CHAPTER THIRTEEN

9.2K 274 6
                                    

CHAPTER THIRTEEN

ISA-isang ipinakilala ni Stella ang mga tiyahin at lola- na lahat ay nakatingin sa kanya.

“Siya po si Drew, boyfriend ko,” hinawakan siya ng babae sa braso. Ngumiti siya, saka magalang na nagmano sa kanila.

“Good evening po.” Pakiramdam ng binata ay para siyang bibitayin at ngayon ang kanyang ‘last supper.’

Nasa sala ang lahat, hindi lang ang mga tiyahin at lola ni Stella, naroroon din ang kanyang ina at dalawang kapatid. Nagluto ng espesyal na arroz valenciana ang nanay ng babae samantalang lumpia at kaldereta naman ang niluto ni Nestor. Ang ambag nila ni Stella ay ang dalang pansit sotanghon galing sa restaurant sa bayan saka cake.

“Ikaw pala ang nobyo nitong apo ko,” ngumiti ang lola ni Stella. Alam niyang malapit na itong mag-otsenta pero malakas pa. “Hindi ka ba natatakot, hijo?”

Biglang napatayo ang nanay ni Stella sa sinabi ng matanda. “Kumain na ho muna tayo at anong oras na. Baka lumamig ang pagkain,” mabilis na wika ni Aling Wena. Nilapitan nito ang matandang babae saka inalalayan sa pagtayo bagama’t kaya naman ng huli.

“Oo nga naman ‘nay, pakainin niyo muna bago gilingin!” biro ni Auntie Melba. May dala itong paypay at kahawig ni Miss Tapia dahil payat at matangkad, nakapusod ang buhok at may salamin na itim ang frame.

Pasimpleng hinawakan ni Stella ang kamay niya. Pinisil niya iyun, his way of letting her know that everything was okay. Gaano ba kahirap ang humarap sa angkan ng babae?

Nang makaupo sila sa mesa ay nabawasan ang tensiyon dahil masarap ang mga nakahaing pagkain. Biro pa ni Auntie Loleng ay parang may fiesta daw sa bahay nina Stella. He relaxed and decided to just enjoy the good meal. Naisip niyang kung meron mang masamang sasabihin sa kanya ang angkan ng nobya, it could wait later.

Pagkatapos kumain ay bumalik silang lahat sa may sala, si Stella ang nag-volunteer na maghuhugas at handa naman siyang tumulong pero sinabi ni Lemuel na siya na ang bahala sa pinagkainan nila.

“Alam mo bang mahal na mahal namin itong si Stella, Drew?” agad na wika ng lola ng babae. Tumango siya.

“Mahal na mahal ko rin po siya, at handa akong sundin kung ano man ang dapat kong gawin para hindi na siya matakot sa pag-aasawa. Handa ko ho siyang pakasalan.”

“Malinis naman ang hangarin mo sa pamangkin namin?” tanong ni Auntie Loleng.

“Opo. Hindi naman po ako pupunta dito at haharap sa inyo kung balak ko lang ho siyang lokohin,” magalang na sagot niya.

“Militar ka. Karamihan sa mga military men ay babaero,” sabad ni Auntie Melba.

“Inaamin ko pong marami na akong naging nobya.” Nakita niyang natigilan ang lahat sa sinabi niya. Pati ang pagpapaypay ni Aling Wena ay natigil. “Pero hindi ho yun sabay-sabay at never ko po silang niloko.”

The Cavaliers: DREWTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon