"Anong klaseng tanong 'yan?" Salubong ang kilay na binalingan niya si Gabriel. "Lahat ng mahahalagang yugto ng buhay ko ay babalikan ko kung bibigyan ako ng pagkakataong gawin iyon. Lahat ng insidente ay babalikan ko upang tulungan at protekatahan ang lahat ng pamilya ko. I would save my father from that fire incident, I would take care of Eva as much as I could so she wouldn't lose the baby and get ill. I would save and protect Stern and Steyah. Lahat ng iyon ay babalikan ko. Lahat sila ay ililigtas ko."
Tumayo siya at akma na sanang magpapalaam nang biglang naramdaman ang muling pagkahilo. Bumalik siya sa pagkaka-upo.
"Paano kung bibigyan ka lang ng isang pagkakataon at kailangan mong pumili?"
Sa tindi ng sama ng pakiramdam, bigat ng dibdib, at magulong isipan ay hindi niya naiwasang mairita sa klase ng katanungang lumalabas sa bibig ng matanda. Humugot siya ng malalim na paghinga upang kalmahin ang sarili, at nang huminahon na siya ay saka siya tumayo.
Ipinatong niya ang mga kamay sa harapang pew at kumuha roon ng lakas. Nang tuluyan niyang maitayo ang sarili ay saka niya niyuko si Gabriel na nakasunod lang ang tingin sa kaniya.
"Maraming salamat sa pakikinig, pero oras na para umuwi ako," aniya saka tumalikod. Sa pamamagitan ng pag-agapay sa mga dinaanang pew ay nagawa niyang humakbang sa kabila ng panginginig ng mga binti niya.
Subalit hindi pa man siya makalayo ay muli niyang narinig ang pagtawag sa kaniya ng matanda.
"Paano kung sabihin ko sa'yong kaya kitang tulungang bumalik sa nakaraan upang baguhin ang nais mong baguhin, Shin?"
Hinabaan niya ang pasensya at muli itong nilingon.
"Sa tingin ko ay masyado ka nang matagal na nag-iisa kaya kung anu-ano na ang mga tumatakbo sa isip mo. Magpahinga ka na rin— at maraming salamat muli sa tulong at pakikinig." Saka niya itinuloy ang paglalakad.
At habang binabaybay niya ang pulang carpet palabas ng simbahan ay naglalaro sa isip niya ang mga sinabi ni Gabriel.
Kung sakali man ngang bumalik siya sa nakaraan... anong yugto ng buhay niya ang kaniyang babalikan? At kung bibigyan siya ng isang pagkakataon para mailigtas ang isa sa mga mahal niya sa buhay na nagdusa dahil sa kaniya— sino ang babalikan niya para tulungan?
Napa-iling siya saka muling sinapo ang ulo.
Why would I believe such absurdity from a homeless man like him?
Malapit na niyang marating ang entrada ng simbahan nang biglang humulagpos ang pagkakahawak niya sa isang pew. Bumagsak siya sa carpet at napaluhod. Nagdilim ang kaniyang paningin kaya sinubukan niyang ipikit ng mariin ang mga mata. Nang magmulat ay itinaas niya ang ulo, upang lalong manlumo nang mag-umpisang umikot ang kaniyang paningin. Ang mga taong papasok sa simbahan ay tila umiikot— ang mga ilaw sa poste sa labas ng simbahan ay tila lumilipad.
BINABASA MO ANG
SHATTERPROOF
General FictionWATTYS 2021 WINNER - WILD CARD CATEGORY Shin Takano used to be a notorious gang leader; living his life surrounded by money, alcohol, cigars, drugs, and women. He used to show no mercy to his targets and enjoyed the fun of beating them up and scammi...