Chapter 9: Remember
Nakatutuwang isipin na kapag pinagsama-sama ang mga salita at nilapatan ito ng musika, maaari na itong gawing instrumento upang mag-iwan ng marka sa mga tao. Maaaring magbigay ito ng sari-saring emosyon gaya ng kasiyahan at maging ng kasawian o 'di kaya'y magpaalala ng nakaraan.
Kumunot ang noo ni Atlas. "Bakit mo ibinabalik?" nagtatakang tanong niya.
Ngumiti ako. "Sa iyo naman talaga iyan. Iniwan iyan sa iyo ni Cassidy kaya alam kong gusto niyang itago mo iyan para ipaalala sa iyong hindi naman talaga siya tuluyang nawala dahil nasa mga alaala mo pa rin siya."
Lumambot ang ekspresyon niya at dinama sa kaniyang mga kamay ang paboritong walkman. "Tama ka." Nag-angat siya sa akin ng tingin. "Salamat... sa lahat," dagdag niya.
"Sinabi ko naman sa iyo, kaibigan mo ako."
Marahan siyang tumango. Sinalubong namin sina Thaxter, Mendel at Evette na kararating lamang. Agad akong nilapitan ni Evette at ipinakita ang ginawa niyang song cover dahil na-inspire raw siya sa pagkanta ni Atlas sa contest nang mag-isa.
Abala kami sa panonood nang may napansin si Thaxter. "Si Sir Julien iyon, 'di ba?" tukoy niya sa isang lalaking nagpapamigay ng pagkain sa mga batang lansangang laging makikita sa labas ng school namin.
"Lapitan natin," aya ni Atlas.
Sumang-ayon naman kami dahil maaga pa naman at abala pa rin ang adviser namin kaya hindi kami male-late.
"Good morning, Sir!" masiglang bati ni Evette.
Napatingin sa amin ang aming guro at maging siya ay nagulat. "G-good morning din sa inyo. Hindi pa kayo papasok?"
"Mamaya na po, Sir. Tutulungan ka po muna namin dito," tugon ko.
Napakurap-kurap si Sir Julien at naestatwang pinanood kaming bigyan ng mga dala niyang meal sets ang mga bata. Tatlong grupo sila at sa bilang ko, nineteen silang lahat. May dala silang mga karton na inilalatag nila sa daan upang kapag sumapit ang gabi ay may matulugan sila. Lahat sila ay menor de edad. Nahabag ako lalo nang makita ang isang batang babae na karga ang kapatid niyang sanggol pa lamang.
Lumuhod ako sa kaniyang harapan upang magpantay kami. "Nasaan ang mga magulang ninyo?" malumanay kong tanong.
"N-nakakulong po," bulong niya.
"Wala kayong ibang kamag-anak?"
Umiling siya at hinele ang kapatid na umiiyak. Nilapitan ako ni Sir Julien. Tinapik niya ang aking balikat at tumango. "Mag-isa nilang binubuhay ang kanilang mga sarili kaya nang naka-ipon ako ng kaunting pera galing sa sahod ko, nagpaluto agad ako at binigay sa kanila."
Bumuntong-hininga ako at pinanood silang masayang kumain. Hindi ko lubos maisip na sa murang edad, dinaranas na nila ang ganitong kahirap na buhay.
"Dalhin po kaya natin sila sa Tahanan ng Kabataan?" suhestiyon ko.
Marahas na bumuga ng hangin si Sir Julien. "Sinubukan ko nang kumbinsihin sila pero mas gusto nila rito at hihintayin daw nila ang mga magulang nila... Huwag kang mag-alala, Alora. Susubukan ko ulit at ngayon, tatawag na ako sa kinauukulan."
Hanggang sa loob ng klase ay hindi mawala sa aking isipan ang malubhang kalagayan ng mga batang iyon. Kaya nang sumapit ang lunch break, iyon ang pinag-usapan naming lima.
"Anong puwede pa nating gawin?" tanong ko pagkatapos ilahad sa kanila ang plano ni Sir Julien na magpapatulong sa mga opisyal sa loob ng Tahanan ng Kabataan.
"Katulad ng dati, kailangan natin ng pondo maliban pa sa araw-araw nating kontribusyon."
Inilabas ni Mendel, ang itinalaga naming Ingat-Yaman, ang listahan niya at binilang ang ipon namin. "Wala pang isang libo kaya kukulangin tayo," ulat niya.
Napagkasunduan kasi namin dati pagkatapos ng pagtulong namin kay Kuya Rolly na maghuhulog kami araw-araw para maging pondo sa mga susunod pa naming projects.
"Fund-raising? Ang makakalap natin, puwede nating ibili ng damit, hygiene kits at pagkain."
Natahimik kami at pinag-isipan ang maaaring gawing fund-raising katulad ng suhestiyon ni Evette.
"Marunong akong mag-bake. Magbenta na lang tayo ng pastries online at puwede rin dito sa school."
Namangha kaming lahat sa rebelasyong iyon ni Thaxter na pinaboran naman namin dahil magandang ideya nga iyon. "Aba! Ang dami mo nang skills, Del Prado. Magbigay ka naman," pabirong singhal ni Evette. Nginisihan lang siya ni Thaxter.
"Magkita-kita na lang tayo mamayang uwian para bumili ng gagamitin nating ingredients at bukas, puwede nating hiramin ang kitchen station sa canteen basta may permission lang ni Sir Julien," pagtatapos ko sa usapan.
Natupad nga ang balak naming iyon sa pangunguna ni Thaxter. Sinubaybayan kami ni Sir Julien na may kaalaman din pala sa baking.
Chocolate Muffins: Sold Out
Madaming tumangkilik sa produkto namin lalong-lalo na sa loob ng klase dahil ikinuwento namin sa kanila ang kapupuntahan ng kikitain sa ibinenta namin.
May ilan pa ngang kusang-loob na nag-donate ng karagdagang pera kaya maging si Sir Julien ay natuwa at ipinagpaliban na muna ang dapat naming long test sa araw na iyon.
Sa sumunod na araw, nagtipon-tipon kami sa labas ng school. Dumating ang opisyal na hiningan ng tulong ni Sir Julien at ipinaliwanag niya sa mga bata ang magiging buhay nila kung mananatili sila sa kalsada.
Habang nagpapamigay kami ng mga gamit na nanggaling sa kinita namin, dumating si Vinyl at tumulong. Bumaling ako sa kaniya. Ngumiti naman siya sa akin at kumindat. "Nice to see you again, Alora."
Natatawa akong umiling at nagpatuloy. Tuwang-tuwa sila habang tinitignan ang lahat ng mga ibinigay namin. Nilapitan ako ng batang nakausap ko noon, karga niya pa rin ang kaniyang kapatid.
"Maraming salamat po, Ate. Mag-aaral po ako at gusto ko pong maging katulad ninyo," sabi niya.
Napangiti naman ako at tumango. "Mabuti 'yan at kapag dumating na ang araw na matagumpay ka na, sana maalala mo ako."
"Oo naman po," nakangiti nitong sagot.
"Thank you so much, Sir and to your students. Makakaasa kayong nasa mabuting kamay sila. Maaari ninyo silang dalawin kahit kailan niyo naisin."
Nakipagkamay si Sir Julien kay Ms. Erid. "Thank you and expect us to visit anytime soon."
Kinawayan namin ang mga bata habang papalayo sila. Tinabihan ako ni Vinyl at mangha akong tinignan. "I will surely remember you," he whispered. Tipid akong ngumiti.
I hope they will, too.
YOU ARE READING
The A Team
Teen Fiction[ Stand Alone ] Welcome to 'The A Team' where hope is in us! Disclaimer: This story is written in Taglish. Date Started: July 5, 2020 Date Finished: September 12, 2020