Pilipinas, 1909
Amelia Isabela's POV
Lumabas na ako ng bahay at nagpalingon-lingon sa paligid, bahagya naman akong napangiti dahil walang gaanong tao sa kung saan. Marahan akong naglakad at hindi lumikha ng mga ingay.
Tahimik ang paligid at tanging buwan sa kalangitan ang nagbibigay liwanag sa aking dinaraanan. Nang umalis ako ay alam kong gising pa si Mirasol dahil may naririnig pa akong mga kaluskos sa kaniyang kwarto. Samantalang si Sanome naman ay mahimbing ng natutulog.
Bigla namang pumasok sa aking isipan ang aking dalawang kapatid, maging si ina. Karaniwan sa mga nawawalan ng mahal sa buhay ay labis ang pag-aalala at halos hindi na makatulog sa gabi.
Ngunit naiiba ako, nakakatulog ako ng maayos, walang bumabagabag sa aking isipan, payapa ang aking puso at isip marahil nararamdaman kong nasa mabuting kalagayan si ina.
Nang makarating sa bayan ay naging madilim lalo ang buong paligid kaya't inaamin kong medyo nangangapa rin ako. Natanaw ko na agad ang babaeng kakatagpuin ko rito kasama ang kaniyang ina at dalawang kapatid.
Hindi ko maiwasang makaramdam ng awa sa kanila dahil sa karahasang nangyayari sa kanilang pamilya, patunay lamang ito na sa panahong ito ay nadadaan lahat sa paghihirap at karahasan, kailangan mong isakripisyo ang isang mahalagang bagay kapalit ng buhay.
Agad akong humakbang papalapit sa kanila ngunit hindi pa man rin ako nakakalapit ay napako ako sa aking kinatatayuan nang biglang sumulpot ang dalawang sundalo at isang lalaking nakasuot ng malaking sumbrelo, siya ang tagapangasiwa ng teatro.
Halos hindi na ako makahinga sa mga oras na ito, gusto kong lumapit sa kanila ngunit ang mas ikinagulat ko ay nang bigla silang tutukan ng mahahabang baril na mula pa Europa.
Hindi ko man nakikita ang kanilang mga mukha ngunit alam kong sa mga oras na ito ay naguumpaw na sa takot ang babae at ng kaniyang pamilya, nagsimula ng umiyak ang dalawa niyang kapatid at ang kaniyang ina.
"Did you think we are fool like you?" maangas na saad ng unang sundalo, nakataas pa ang noo nito at mukhang nagbabanta sa babae.
"Please forgive me!!" nagmamakaawa naman ang babae at napaluhod, patuloy lang sa pag-iyak ang kaniyang pamilya.
"Shoot him!" malakas na sigaw ng isa pang amerikanong sundalo,
"Bang!" halos nabuhusan na ako ng malamig na tubig, umagos na rin ang mga luha sa aking mga mata nang makarinig ng tatlong sunod-sunod na baril. Wala na ang tinig ng mga umiiyak.
Nang idilat ko ang aking mga mata ay lalong tumindi ang sakit sa aking dibdib, nakaluhod pa rin ang babae na hindi na maawat sa pag-iyak habang ang kaniyang dalawang kapatid at ina ay-
Nakahiga na sa lupa,
Wala ng buhay. Umaagos na sa kanilang katawan ang mga dugo at ang kanilang damit ay napalitan na ng kulay pula, lubos akong natakot at sa mga oras na ito ay nanghihina na rin ang aking mga tuhod.
Nagulat pa ako nang may sumulpot na isang lalaki, pamilyar ang pigura ng kaniyang katawan ngunit nakasuot ito ng itim na tela na siyang tumatakip sa pagkakakilanlan nito, umatras naman ang dalawang sundalong amerikano at ang tagapangasiwa ng teatro.
"Ako na ang tatapos nito" nagulat ako ng marinig ang kaniyang boses kasabay ng pagtanggal niya ng takip sa kaniyang mukha. Halos mangatog ang buo kong katawan at tuluyan ng bumuhos ang mga luha sa aking mga mata.
Hindi ko na rin maramdaman ang buo kong katawan, nanghihina na ako't wala ng lakas sa buo kong sistema. Napailing-iling ako, hindi ako naniniwala at ayokong maniwala.