Chapter 2: Walk You To Home
Inilatag namin ang lumang mattress na dala ko at humiga pagkatapos naming maglinis. Malawak ang silid na ito kaya natagalan kami.
"Nakakapagod. Pag-uusapan pa ba natin ang tungkol sa mga activities?" si Evette na pinaglalaruan ang buhok ni Thaxter na nakaidlip agad.
"Sa susunod na lang. Naayos naman natin ang A Suite."
Umupo ako at pinagmasdan silang lahat. Si Mendel ay nagbabasa ng libro samantalang tulala sa kisame si Atlas.
Who would have thought that we could get along well? Kung titignan, parang normal lang kaming magkakaibigan na matagal nang magkakasama. Ni isang beses, hindi ko nakitang napipilitan lamang sila.
Napatayo ako ng maaninag ang ilaw na papalapit. Nagising si Thaxter at napatigil naman sa pagbabasa si Mendel. Tulong-tulong naming itinago ang mattress sa likod ng mga kahon para hindi makita.
Dahan-dahan kaming lumapit sa pinto, dala-dala ang aming mga gamit. "P-patay. Nahuli tayo," bulong ni Mendel.
Nagtago kami sa likod ng pinto at hinintay na makalagpas ang guard. Walang emosyon kaming tinignan ni Atlas. Umamba siya bubuksan ang pinto kaya marahas akong umiling. Kumunot ang kaniyang noo at tuluyan nang pinihit ang seradura.
Natanaw kong bumalik sa direksyon namin ang liwanag. Napalatak si Thaxter nang matanaw kami ng guard. Napapikit ako dahil itinapat nito ang flashlight sa amin.
"Bakit hindi pa kayo umuuwi? Kayo na lang ang naiwan dito," sita niya gamit ang istriktong boses.
Umalis si Evette sa likod ni Thaxter at matamis na nginitian ang guard. "Pauwi na po kami, Kuya Rolly. Naglinis lang dito."
Sumilip si Kuya Rolly sa loob at nang makita niyang malinis nga, tumango at hinayaan na kaming makalabas.
"Ayos ka rin, Atlas. Ipapahamak mo pa tayo pero ang saya no'n!"
Napangisi ako nang inosenteng tinignan lamang ni Atlas si Evette. Tumambay muna kami sa waiting shed para samahan si Mendel at Evette na hintayin ang sundo nila.
Si Thaxter naman, nauna nang umuwi dahil manonood ng basketball game sa barrio nila. "Ikaw, Alora? Ihatid ka na lang namin?" suhestiyon ni Evette.
Umiling ako. "Salamat pero ayokong makaabala. Kaya ko namang umuwi nang mag-isa."
Nagkibit-balikat siya at pumasok na sa sasakyan nila. Sunod namang dumating ang sundo ni Mendel kaya kaming dalawa na lang ni Atlas ang natira.
Tumayo siya kaya sumunod ako. "Uuwi ka na?" tanong ko nang napansing nag-aabang siya ng tricycle.
Tumango siya at pinara ang isang dumaan. Nakasimangot ko siyang tinignan hanggang sa makaalis na siya. Bununtong-hininga ako at nagsimula nang maglakad pauwi.
Ilang sandali pa ay naramdaman kong may sumusunod sa akin kaya binilisan ko ang lakad. Halos mapatalon ako ng may sumabay sa akin.
"Oh? Akala ko uuwi ka na?"
Umiling si Atlas at nag-iwas ng tingin. Nagpigil ako ng ngiti nang may napagtanto. "Hmm. Ihahatid mo ako?"
"Hindi. Titignan ko lang ang bahay mo," pagtanggi niya, diretso pa rin ang tingin sa akin.
Tumakas ang pinipigil kong tawa kaya inunahan niya ako sa paglalakad. "Sus... Hindi ka marunong magsinungaling, Escareal," bulong ko sa sarili.
Pinanindigan niya ang pagiging tahimik hanggang sa makarating na kami sa village. Hinarap ko siya at pinagmasdan siyang sinusuri ang labas ng bahay.
Ngumiti ako. "Salamat sa paghatid."
Nagkunwari siyang hindi ako nadinig. May itinuro siya sa may hindi kalayuan. "Dito pala nagtayo ng guitar shop ang Tito ko."
Bumaling ulit siya sa akin at tumango. "Ang ganda ng bahay ninyo."
Ngumuso ako at tinanaw siyang naglakad na lamang palayo pagkatapos sabihin iyon. Iba talaga siya. Napailing ako.
"Good morning!" bati ko kina Evette at Thaxter na nauna pa sa akin sa A Suite.
Nginitian ako ni Evette. "Morning!"
Binuksan ko ang pinto at dire-diretsong pumasok si Thaxter, hindi man lang ako pinansin. Kumunot ang noo ko. Bumuntong-hininga si Evette sa aking gilid na lalo kong ipinagtaka.
"Problema niyon?" tukoy ko kay Thaxter.
"Kabado. May game raw mamaya sa gymnasium. Taga-Manila ang kalaban."
"Talaga? Nood tayo!"
Tumango si Evette at hinatak na ako papasok. Nadatnan naming tulala si Thaxter. Umupo ako sa harap niya at pigil ang ngisi siyang tinignan.
Kinuha ni Evette ang mop sa banyo at iniabot sa kaniya. "Ayan. Lampasuhin mo sila," halakhak niya.
Napangiti si Thaxter at naglampaso na lamang ng sahig. Nag-sound trip kami habang pinapanood siyang maglinis.
Mabilis lumipas ang oras. Uwian na namin at tumungo agad kami sa gymnasium para manood ng laro ni Thaxter.
Kaninang lunch, hindi kami sumabay ni Evette sa kanila. Lumabas kami, namili ng balloons at cartolina. Si Evette ang nag-letterring at ako naman ang nagpalobo ng balloons.
"Del Prado, three points!"
"Go, ENHS Phoenix!" sigaw namin ng naka-three points si Thaxter.
"E-N-H-S! Esperanza!" Ang mga cheerleaders iyon na nangingibabaw ang sigaw sa tuwing nakakapuntos ang team namin.
Dikit ang laban kaya mas nakakakaba. Naging pisikalan din kasi ang laro nang dumating ang fourth quarter. May na-thrown out pang senior player mula sa team namin dahil nakadalawang technical fouls.
Nasa kalagitnaan ng huling quarter nang magkagirian si Thaxter at iyong star player ng kabila na si Monsier. Napatayo kami ni Evette nang makita kung paano siniko niyon sa mukha ang kaibigan namin habang sinusubukang kunin ang rebound.
"Oy! Foul!"
Hindi pumito ang referee kaya napunta ang possession sa kalaban. Tumira mula sa tres iyong Monsier at pumasok kaya lumamang sila ng isa. Nakita ko pa kung paano nginisihan niyon si Thaxter.
"Timeout! ENHS Phoenix!"
Busangot ang mukha ni Evette. "Ang daya! Dapat flagrant iyon!"
Nagpatuloy ang game at sa huli, nanalo ang team namin! Game-winning shot ang fade away ni Thaxter sa left wing.
"Congrats!" bati namin kay Thaxter pagkatapos ng game.
"Salamat! Sulit 'yong kaba, panalo!"
Nag-alok siya ng halo-halo at libre kaya hindi na kami tumanggi. "Nag-effort pa talaga kayo. Thank you sa suporta," sabi niya nang nakita ang mga hawak namin ni Evette.
Ngumiti ako. "Ideya talaga 'to ni Evette."
Bumaling siya kay Evette na namumula ang pisngi. "H-hindi, ah! Ikaw kaya!"
Nagkibit-balikat ako at sumulyap kay Atlas na kanina pa tahimik. Dala niya na ulit ang walkman niya. Pinagmamasdan niya lang kaming lahat.
"Ihahatid mo ulit ako?" nakangising tanong ko sa kaniya.
Sumilay ang multo ng ngiti sa kaniyang labi. "Oo. Titignan ko ulit ang bahay niyo."
YOU ARE READING
The A Team
Teen Fiction[ Stand Alone ] Welcome to 'The A Team' where hope is in us! Disclaimer: This story is written in Taglish. Date Started: July 5, 2020 Date Finished: September 12, 2020