Prologue

159 8 0
                                    

Prologue

Patuloy ang pagbuhos ng malakas na ulan. Tanaw ko iyon mula sa bintana ng library. Sumimsim ako sa biniling kape at binasang muli ang e-mail na kanina ko pa ginagawa.

"May klase, ah? At bawal magpasok ng drinks dito," sita sa akin ng librarian.

Nakapamaywang ito at matalim ang tingin sa akin. Dire-diretso kong nilagok ang natitirang kape kahit gumuhit ang init niyon sa aking lalamunan.

Matamis akong ngumiti at ipinakita ang paper cup na wala nang laman. "Ubos na po."

Nagngitngit ang mga ngipin niya at itinuro ang pinto. "Labas."

Bumagsak ang balikat ko. Wala akong nagawa kundi pindutin ang 'send button' bago isinilid sa bag ang mga gamit ko.

Bahagya akong yumuko sa harap ng librarian at umalis na. Yakap ko nang mahigpit ang aking bag habang tinatakbo ang grass field patungo sa abandonadong building.

Pagkarating ay hinubad ko ang suot na hoodie at isinampay iyon sa isang sirang arm chair. Pumwesto ako sa pinakalikod at tagong bahagi ng silid.

Sinipat ko ang suot na relo. Napanguso ako nang napagtantong masyado akong maaga. Malamang ay nasa classroom pa sila at naglilinis.

Buong araw akong hindi pumasok at tumambay lang kung saan-saan. Sa araw ding ito, limang beses na akong napaalis sa puwesto.

Bago pa lang kasi ako sa school na 'to kaya hindi ko pa gaanong alam ang mga patakaran nila. Kulang din sila sa mga nakapaskil na paalala kaya kahit restricted area, nararating ko.

Tinapik-tapik ko ang daliri at naghintay. Natigil lamang ako nang matanaw ang isa sa kanila. Dala niya ang mga mabibigat niyang libro. Kunot-noo siyang naglibot ng tingin. Malabo ang mga mata niya kaya hindi ako napansin.

Pinagmasdan ko siyang umupo sa arm chair na pinagsampayan ko ng hoodie ko. Napatayo siya at dinampot iyon. Nagsimula siyang manginig at ang mga mata niya ay naglumikot.

"M-may tao ba rito?!"

Maliit akong ngumisi at tumango sa dilim. Inayos niya ang pagkakasuot ng salamin at kinalma ang sarili. Ibinagsak niya sa sahig ang hoodie ko.

Bakas pa rin ang takot sa kaniyang mukha pero pilit na inililigaw ang isipan sa pamamagitan ng pagbabasa ng libro.

Umalingawngaw ang katok sa buong silid kaya kapwa kami bumaling sa pinto. Naroon ang isa pa na suot ang kaniyang basketball jersey, kagagaling lamang sa try-out.

"Ikaw ba ang nagpadala ng e-mail?" tanong niya sa lalaking nagbabasa.

Mabilis itong umiling at bumagsak ang mga mata sa hoodie kong nasa sahig. "P-pinadalhan din ako ng e-mail. S-sa tingin ko, may t-tao pa r-rito maliban sa atin."

Tumango ang bagong dating at sumalampak sa sahig. Uminom ito sa dalang water bottle. Katulad ng nauna, inilibot niya rin ang kaniyang paningin ngunit sa huli ay hindi ako nakita.

"Maghintay pa tayo," sabi nito.

Ilang sandali pa ay dumating ang pangatlo. Sumasayaw ang tuwid nitong buhok na mas mahaba kaysa sa akin na hanggang balikat lamang.

Tumutunog ang sapatos nitong may katamtamang taas ng takong sa bawat hakbang niya. Pumilantik ang mahahabang pilikmata niya habang sinusuri ang dalawang nauna.

"Kayo? Akala ko may influencers' event kaya pumunta ako."

Walang pumansin sa kaniya kaya nagkibit-balikat na lamang at humanap ng sariling puwesto. Naging abala siya sa pagkuha ng sariling litrato.

Napangiti ako nang masilayan na ang huli. Nakapamulsa ito at dala ang paboritong walkman. Ang ilang hibla ng kaniyang buhok ay halos umabot na sa kaniyang kilay.

Hindi siya pumasok at sumandal lamang sa hamba ng pinto. Nasa baba ang kaniyang tingin kaya hindi niya napansin ang mga kuryosong mata ng iba pang naroon.

Nag-inat ako at naglakad palayo sa pinagtataguan. Pinanatili ko ang nakapaskil na ngiti sa aking labi.

"Salamat sa pagpunta," bungad ko na nagpabaling ng kanilang mga atensyon sa akin.

Natigil sa ginagawa ang babae. "Ikaw ang nagpadala ng e-mail?"

Tumango ako at isa-isa silang tinapunan ng tingin. "Bago tayo mag-proceed sa purpose ng meeting na ito, magpakilala muna tayo sa isa't isa. Ako si Alora Carvajal."

Sinundan ako ng lalaking nakasalamin. "A-ako si Mendel Lavarias."

"Thaxter Del Prado." Tinanguan ako noong naka-jersey.

"I'm Evette Alquiza! Please subscribe to my channel and follow me on my socmed accounts!"

Napailing si Thaxter samantalang nahihiyang sinapo ni Mendel ang kaniyang noo. Ngumisi ako at bumaling sa lalaking nagbaba ng tingin. Tumikhim siya at hindi nagpakilala.

Tumango na lamang ako. "Nice to finally meet you, everyone. Mayroon akong proposal para sa inyo." Dinampot ko ang mga plastic envelopes na inayos ko kanina. Naglalaman iyon ng kontrata. Binigyan ko sila ng kaniya-kaniyang kopya.

Pinagsiklop ko ang aking mga kamay. "Kung papayag kayo, magiging bahagi kayo ng samahang itatatag ko."

Nagtaas ng kamay si Mendel at muling inayos ang suot na salamin. "Anong purpose ng organization na ito? Walang nakalagay sa contract," puna niya.

"Wala pang nakalagay kasi kayo mismo ang magpo-propose ng activities natin sa oras na pumirma na kayo sa kontrata."

"Hmm. Dance covers in public? O 'di kaya concerts?"

Walang kumibo sa suhestiyon ni Evette kaya pagak akong natawa. "Pag-uusapan natin kapag opisyal na kayong member."

"Oh? Pipirma na ako," anunsyo niya.

"Ako rin," si Thaxter.

Bumaling ako kay Mendel na mukhang nagdadalawang-isip. "How about you, Mendel?"

Nag-angat ito ng tingin sa akin. "U-uh. A-ayos lang... Sasali ako."

Lahat kami ay napatingin sa lalaking walang sabi-sabing lumabas at iniwan ang contract. Inaasahan ko na iyon kaya hindi na ako nabigla.

Kinuha ko ang plastic envelope at nagpaalam muna sa tatlo. Lumabas ako ng silid na iyon. Natanaw ko siyang nagpapaulan.

Lumapit ako sa kaniya, sinamahan siya sa gitna ng ulan. Napatingin ako sa kaniya na katulad ng nakagawian, nakayuko at hawak ang walkman.

"Baduy mo, Escareal! Balik ka na sa panahon mo!"

Nagtawanan ang grupo ng mga kalalakihan na iyon. Nanunuya nilang tinignan siya na hindi natinag.

Sinulyapan ko siya at bumuntong-hininga. "Iiyak mo lang 'yan. I won't mind."

Nilingon niya ako at bumakas ang pagtataka sa kaniyang mukha. Siguro ay nabigla siya dahil alam ko kahit nasa ilalim naman kami ng ulan.

Nagkibit-balikat ako. "Alam ko kasi iba ako... katulad mo," paliwanag ko.

Bumigat ang kaniyang paghinga at kinuha mula sa akin ang kontrata. "Ibabalik ko sa 'yo bukas."

Napangiti ako kalaunan. Iniwan niya na ako roon. Tanaw ko siyang hindi alintana ang mga taong nanunuya siyang pinagmamasdan.

"Ingat, Atlas! And welcome to The A Team!"

Natigilan siya at umambang lilingunin ako ngunit bago pa mangyari iyon, tumalikod na ako at naglakad palayo.

The A TeamWhere stories live. Discover now