Busangot ang mukha ko nang makalabas ng condo. Nakakairita, ang aga-aga naman kasi. Ganitong oras nanaginip pa lang ako.
Napatigil ako sa pagsara ng pinto nang mamataan si Damon. Kasalukuyan siyang nakasandal sa pader habang nasa malayo ang tingin. Nang makita ako ay bigla siyang umayos ng tayo. Ang loko, seryoso ngang nag-antay sa labas.
"Ang aga!" reklamo ko. Lumapit na si Damon at nginitian pa ako. Inirapan ko siya pero pagtawa ang ginanti niya.
Nakakatawa?! Halos basa pa nga buhok ko!
"Maganda ka naman a?" puna niya. Imbis na matuwa ay lalo ata akong nairita. Tinalikuran ko na siya at nauna. Walang banat-banat. Walang konek. Walang konek, Damon.
Naramdaman ko ang paghabol niya kaya lalo ko nang binilisan. Napatigil lang ako nang may maalala.
Muli ko siyang hinarap. Agad siyang napatigil sa pagsunod at kunot noo na akong tinignan. "Commute tayo?" tanong ko. Kusang bumaba ang tingin niya sa suot ko.
Nako! Kung commute tayo, ready ako.
Umiling si Damon. "No, kotse mo." Bumaba pa ang tingin niya sa sapatos ko. Natigilan ako roon nang may maalala.
Napansin ko ang pagngiti niya. Kahit hindi niya pa sabihin. Parang alam ko na agad ang laman no'n.
"Stop smiling. I can almost hear your thoughts." Tinuro ko ang sapatos ko. "I'm wearing sneakers." Tinaas ko pa iyon nang maipakita nang maayos. Lalo siyang natawa at tumingin na sa akin.
"Wala naman akong sinasabi," depensa pa niya. Para pa siyang inosente dahil hindi siya natingin sa mata ko. Hindi ko na siya pinansin at tinalikuran na.
Nang makasakay ng elevator ay naramdaman ko agad ang titig ni Damon.
"Stop staring." Pinindot ko ang button ng floor na pupuntahan namin. From my peripheral vision, I saw how he shook his head. Sumandal pa siya sa pader ng elevator kaya ganun rin ang ginawa ko.
Sobrang tahimik, kabog lang ata ng puso ko ang maririnig. Wala namang gustong magsalita sa amin.
Ano kayang itsura ng mama niya? Nameet na ni Damon ang magulang ko. Pero ang sa kanya? Wala akong ideya.
Matagal kaming hindi nagkibuan bago ako nagkalakas loob na magsalita. "Bakit wala kang kotse?" Sa dami ng pwedeng sabihin. 'Yon lang ang lumabas sa bibig ko.
Nanatili ang tingin ko sa pinto ng elevator. Natatakot na makipagtitigan sa kanya.
"Nandiyan ba ako?" walang kwentang sagot ni Damon. Dinungaw niya pa ako para lang maabot siya ng titig ko. Nilipat tuloy ang tingin ko sa kanya, pinanliitan ko siya ng mata pero imbis na matakot ay tinawanan niya lang ako.
"May iba akong pinag-iipunan."
"Ano?" kunot noong tanong ko. Nagkibit balikat si Damon, sinalubong niya ang tingin ko. Muntikan pa akong ma-out of balance nang magkatitigan kami.
"Kasal," sagot niya. Halos lumabas ang puso ko nang kumabog na naman iyon. Itong lalaking 'to. Napaka! Walang preno kung bumanat!
Umayos na ako ng tayo at pilit niyabangan ang tingin. "Kasal? kanino?" hamon ko. I'm assuming okay, hindi ko mapigilan. Pag-iba sinagot nito. Paniguradong tatadyakan ko 'to palabas ng building.
Bumukas ang pinto kaya nauna siyang lumabas.
"Sayo," sagot niya bago tuluyang humakbang. Nanlaki ang mata ko at gusto nang magwala. Okay! I'm expecting that but hey! Teka, normal pa ba ako? Namumula na ba ako? Bakit ang init?