Pilipinas, 1909
Mirasol Isabela's POV
Hindi na ako sumabay kay ate Amelia na kumain at nagtungo na agad sa kainan na aking pinagtatrabahuhan, hindi pa naman ako nakararamdam ng kaunting gutom.
Walang gana akong naglakad sa daan habang inaayos ang aking buhok, nang makarating sa kainan ay nadatnan ko si Diegor na nag-uutos sa kaniyang mga trabahador.
Napangiti siya sa akin dahilan para magkaroon ako ng gana, ang mga ngiti niya maging siya ang nagpapalakas sa akin. Sigurado na ako at ang aking puso na siya na ang aking itinatangi.
"Magandang umaga" napayuko naman ako ng bahagya at bumati sa kaniya pabalik. Nagtungo na ako sa aking pwesto dahil maya-maya lamang ay darating na rin ang mga tao na kakain.
Maya't-maya akong napapatingin sa kaniya na abala sa mga taong nakikikipagkwentuhan sa kaniya, alam kong napakabuti at napakamaginoo niyang tao kaya't alam kong hindi lang rin ako ang humahanga sa kaniya.
Lumipas ang mga oras at magsasarado na ang kainang ito dahil umaga hanggang tanghali lang ito nagbubukas, nalungkot naman ako dahil nauna ng umalis si Diegor nang hindi ko man lamanh namamalayan.
Ani ng isang trabahador rito ay may kikitain raw ito patungkol sa bago nitong negosyo, wala naman na akong nagawa at uuuwi na lamang.
Nadaanan ko naman ang ilang mga pamilihan rito sa bayan na kaunti na lang rin ang tao dahil tanghaling tapat na, habang naglalakad ay nahagip ng mata ko ang pamilyar na tao, ang suot niyang kulay puting damit kanina at kayumangging sumbrelo.
Si Diegor.
Napakunot naman ang aking noo nang masumpungan ng aking mga mata si Ate Amelia?
Magkausap sila, nakangiti si Diegor kay ate Amelia na halos ikapunit na ito ng kaniyang labi, abot tainga ang kaniyang ngiti. Akala ko ba ay may kikitain itong tao patungkol sa kaniyang bagong negosyo?
Naglakad sila palayo sa kanilang kinatatayuan, agad ko naman silang sinundan at kahit nababangga ko na ang ibang mga taong nakakasalubong ko ay minabuti kong hindi maalis ang aking paningin sa kanikang dalawa.
Natagpuan ko na lamang ang aking sarili na nasa likod ng isang puno at tinitingnan sila, bigla naman akong nakaramdam ng bigat sa aking pakiramdam.
Naalala kong tinawag ni Diegor ang pangalan ni ate Amelia kahapon ngunit ayon naman kay ate Amelia ay hindi naman sila magkakilala. Ang ipinagtatako ko lamang ay kung bakit sila magkausap ngayon at nagagawa pa nilang ngumiti sa isa't-isa.
Ilang minuto silang nag-usap, kanina pa ako nakatayo rito hanggang sa nagulat na lamang ako nang bigla silang naghalikan, napako ako sa aking kinatatayuan. Nagdilim ang aking paningin. Naghahalo na rin ang mga emosyon sa aking damdamin.
Pinilit kong kalmahin ang aking sarili ngunit napakabigat sa kalooban. Naramdaman ko na lamang na may luha na palang tumutulo sa aking mga mata. Agad kong naikuyom ang aking kamao.
Ito ba ang sinasabi ni ate na dahilan kung bakit hindi ako dapat umibig?
Pilipinas, 1909
Amelia Isabela's POV
Hindi ako nakatulog kagabi ng maayos dala ng nangyari sa babae at sa kanilang pamilya, tila gusto kong maglaho dahil parang kasalanan ko ang sinapit ng kanilang buhay.
Sa ikalawang pagkakataon ay nabigo akong pigilan ang nakasaad at ang mas matindi ay higit pa ang nangyayari kung pipigilan ko ito.
Nang lumabas ako sa aking silid ay walang ibang bumungad sa akin kung hindi katahimikan, malinis ang paligid maging ang mesa ay walang nakahaing mga pagkain.