CHAPTER 9 (Part 2)

927 65 22
                                    

NAIUNTOG NI Claud ang noo sa pinto ng kuwarto niya. Dammit! Hindi niya inaasahan na makikita si Zai sa loob ng bahay niya at lalo na na halos nakahubad siya. He looked at his morning wood. Sana lang ay hindi iyon napansin ni Zai.

Ang akala niya ay iniiwasan siya nito lalo na at tatlong araw itong nawala na parang bula. Nag-alala siya na dahil hindi nito nagustuhan ang sinabi niya noong huling beses silang nagkita. Panay din ang tingin niya sa kabilang bahay pero nang hindi makita ni anino ng babae ay pinuntahan na niya ang assistant nitong si Ariane. Ito ang nagsabi sa kanya na tatlong araw na nagbakasyon si Zai.

Mabilis siyang nagbihis bago inipon ang lakas ng loob para bumalik sa kusina. Mula sa  bukana ng kusina ay nakita niya ang pagtawa ni Zai sa sinabi ni Mama Clarita. Gusto niyang i-freeze ang mga oras na iyon para makita ang ngiti ng babae. She’s beautiful but she was breathtaking when she’s laughing and smiling. Lumingon ito sa kanya at parang may sumipa sa dibdib niya nang makita ang pinipigilan nitong ngiti.

“Ma, hindi ko alam na pupunta ka ngayon dito,” aniya bago ito lapitan at hinalikan sa pisngi. Nilingon niya si Zai. “Sorry nga pala kanina, nabigla lang ako.”

“It’s okay. No harm done,” nakangiting sabi nito. “By the way happy birthday, Claud.”

“Thanks.” Hindi alam ni Claud kung gaano na siya katagal na nakatitig dito nang makarinig nang pagtikhim mula sa likuran niya.

“Ang mabuti pa, dalhin mo na sa tatay mo ang mga ito,” ani Mama Clarita at inabot sa kanya ang tupperware na may nakamarinade na manok.

“Nandito rin si Tatay?” hindi makapaniwalang sabi niya.

“Halos kadarating lang niya. Sige na dalhin mo na 'yan sa kanya sa labas,” pagtataboy pa nito sa kanya.

Kumuha siya ng lumpiang shanghai at isinubo iyon. “Claud!” saway ni Mama Clarita sa kanya. Tumingin siya kay Zai at kinindatan ito bago siya nagpunta sa labas kung nasaan si Papa Simon.

Lumapad ang pagkakangiti nito nang makita siya. “Happy birthday, anak!” anito bago siya mahigpit na niyakap.

Nakangiting gumanti ng yakap si Claud. Sino ba ang mag-aakala na ang lalaking dapat na biktima niya ay siya pang tatayong magulang niya?

“Salamat, Tay,” aniya bago inabot dito ang Tupperware.

Napatingin si Claud ng tumikhim ito. “So, maganda si Zai ah.” Pakiramdam niya ay namula ang tainga niya sa sinabi nito. Napakamot siya sa ulo at inubos ang lumpiang shanghai na hawak. “Mukhang kasundo siya ng mama mo,” dagdag pa nito.

Napangiti siya. Sa totoo lang ay hindi madaling makuha ang loob ni Mama Clarita pero mukhang kasundong-kasundo na nito si Zai.

“Actually sinabi ko sa kanya na liligawan ko siya,” nakangising sabi niya.

Marahas itong lumingon sa kanya bago natatawang tinapik ang balikat niya. “Mana ka talaga sa akin. Hindi mo na dapat pinapakawalan ang tulad niya kung sa tingin mo ay siya na ang para sa iyo, anak.”

Naging magaan ang kuwentuhan nila tungkol sa trabaho habang nag-iihaw sila. Nang matapos sila ay muli silang bumalik sa loob at naabutang naglalagay na ng plato sina Zai at Mama Clarita. Umupo siya sa tabi ni Zai habang nasa tapat naman nakaupo sina Mama Clarita at Tatay Simon.

“Maraming salamat po ulit sa pag-invite sa akin,” ani Zai sa magulang niya.

“Naku, Zai. Walang anuman 'yon. Natutuwa ako na kasama ka naming para i-celebrate ang birthday ni Claud. Matagal ko nang gustong magkaroon ng anak na babae.”

Pinanlakihan niya nang mata ang ina na nginitian lang siya. Nagsimula na silang kumain at naging magaan ang kuwentuhan nila hanggang sa humirit na naman si Mama Clarita.

VIGILANTES BOOK 2: ZAI, THE SNIPERTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon