Isang malamig na simoy ng hangin ang dumampi sa balat ko habang ako'y nakaupo sa mamasa-masang mga damo sa gilid ng ilog. Ang liwanag lang ng buwan ang tanging tanglaw ko upang makita ang kabuuan ng ilog.
"Isabelle? Nandyan ka ba?" isang maamong boses ang tumawag sa pangalan ko sa di kalayuan.
Imbis na sumagot ay nanatili akong nakatingin sa ilog na tila ba walang narinig. Naramdaman ko ang kamay ni ina na nasa isang balikat ko na kaya liningon ko siya at nakita kong nakaupo siya sa aking tabi.
"Ina, nasaan po ba talaga ang aking ama?"
Natigilan siya ngunit ngumiti din kalaunan.
"Anak, nasa lugar siya na hindi pa natin nakikita dahil nandito tayo sa nakaraan" muling isinagot ni ina sa tanong ko.
Sa bawat araw na tinatanong ko ang bagay na iyon yan ang laging sagot niya. Hindi ko man maintindihan o maunawaan ay tumatango na lamang ako.
Kinabukasan ay maaga akong nagising upang magsimba. Suot ang baro't saya ay nagtungo ako sa simbahan. May hawak na rosaryo sa kaliwang kamay at may belo na nakalagay sa ulo. Tuwing linggo ay laging ganito ang ginagawa ko, nasanay na nga ako at maging ang mga tao dito na nakikita ako tuwing linggo.
"Isabelle, magandang umaga" bati sa akin ng mang-huhula ng mapadaan ako sa kanya.
Ngumiti ako ng matamis. "Magandang umaga rin po, Aling Gloria" bati ko pabalik at nagtungo na papasok sa simbahan.
Ang ilang mga nakakasalubong ko ay bumabati din at sinusuklian ko din naman iyon ng matamis na ngiti at pagbati. Isang oras ang itinagal ko sa loob ng simbahan at natapos na ang pag-rorosaryo at misa.
Nang oras na ng pag-alis ay hindi ako nakipag-unahan sa kanila at nanatili lang nakaupo hanggang sa ako nalang ang matira. Marahil ayaw ko ding makasalubong ang ilang taga-bayan dahil kakausapin lang nila ako tungkol sa ama ko na hindi ko naman nakita mula ng isinilang ako. Ang iba ay tinutukso ako ngunit nasanay na din naman ako.
Tumayo na ako at lumabas ng simbahan. Nang mapadaan ako sa mang-huhulang si Aling Gloria ay nagtaka ako marinig ang aking pangalan.
"Isabelle iha!" pagtawag niya dahilan para makuha ang atensyon ko.
Naglakad ako patungo sa kanya at naupo sa upuang may unan. Dito nauupo ang mga hinuhulaan ni Aling Gloria base sa laging nakikita ko.
"Ano po iyon?" tanong ko ngunit laking gulat ko ng kunin niya ang kamay ko.
Gulat man ay hinayaan ko lang siyang tignan ang palad ko. Ilang minuto din ang itinagal ng bitawan niya ang palad ko. Nanlalaki ang mga mata niya na napatingin sa akin dahilan para kumunot ang noo ko.
"Ano, pong nakita niyo?" patungkol ko sa nahulaan ni Aling Gloria.
"Isang binata ang makikilala mo na hindi taga-rito" tumigil siya. "Isang binatang hindi taga-rito at hindi sa panahong ito ipinanganak, isang binatang magiging dahilan upang maging miserable ang buhay mo"
Natigilan ako dahil sa sinabi niya. Tumayo na ako at akmang aalis na ng hawakan niya ang kamay ko.
"Isabelle, binabalaan kita. Huwag kang magiging malapit sa kanya dahil sa oras na mangyari iyon ay mababago ang nakatakdang mangyari sa buhay mo"
Umiling ako bago binawi ang kamay ko. "Aling Gloria baka mali lang po ang hula niyo, at mawalang-galang na po ay kailangan ko ng umuwi"
Umalis na ako doon at agad na lumayo. Sa ilang taong pang-huhula ni Aling Gloria hindi ko pa napapatunayan na ang mga hula niya ay nagkatotoo kaya malaki ang posibilidad na hindi rin iyon magkatotoo gaya ng sinasabi ng iba na hindi lahat ng hula ay nagkatotoo at kung minsan ay walang ni isa sa mga ito ang nagkakatotoo.
"Ina, nandito na po ako" pumasok na ako at tinanggal ang belo sa ulo.
Lumabas si ina sa kusina.
"May nailuto na akong pagkain, kumain ka nalang" nakangiting sabi niya.
Tumango ako. "Patawad kung natagalan ho ako, si Aling Gloria kasi ay hinulaan pa ako"
Ang ngiti niya ay napalitan ng pagtataka. Lumapit siya sa akin at iginaya ako sa upuan.
"Ano naman ang sinabi sayo ni Aling Gloria matapos kang hulaan?" interesadong tanong niya.
Umiling ako. "Wala lang po iyon ina, isang imposibleng mangyari ang sinabi niya" bahagya akong natawa ngunit si ina ay nanatiling seryoso.
"Isabelle pwede bang malaman ang imposibleng mangyari na sinabi niya?"
Kumunot ang noo ko dahil sa ipinapakitang ekspresyon ni ina sa akin. "Ina, hindi naman po iyon ganon kahalaga"
Hinawakan niya ang balikat ko. "Anak, kailangan kong malaman"
Tumango nalang ako. Bakit ganito ang ikinikilos ni ina?
"Ang sabi ni Aling Gloria ay makakakilala daw po ako ng isang binata na hindi taga-rito, binatang hindi daw po ipinanganak sa taong ito"
Nakita ko kung paano matigilan si ina. Tumayo ito at nagtungo sa kwarto niya. Hinintay ko siyang makabalik at ng makabalik siya ay may dala na siyang isang litrato.
Inabot niya ito sa akin at ng kunin ko ito taka akong nakatingin sa nasa litrato. Isang matipuno at magandang lalaki ang nasa litrato at katabi ito ni ina.
"Ina, sino po ito?" tanong ko patungkol sa lalaking nasa litrato.
"Ang iyong ama"
Muli kong ibinalik ang tingin sa litrato. "Po?" tanong ko na parang hindi maintindihan ang sinasabi ni ina.
Mukha itong isang estranghero na hindi dito nakatira dahil base sa pananamit nito. Moderno at hindi tulad ng sa amin.
Hinawakan ni ina ang mga kamay ko. Labis na pagtataka ang naramdaman ko habang nakatingin sa kanya. May bahid ng takot at pangamba ang mukha ni ina.
"Anak, mauulit ang nangyari"
~~~
YOU ARE READING
Timeless Love
Historical FictionWhen Isabelle stepped out of the church for her to go home a known fortune teller called her. She predict an impossible event Isabelle never knew would happen. She didn't believe in it and she put in her mind the fortune teller predicted will never...