CHAPTER FIVE

132 9 2
                                    

Halos manigas ako dahil sa nakitang mga paper bag at kung ano-ano pa nang pinasada ko ang mata sa harap. Nakita ko kung paano kumislap ang mga mata ng mga tao habang tinitingnan ang mga nakahilerang plastic bags at paper bags sa harap ng bahay namin.

Namilog ang mata ko nang namukhaan ang isang lalaki. Siya iyong kahapon! Iyong kasama ng fortune teller! Anong...

Kumunot ang noo ko. Naramdaman ko ang kalabit ng kapatid sa aking tabi. Tiningnan ko siya at nakita ko ang nagtataka niya ngayong ekspresyon subalit kababakasan nang tuwa sa kanyang mga mata.

“Cylene! Anong... meron... ” narinig kong sigaw ni Papa mula sa likod subalit dahan-dahang humina nang makita ang nangyayari rito sa labas.

Tiningnan ko siya at katulad ko ay nagpang-abot rin ang kanyang makakapal na kilay. Para siyang natauhan at agad umaliwalas ang kanyang mukha.

“Magandang araw... Gusto po sana naming makausap ang inyong anak. ”

Napasinghap ako. Nakita ko kung paano nataranta si Papa. Napapalingon ang kanyang katawan sa bisita at sa aming pintuan. Hindi siguro alam kung ano ang uunahin. Ang batiin ang lalaki o ang papasukin muna sila sa bahay namin.

Nagtagis ang aking bagang habang pinapanood si Papa. Siguro dahil sa ayos ng taong nasa harap. Masyado itong pormal at mukhang propesiyunal. Malayo ang suot sa aming nakagisnan.

Sa hindi kalayuan ay nahagip ng aking mata si Dante na nakakunot-noong pinagmamasdan ang nangyayari.

Nakita kong may iilang mga malalaking tao na pareho ang suot habang pinapaligiran ang harap ng aming bahay. Ngayon ko lamang sila napansin kung hindi ko lang namataan ang dumadaming tao na nakapalibot sa harap ng aming tahanan.

Nakita kong lalapit sana si Dante subalit agaran siyang hinarang at pinigilan ng isa sa mga malalaking taong iyon!

Napasinghap ang iilang nakakita at nakapansin. Hinarap ko ang lalaki kahapon. Ramdam ko ang higpit nang kapit sa akin ng kapatid.

“Mawalang galang na ho pero ano po ba kailangan ninyo sa akin? ”

Pansin ko ang pagtuwid nito nang pagtayo.

“Maaari bang sa loob ng inyong bahay natin ito pag-usapan? ”

Agaran ang paglapit ni Papa sa lalaki dahilan upang mapapikit ako nang saglit. May kung anong inutos ang lalaki dahilan upang lumapit ang dalawang nakauniporme.

Roon ko nalaman kung ano ang inutos niya nang makitang pinangdadampot ang mga bags at pinandala iyon sa loob. Halos pigilan ko sila dahil roon.

Nagpuyos ang aking damdamin habang pinapanood si Papang ginigiya ang lalaki sa loob ng bahay. Sumunod ako roon sa kanila habang pinipigilan ang sariling makapagsalita nang masama.

Narinig ko ang iilang tawag sa akin subalit kinubabawan na ako nang hiya dahil sa ginawa ni Papa. Hindi ko na tiningnan ang mga tao nang tumalikod ako.

“Cy! ” narinig kong tawag ni Dante sa akin. Bakas roon ang pag-aalala niya para sa akin.

“Upo kayo... Pagpasensyahan niyo na ang bahay namin. ” narinig kong sinabi ni Papa habang humahalakhak.

“Ate... ” tawag sa akin ni Celene.

Matamlay ko siyang nginitian at sinabihang roon na muna siya sa taas. Sumandal ako sa may kawayang hagdan habang pinapanood si Papang tatawa-tawa na tiningnan ang mga bags na inilalapag sa maliit na mesa. Nakita
ko ang pagpungay nang mga mata ni Papa. Bakas roon ang tuwa.

“Ano ba ang dahilan at gusto niyong makausap si Cylene? ”

Tumikhim ako. Napatingin sa akin ang lalaki pero si Papa ay tuwang-tuwa ang mukhang nag-aabang sa isasagot ng lalaki. Gusto ko siyang sawayin. Pero nakakahiyang sipatin ko siya sa harap ng bisita. Kaya mas pinili ko na lamang na manahimik.

CEASING LUNACY Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon