CHAPTER THREE

126 9 2
                                    

"Pinuntahan ni P-Papa si Mama, Ate. Kaninang t-tanghali kasi Ate hindi umuwi si Mama tapos pumunta si Papa kina Aleng Rosarya para m-manghingi ng pera pambili niya nang inumin, Ate. Pero pag-uwi niya nakita ko na lang Ate kinakaladkad niya si M-Mama. "

Tinapik ko ang likod niya at hinagod. Hindi ko lubos maisip na kaya iyong gawin ni Mama. Kahit mahirap ang sitwasyon namin, kahit nag-aaway sila minsan ni Papa ay masaya naman kami sa simple kahit mahirap na buhay.

"Nag-away sila Ate pero hindi ko na alam anong nangyari kasi natakot ako Ate... "

Tinahan ko siya nang nagsimula na naman siyang umiyak habang inaalala ang nangyari kanina.

"Ssh, Cel... Magpahinga ka na muna. Pupuntahan ko si Mama. Kakausapin ko siya... Samahan mo muna si Papa."

Marahan siyang tumango habang patuloy sa pagsinghot. Pagod na pagod siyang tumayo at tumabi kay Papa. Tiningnan ko si Papa na malungkot na nakapikit ang mga mata. Nilinisan ko na siya kanina habang tinatahan siya. Ayaw niya pa sanang magpahinga at gusto niyang puntahan si Mama kina Aleng Rosarya pero tiniyak ko sa kanya na ako na ang kakausap kay Mama at iuuwi ko siya.

I sighed.

Ano nang mangyayari ngayon kung ganun? Maghihiwalay na ba sila? Kung ganun nga paano na kami? Paano na si Celene?Ano narin ang gagawin ko kung ganito?

Mama... Ang rami kong gustong itanong sa iyo. Bakit nagawa mo iyon? Nagsawa ka na ba? Pagod ka na ba? Paanong nangyaring nagsawa ka na lang? Bakit mo nagawa iyon? Bakit? Hindi mo na ba mahal si Papa? Hindi mo na ba kami mahal?

Paanong... Maayos pa naman tayo nitong mga araw.

Pinalis ko ang luhang tumakas sa aking mga mata. Lumabas ako ng bahay. Madilim na at tanging ang buwan na lamang ang nagsisilbing ilaw sa dilim na daraanan papunta kina Aleng Rosarya.

Pero hindi ko naman pwede ipagpabukas pa ito. Gulong-gulo ako. Gusto kong malaman at marinig kung ano man ang dahilan at rason na mayroon si Mama. Alam kong walang ibang mapupuntahan si Mama kung hindi roon lang. Bago pa siya makagawa nang paraang makalayo kay Papa ay pupuntahan ko na siya ngayon din.

Tanaw ko ang bahay nila Aleng Rosarya na may mga nagsusugalan. Napalingon sila sa akin nang makalapit ako. Batid kong alam nila ang nangyari pero pinili nilang manahimik. Nilibot ko ang paningin at hindi ko nakita si Mama sa kumpulan nila rito sa labas.

"Ang Mama mo ba, Cy? " tanong sa akin ni Susana na kaedaran ko lamang. Tumango ako.

"Halika. Naroon sa loob. "

Sumunod ako sa kanya. Nakita ko roon si Mama sa kusina kasama si Aleng Rosarya. Umiiyak si Mama at tinatahan ni Aleng Rosarya. Tinawag ang pansin nila ni Susana kaya napalingon sila sa akin. Nakita ko kung paano manlaki ang mata ni Mama. Gulat at halos hindi makapaniwala na narito ako ngayon.

Nagpaalam si Susana at Aleng Rosarya na lumabas at iniwan kaming dalawa. Umupo ako sa isang silya at pinatong ang dalawang kamay sa ibabaw ng mesa.

"Anak... " tawag niya sa akin. Hindi ko siya nilingon. Nakatuon lang ang pansin ko sa mga kamay. Hindi ko siya kayang tingnan.

"Anong nangyari? " diing tanong ko kahit sinabi na sinabi na sa akin ng kapatid.

Gusto ko lang na sa kanya mismo manggaling. Gusto kong paniwalain ang sarili na namali lang ako nang rinig kay Celene. At kung iba man ang paliwanag niya ngayon sa nakita ni Celene kanina siguro paniniwalaan ko siya.

Narinig ko ang hagulhol niya. Parang kinurot ang puso ko nang marinig siya. Ano? Tama si Celene kaya naiiyak siya?

Halata namang nasasaktan siya pero bakit niya nagawa? Imposibleng hindi niya alam na masasaktan kami, masasaktan siya kaya bakit niya ginawa?

CEASING LUNACY Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon