Twelfth Glitch

35 5 0
                                        

Third Person’s POV


Pagod na nga sa eskwelahan, pakiramdam niya ay mas nahahapo pa ang kanyang mga kaluluwa sa tuwing umuuwi sa sariling tahanan. Inilapag niya ang gamit sa mahabang upuan na yari sa kahoy, hinubad ang itim na sapatos, isinuot ang tsinelas na nasa tabi, napaupo at nasandal sa matigas nitong headboard. Napabuntong-hininga na lamang siya.



Siya ang bunso, ngunit siya pa ang nag-aalaga sa mas nakatatandang kapatid imbes na siya ang alagaan nito. Nakasasawa. Napatingin siya sa mababaw na sugat sa kanyang kaliwang hintuturo, dulot ng paghihiwa. Napapikit na lamang siya at iidlip sana ngunit, labis na mainit sa maliit at lumang sala na kinaroroonan niya. Gamit nga pala ng kanyang kuya ang electric fan, at ayaw na ayaw nitong naiinitan.

“Anak, nakita mo na 'yong sulat?”

Binukas niya ang kanyang mga mata nang marinig ang tinig ng ina. Kapapasok lang nito sa loob at nagtatanggal pa ng sandals. Bitbit nito ang mga isdang nakasupot sa kaliwang kamay nito.


“Anong sulat nay?” Agad siyang tumayo at kinuha niya ang bitbit nito, nagtungo sa kusina, at saka isinalin sa isang lalagyan ang mga isda. Lilinisan niya ang mga ito.



“May sulat na dumating kaninang umaga pagkapasok mo. Para raw sa 'yo.” Naupo sa silyang kahoy ang ina at saka nagsalin ng tubig sa baso mula sa pitsel.



“Sulat para sa 'kin?” Takang tanong niya at nagkabit na lang ng apron upang hindi matalsikan ng kaliskis ang uniporme.


“Oo, nakalagay na para sa 'yo. Nakita ko lang sa ilalim ng pinto no'ng nagwawalis ako. Nilusot siguro tinamad kumatok.” Pagpapaliwanag ng ginang na bahagyang natawa sa ginawa ng nagpadala ng sulat.


“Luh. Uso pa ba 'yong sulat? Sino namang magpapadala ng sulat sa 'kin nay?” Natawa-tawa pa siya hindi lubos maisip na makakatanggap siya ng sulat sa panahong gadgets na ang uso.




“Teka nak, kunin ko sa taas.” Tatayo na sana ang ginang.




“Ako na nay. Saan ba nakalagay?” Naghugas siya ng kamay at iniwan muna sa lababo ang ginagawa.




“Ay naiwan ko pala sa kwarto ng kuya mo! Naku makakalimutin na talaga ako!” Napahaplos na lang ang ginang sa noo.




Dumiretso siya sa hagdang may kababawan at nagtungo sa kwarto ng nakatatandang kapatid. Hindi naman ito naka-lock. Napangiti siya nang makitang nakatutok lamang ito sa bentilador na naka-steady lang din. Tulala ito roon at hindi naman bakas ang lungkot sa mukha na minsan lang din mangyari.




“Kuya!” Bati nito at tinabihan ito sa kama. Tinignan lamang siya nito at nanatiling walang imik.



“Alam mo ba kuya, nagandahan 'yong prof ko kanina sa gawa ko! Sa susunod uuwian kita ng mga gawa namin!” Aniya sa masiglang tinig habang nakatitig sa kapatid. Batid niyang hindi siya papansinin nito, kaya kinuha niya na lang ang parisukat na puting sobreng nakapatong sa katabing lamisita ng kama. Lumabas naman ng kwarto ang kapatid at naiwan siya sa kanyang kinaroroonan. Hinayaan niya lamang ito.







“Seryoso? Sulat?” Natawa na lamang siya habang binubuksan ang sobreng pangalan niya lang sa harap ang nakalagay at bukod doon ay wala nang iba pang impormasyon. Ni wala ngang address kung saan nanggaling.



Tinanggal niya sa pagkakatupi ang papel nasa sa loob ng sobre at binasa ang nakasulat dito.




Sa susunod na dalawang taon, ay hindi pa okay ang sitwasyon ni kuya. Please iligtas mo siya. Sa school kung saan nagmula ang lahat, doon niya wawakasan ang buhay niya. Kapag nalaman ni nanay na patay na siya, susumpong ang sakit niya sa puso at ikamamatay niya yun. Aatakihin. Maiiwan kang mag-isa. It hurts alam mo yan. Gawin mo ang lahat para mailayo si kuya sa lugar na yun...





Above HeavensTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon