CHAPTER TEN
“DREW?” Nakita ng binata na namutla si Mavi nang makita siya. Alam niyang bagong gising ito base sa suot na pajama at magulong buhok. Pero ang mga mata ay nanlaki. Lalo tuloy siyang kinabahan.
“Bakit may kandila dito? Anong nangyari? Nasaan si Stella?” Hindi na niya hinintay na papasukin siya. Kusa siyang pumasok sa loob!
“P-parating na siguro,” narinig niyang sagot ni Mavi na nasa likuran niya.
“Saan siya nagpunta? Bakit nga may kandila sa labas?” tanong niya sa babae. Pero bago pa nakasagot si Mavi ay natigilan na siya. “Ano yan?”
Ang picture niya na kuha nang ma-promote siya bilang first lieutenant ay nasa altar, at may dalawang kandilang nakasindi doon!
“Ano kasi, Drew….” Nakita ng binata na natataranta na ang babae at hindi alam kung papano magpapaliwanag. “Si Stella kasi, ano….”
“Ano nga?” Bakit siya ipinagtirik ng kandila? Kinikilabutan na kinuha ni Drew ang picture niya mula sa altar.
Sabay silang napatingin sa may pinto nang marinig na tumunog ang gate. Pumasok si Stella na namumugto ang mga mata. Kitang-kita ni Drew na nanlaki ang mga mata ng babae nang makita siya- bago ito hinimatay!
“Stella!” Napasigaw siya nang makitang natumba ang babae. Mabuti at hindi tumama ang ulo nito sa semento dahil nasalo ni Mavi.
Nilapitan niya ang nobya at binuhat. Si Mavi naman ay tumakbo para kumuha ng tubig. Inilapag niya si Stella sa sofa saka pinaypayan habang hinahanap ang electric fan.
“Sandali, nasa taas ang electric fan. Pasensya ka na, mainit dito,” ani Mavi. Mayamaya ay bumalik ito na may dalang electric fan at white flower.
“Ano bang nangyayari? Bakit hinimatay ito?” tanong niya kay Mavi. Pero hindi sumagot ang babae, sa halip ay pinahiran nito ng white flower ang ulo at ilong ni Stella.
Hindi nagtagal ay unti-unting gumalaw ang dalaga. “Drew…..” banggit nito.
“Stella, nandito ako.”
“Drew, buhay ka!” agad na bumangon ang babae at niyakap siya. Umiiyak ito. Lalong nalito ang binata.
“Oo, buhay ako. Bakit, anong akala mo, patay na ako?” Hindi makapaniwalang tanong niya sa nobya.
“Kasi hindi kita makontak. Ilang beses kitang tinitext at tinatawagan, naka-off ang cellphone mo, na hindi mo naman ginagawa.”
“Nawala ang cellphone ko! Kaya nga kita hindi natawagan. Hindi ako nakapagsabi na bigla kaming pinapunta ng Baguio.”
“Yun pa. Nagcrash daw ang Presidential Helicopter sa Ifugao. Wala silang sinasabing pangalan sa media. Takot na takot ako.”
“May nag-crash nga. At yun ang inasikaso namin.”
“Nagpunta ako sa Malacanang Park para hanapin ka, hindi kami pinapasok. Wala akong mapagtanungan. Hindi ko alam kung papano or saan ka hahanapin.”
“Kaya inisip mong namatay na ako?” Kinilabutan si Drew.
“Ano ang gusto mong isipin ko?”
“So pinatay mo na nga ako? Kaya nagtirik ka ng kandila sa labas ng gate at nilagay mo ang picture ko sa altar?” Hindi alam ng binata kung maiinis or matatawa sa ginawa ng babae. First time niyang maka-encounter ng katulad ni Stella!
“Ipinagdadasal ka lang niya, Drew,” sabad ni Mavi na naroroon pa rin, nakatingin sa kanilang dalawa.
“Ang sinasabi nila sa akin, confidential pa raw ang mga pangalan ng namatay. Hihintayin ko pa bang mabasa ang pangalan mo sa diyaryo or makita sa TV?”
“Pero ang morbid mo naman, Stella! Buhay na buhay naman ako o!” Bahagya nang tumaas ang boses niya. Kinikilabutan pa rin kasi siya.
“Nagpapasalamat nga ako na buhay ka. Yun ang ipinagdasal ko simula pa kagabi.”
Umupo ang binata at kinuha ang tubig na ibinigay ni Mavi para kay Stella. May laman pa kasi ang baso kaya ininom niya iyun. Pakiramdam niya ay bibigay na ang katawan niya sa stress. Dagdagan pa ng kalokohan ni Stella!
Binigyan siya ni Mavi ng isa pang baso ng tubig bago umakyat sa taas ang babae. Naiwan sila ni Stella sa sala. Pareho silang nakaupo sa sofa. Masakit ang ulo niya pero ipinaliwanag niya sa babae ang nangyari- kung bakit hindi agad siya nakatawag.
“Alam mo bang galing ako ng simbahan kanina?” sabi ni Stella. “Hiniling ko na mabuhay ka lang, makikipag-break na ako sayo at hahayaan na kita.”
“Ano?” Napa-diretso siya ng upo ng wala sa oras.
“Ipinagdasal ko na sana ay ligtas ka. Hindi ko kasi alam kung ano ang nangyari sayo. Ang sabi ko sa Diyos, buhayin ka lang niya, okay lang na tumanda akong dalaga. Kahit hindi na ako magkaasawa, huwag ka lang mamatay.” Muling tumulo ang luha ng babae.
“Bakit mo naman ginawa yun?” Puwede ba siyang magprotesta sa simbahan? “Hindi naman naghihintay ng kapalit ang Diyos kapag nagbibigay ng hiling di ba? Bakit kailangan mong sabihin na makikipag-break ka sa akin?”
“Kasi yun lang ang naisip ko kanina. I was desperate. At naisip ko na kaya kitang i-give up, basta buhay ka lang.”
“Hindi ganun yun e!” angal ni Drew. “Bakit ka makikipag-break sa akin?”
“Sorry,” narinig niyang pahayag ni Stella. “Ayokong madamay ka sa sumpa sa pamilya namin. Mas mabuti pang masaktan ako, huwag ka lang mamatay.”
Nasuklay ni Drew ng mga daliri ang sariling buhok out of frustration. Hanggang ngayon pala ay issue pa rink ay Stella ang sumpa! Kaya imbes na humaba pa ang diskusyon nila ay minabuti na lamang ng binata na magpaalam. Pagod na rin siya at inaantok. Wala na siya sa mood makipagsagutan pa dahil iba ang tama ng babae.
Mas masahol pa sa adik ang trip!
BINABASA MO ANG
The Cavaliers: DREW
ChickLitThe Cavaliers Book 2 Iniwan na naman si Drew ng jowa. Laging ganun ang eksena. Siya ay laging inaayawan dahil mahirap daw karibal ang bayan. Pero anong magagawa niya? Mas importante ang sinumpaan niya. Magkaka-lovelife pa ba siya? *** follow me on...