: Wake Up,April
Kaliwa-kanan. Hindi ko na alam kung saan-saang sulok ako ng hospital nagtatakbo para lang makaiwas sa mga humahabol sa'king nurse at doktor. May mga muntik din akong mabanggang tao at pare-parehong emosiyon ang nakita ko sa kanilang mga mukha—pagkatakot at pagkabigla.
Pagkabigla dahil sino ba namang normal na babae ang magsisitakbo sa loob ng hospital habang nakasuot ng hospital gown at may kalong-kalong pang stuffed toy at halaman? At takot dahil baka iniisip nila na may bitbit akong virus na maaaring makahawa sa sino man sa kanila ngayon.
Hindi ko na alam. Wala nang direksiyon ang ginagawa ko ngayon. Hindi ko na iniisip kung ano pa ang sasabihin ng mga taong naririto at kung anong paglabag ang mga ginawa ko sa health protocol ng hospital. Everything seems vague and irrational to me now except for the idea that I need to find Doctor Angelo. . .whatever it takes.
Kahit ngayon lang.
Gusto ko lang masigurong maayos siya.
Sa patuloy kong pagpaikot-ikot sa mga pasilyo ng hospital, kusang napako ang mga paa ko nang marating ko ang ICU. Dahan-dahan, inisa-isa ko ang mga kwartong nakahelera rito at nang sumapit ako sa gitnang silid, mas lalong bumigat ang buong pakiramdam ko. Parang pinagsakluban ako ng langit at lupa nang makita ko mula sa see-through glass window ng isang kwarto ang lalaking dahilan kung bakit nagkakaganito ako ngayon. . .
Isa-isa, hindi ko matantiya kung paano ako lalakad. Patuloy ang pagpatak ng mga luha ko at natulala na lamang ako sa direksiyon ng kwarto nito.
Doc Angelo. . .
Hindi ko na namalayang nabitawan ko na pala ang kaninang hawak-hawak ko pang halaman at stuffed toy. Narinig ko na lang ang mariing pagkabasag ng paso ng Anthurium sa sahig kasabay nang pagtalsik ng malamig na lupa sa paanan ko, pero hindi ko na ito binigyang pansin pa. Ang tanging laman ng isipan ko ngayon ay si Doc Angelo at ang kasalukuyang kalagayan niya.
Nang tuluyan akong makalapit sa bintana nito, kusa na akong napahagulhol. Lalo pang tumindi ang emosiyon ko nang makitang sa isang iglap, nagbago ang ritmo ng electronic monitor na nakakonekta sa katawan niya. Unti-unti itong nagpa-flatline kaya't nanlaki ang mga mata ko.
Dali-dali namang dumating ang isang doktor at nurses upang agapan ang sitwasyon. Nagpumilit pa akong pumasok patungo sa loob pero parang kusa na akong itinulak ng dingding ng kwarto palabas dito. Panay na rin ang sigaw at iyak ko pero parang walang nakakarinig sa akin ngayon sa lugar na ito. Makailang ulit ko pang pinagpupukpok ang bintana ng kwarto pero parang wala silang ibang naririnig mula sa labas.
Napaiyak na lang ako at mariing napahawak sa dingding. “D-doc Angelo...”
Sa ilang sandali, tumigil ang doktor sa ginagawa nilang pag-revive. Nakatalikod ito mula sa pwesto ko dahilan para hindi ko aktwal na makita ang kalagayan ni Doc. Nasalba ba nila ang buhay niya?
BINABASA MO ANG
Am I Dying, Doc?
Novela JuvenilWhen the Covid-19 started to surge in the Philippines, April Anne Martinez, 17 years old, unfortunately became one of the thousands Pilipinos who acquired the disease. Being quarantined in a hospital, April will find herself having nothing to do but...