PAGDILAT ni Roni, iginala niya ang paningin niya sa paligid. Nasa bahay na uli siya ng tita niya. Kakatwa na sa hinaba-haba ng panahong tumira siya roon, ngayon ay parang naninibago siya tuwing magigising siya at iba ang kapaligirang tumatambad sa kanya. Iyon ay kahit pa nga halos isang buwan na ang nakalilipas mula nang umalis siya sa bahay ni Lola Seling.
Kinabukasan din pagkatapos ng hapunan para sa kaarawan nito ay kinausap niya ang matanda. Sinabi niya rito na magpapaalam na siya, tutal ay mukhang hindi na kailangan ang presensiya niya roon.
"But you can stay on as my companion," anang matanda. "Hindi ba't isa rin iyon sa mga tungkulin mo? At sa totoo lang, nakagiliwan na kita."
Napangiti siya. Pinagaan ng sinabi nito ang namimigat na kalooban niya.
"Salamat, La, pero h-hindi ko ho matatanggap ang alok n'yo." The money she would continue earning would come in handy, true. Pero parang hindi niya kayang araw-araw na makaharap si Borj na alam niyang hindi mapapasakanya ang pagmamahal. Parang ikakamatay niya ang sama ng loob na dulot niyon.
Nagpapakapraktikal siya hangga't maaari pero may hangganan din iyon. At sa palagay niya, narating na niya ang naturang hangganan. Kailangan na niyang umalis ng bahay na iyon dahil kung hindi ay baka hindi niya makayanan ang sakit na dulot ng nagkadurug-durog na puso niya.
"Irerekomenda kita sa mga kakilala ko," pangako nito. Pinipilit pa siya nitong bigyan ng dagdag na pera pero tumanggi siya. It didn't feel right to take more money from the old woman.
That was almost a month ago. Nagsimula agad siyang maghanap ng trabaho. Mas kaunti ang pressure sa kanya ngayon dahil pinakatipid-tipid niya ang ipinapasahod ni Lola Seling sa kanya. Libre din ang pagkain at tirahan niya noon kaya hindi gaanong nababawasan ang suweldo niya.
Hinati niya ang naipon niya. Ibinigay niya ang kalahati sa Tita Elsie niya para pandagdag sa puhunan. Bukod sa karinderia nito ay nagtitinda na ito ngayon ng ilang grocery items. Kahit paano ay nakadagdag iyon sa kabuhayan nila.
Noong isang araw ay tinawagan siya ng isang pinag-apply-an niya. Clerk ang bakanteng posisyon at pinagsusumite siya ng karagdagang requirements. Kakilala ni Lola Seling ang may-ari ng kompanya at inirekomenda raw siya ng matanda roon.
Iyon ang aasikasuhin niya sa araw na iyon. Mukhang may tsansang matanggap siya kaya nagmamadali na siya sa pagdadala roon ng mga hinihinging ibang requirements sa kanya.
Mas mabuting sa mga gaanong aktibidades niya ituon ang pansin niya kaysa sa bagay na nagpapahirap ng kalooban niya.
Bakit pa ba niya iisipin ang alaala ni Borj? Masaya naman na ito sa buhay nito. Mabuti nga ito at masaya samantalang siya ay parang napakalaking effort ang gumising at bumangon sa umaga.
Pinilit na niyang tumayo. Nagpunta siya sa banyo, naligo at nagbihis. Humigop lang siya ng kape pagkatapos ay nagpaalam na siya sa Tita Elsie niya na abala na sa pagluluto ng ititinda. Ang pinsan niyang si Maffy ay nadatnan niya sa sala. Nagko-computer ito. Natagalan ang paggaling nito kaya kinailangan nitong tumigil sa pag-aaral. Pero laking pasasalamat nila ng tita niya at bumalik na sa dati ang sigla at lakas nito. Ginusot-gusot pa niya ang buhok nito bago siya umalis.
HINDI PA natutulog si Borj. Halos magdamag na nakaharap siya sa computer. Nanghahapdi na ang mga mata niya at nananakit ang likod niya pero tuloy pa rin siya sa ginagawa niya. The thing was, there was no need to rush the job he was doing. Malayo pa ang deadline niyon.
Pero ayaw niya na wala siyang ginagawa. Kapag bakante ang isip niya ay nagpupumilit sumuot doon ang alaala ni Roni. The house suddenly seemed so quiet without her. Nang paggising niya kinabukasan ng birthday ni Lola Seling, at matuklasang nagpaalam na ang dalaga, ay nagsimula na niyang mapuna na sobrang tahimik ang bahay.
BINABASA MO ANG
Color My World
RomansaAng weird ng trabahong iniaalok kay Roni ni Lola Seling: Kaibiganin daw niya ang apo nitong si Borj. Mula raw kasi nang ma-involve ito sa isang aksidente ay tila may sarili na itong mundo. Palibhasa ay desperado na siyang magkatrabaho kaya tinangga...