Chapter 5

0 0 0
                                    

Hawak-hawak pa rin ni Clark ang aking pulsuhan palayo sa table.

‘Di pa kami gaanong nakakalayo nang napatigil ako sa paglalakad. Dahil sa hawak-hawak ako ni Clark napalingon s’ya sa’kin at tinaasan ako ng kilay na nagtataka kung ba’t ako tumigil.

“Sila Yaz! Mga kaibigan ko… andun pa.” sabay hila ng kamay ko mula sa pagkakahawak n’ya ng maalala kong kasama ko nga pala sila. Akma na sana akong aalis para balikan ang mga kaibigan ko ng pinigilan n’ya ako at hinawakan sa balikat.

“Ako na tatawag sa kanila. Lumabas ka na sa gate. Intayin mo na lang kami dun.” Halos maglapit na ang mga mukha namin kaya naman amoy na amoy ko ang alak mula sa kanya.

Bago pa ako makapag-salita tumalikod na s’ya sa’kin at naglakad pabalik sa table namin kanina. Sinunod ko na lang ang sinabi n’ya at nauna na akong lumabas ng gate. Mukhang mataas ang tolerance ni Clark sa alak. Napapansin ko kasing naka-ilang shot na din s’ya kanina at parang wala namang naging talab sa kanya.

Makalipas ang limang minuto, lumabas na din sina Clark kasama sila Yaz na akbay akbay ni Risse at si Kate naman na inaalalayan ni Joy. Buti na lang at ‘di gaanong nakainom sina Risse at Joy.

“Kunin ko lang kotse ko. Hatid ko na kayo.” Sabay labas ni Clark sa bulsa ng susi n’ya.

“Ahm. Clark, ‘wag na. Magpapasundo na lamang kami kay Kuya.” Sabi ko na akmang kukunin ang cellphone sa loob ng sling bag ko.

“No. Ako na ang maghahatid. Late na at baka matagalan pa din bago dumating ang sundo n’yo.” Pagpapaliwanag n’ya sakin. Sumabay pa ‘tong si Zoe na naduduwal na at mukhang nasusuka pa kaya hinila s’ya ni Risse sa isang gilid para maka-suka. “See? Lasing na mga kasama mo. Iuuwi ko na kayo.”

Hindi na ako naka-hindi pa kay Clark at nagpahatid na nga lang kami sa kanya. Nakasakay na kaming lima sa sasakyan n’ya at ako itong nahihiya dahil mukhang bago pa ang kotse n’ya. Ang kaninang amoy mabangong air freshener, ngayon ay amoy alak at pawis na.

“Sino ang una nating ihahatid?” tanong sa’kin ni Clark at napalingon ako sa mga kaibigan ko sa likod na tulog na tulog ngayon. Silang apat ang nasa passenger seat at kahit masikip nagkasya sila. Ako naman itong nasa shotgun seat katabi n'ya kasi ako ang nasa wisyo sa’ming lahat ngayon at para na din maituro ko kay Clark ang bahay ng mga kaibigan ko. Tinext ko na lang din si Kuya at sinabing may maghahatid na sa’min at ‘wag na lang kaming sunduin. At um-okay naman si Kuya. Pati kay Mama ay nagtext na lang din ako na pauwi na kami.

“Si Kate ang unang bahay na malapit dito, s’ya na lang muna.” Tugon ko kay Clark. Buong byahe ay nakatingin lang ako sa daan. ‘Di kami nag-uusap ni Clark at saka lang ako umiimik kapag may tinatanong s’yang direksyon sa’kin.

Nang malapit na kami sa bahay ni Kate, tinawagan ko ang Mommy ni Kate sa phone. Naka-tatlong ring ang phone ko at sinagot naman agad ni Tita Azon. “Hello Tita, si Zoe po ito. Ihahatid na po namin si Kate sa bahay n’yo po. Malapit na po kami, paki-abangan na lang po kami. M-medyo nakainom po kasi si Kate e.” kinakabahang paliwanag ko kay Tita.

“Jusmeyong bata ‘yan! Sabi na’t huwag ng mag-iinom e!” Patay! Galit pa ata si Tita. “Sige Neng palabas na ako ng bahay.” Sabi ni Tita bago ibaba ang tawag ko.

Tinuro ko kay Clark ang kulay Gray na gate at pinatigil ko s’ya sa harap nito sakto namang lumabas ang Mommy at Daddy ni Kate. Bumaba kaming dalwa ni Clark at binuksan ko ang side door na malapit kay Kate. Pinukaw ko s’ya at sinabing nasa bahay na nila kami. Hindi ko magising si Kate kaya naman pinatabi ako sa gilid ng Daddy ni Kate at binuhat na lang n’ya si Kate papasok sa loob.

I'd LieTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon