CHAPTER TWO

139 8 1
                                    

Alas kwarto nang naubos na ang inilako namin. Tuwang-tuwa si Celene habang iniisip na ang gusto niyang ulam para mamayang hapunan.

“Ate, nagpalista ka sana sa sinasabi ng babae kanina. Sayang naman yun. ”

Tiningnan ko ang kapatid na mahigpit na nakahawak ang kamay sa bunganga ng palanggana. Pauwi na kami. Nginitian ko siya. Kanina niya pa ako pinipilit na subukan raw iyon pero wala kasi akong interes kaya paulit-ulit ko ring ipinapaalam sa kanya ang dahilan ko.

“Cel, hindi mo ba narinig ang sinabi niya? Marami na ang sumubok pero wala ni kahit isa. Paano natin matitiyak na pagpapalain tayo? At saka, mas mabuti pang ang oras na maigugugol natin sa kakaantay roon ay ilako na lang natin ng isda. ”

“Pero grabi Ate, 'no? Totoo kaya yun? Ang swerte siguro ng matutugma sa anak ng Del San, Ate. Hindi ba Ate sila iyong may-ari ng malaking plantasyon sa kabilang Baranggay? At iyong nag-iisang Mall roon sa bayan? Iyon ring isla rito sa atin? ”

Hindi na ako umimik at hinayaan siyang sagutin ang sariling tanong. Manghang-mangha siya sa naiisip tungkol sa yaman ng pamilyang ito. Kulang na lang ay sabihin niyang magpapabasa siya nang palad at subukan iyon.

Kung ano-ano ang sinasabi niya sa maaaring mangyari kung mahanap na nga ang tutugma rito. Sinaway ko siya habang patuloy siya sa pag-iisip sa yaman nito.

Hindi mabuti iyong ganun ang iniisip niya. Kahit mahirap kami ay ayaw ko namang itanim niya na sa ibang tao lang pwede umayos ang buhay at iasa sa swerte ng palad ang kinabukasan.

”Mag-aral ka nang mabuti. Para pag nakapag-tapos ka na, pwede mo nang gawin ang gusto mo. ”

Tumango lamang siya pero hindi nakatakas sa akin ang pag-ismid niya. Tumahimik na siya hanggang sa makitang malapit na kami sa amin.

Inutusan ko siyang bumili nang sangkap para sa ulam na gusto niya. Binigyan ko narin siya ng pera pambili. Sinabihan ko siyang mauna na at idadaan ko muna ang kita sa kila Manoy Husko.

“Ako na magsasaing. Magpahinga ka na lang pagkarating mo ng bahay. ”

“Opo, Ate... ”

Dumiretso na ako sa bahay ni Manoy Husko. Sa malayo pa lang ay namataan ko na ang iilang tagarito na naubos narin ata ang isdang ibenenta. Binati ako ng iilan at ganun rin ako. Umupo ako sa upuan nila Manoy Husko sa terasa.

May tatlo pang nauna sa akin sa kabilang upuan at hinihintay pang matapos ang nagc-calculate na sina Manoy Husko sa mesa sa harap ng kanilang pintuan.

“Cy! Si Dante o! ” tukso ng iilan nang namataan si Danteng nangingiti habang naglalakad papalapit sa amin.

Tiningnan ko lamang si Dante. Nakasuot ito ng gray shirt at itim na cotton short. Nang makalapit ay tumabi siya sa akin. Naghiyawan ang iilan.

“Kabataan talaga. ” ani Manoy Husko.

Hindi ko na lamang sila pinansin.

“Nabalitaan mo ba iyong sa kabilang baryo? Roon kayo naglako kanina hindi ba? ” kuryoso niyang tanong.

“Alin doon? ” tanong ko.

“Iyon bang fortune teller kamo, Dante? ” pang-uusisa ni Aleng Sassy nang marinig ang tanong ni Dante sa akin.

“Oo, Aleng Sassy. Nag-iikot kasi ngayon si Tiyo Natoy para ilista iyong mga kababaihan rito sa barangay natin. ”

“O? Bakit mo tinatanong si Cylene e halata namang maililista iyan. Panigurado na ’yan. Hindi iyan palalagpasin ni Canor. ” singit ni Ate Nally.

CEASING LUNACY Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon