit agad si Roni sa kanya.

"I don't think..."

"Don't think na lang kasi. Just dance." Hinila na siya ni Roni.

Habang nag-aargumento sila ay binuksan uli ng lalaking kapareha ni Lola Seling ang audio component. Ilang saglit pa ay pumailanlang ang isang mabagal na tugtugin.

"Let's start with the basic of rhumba again," anang lalaking nahinuha na niyang isang DI o dance instructor.

Lumapit si Roni sa kanya. Inayos nito ang pagkakalagay ng kamay niya sa baywang nito saka nito hinawakan ang isa pang kamay niya.

"Ano ba namang kalokohan..."

"Sige na, apo. Gumalaw-galaw ka para di ka ma-stroke." Bumaling si Lola Seling kay Roni. "Iyon ang sabi kamo ni Marc Logan, di ba Roni?"

"Mismo," sang-ayon nito.

"No, thanks. Kayo na lang ang..."

"Hindi mo ba ako puwedeng pagbigyan?" himig nagtatampo na tanong ni Lola Seling.

"Tara lets na kasi." Kinabig siya ni Roni. "Sabayan mo ang tugtog," udyok nito sa kanya. "Feel the rhythm." Habang nagsasalita ito ay umiindayog ito.

Color My WorldTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon