"Ina, talaga bang kaya niyo na pong maglakad ng maayos?" tanong ko.
Bahagyang natawa si ina. "Oo naman Isabelle, wala ka bang bilib sa iyong ina?"
Umiling ako.
"Kung ganon ay hayaan mo na ako, para bukas din ay makakaalis na ako dito"
Natigilan ako sa sinabi ni ina. Oo nga pala, isang linggo lang ang pagtatrabaho ko sa mansyon ng mga Samonte at pagkatapos non ay aalis na ako. Maiiwan si Kael. Umiling ako dahil sa naiisip.
Inalalayan ko si ina hanggang sa makaya na niyang maglakad mag-isa. Bakas ang tuwa sa kanyang mga mata at mukha ng magawa na niya ito. Dahil kasi sa operasyon ay ilang araw din siyang nakahiga sa higaan dito sa ospital, dahil na rin siguro sa nananakit ang kanyang dibdib tuwing pinupwersa niyang maglakad.
"Ina, aalis na po ako" pagpapaalam ko.
Tumango si ina at niyakap ako.
"Mag-iingat ka Isabelle"
Tumango ako at naglakad na paalis. Nang may humintong kalesa sa aking harap ay akmang sasakay na ako ng may mamataan na pamilyar na tao sa di kalayuan.
"Si Kael at Sonya" bulong ko at naglakad palapit sa kanila.
Nagtago ako sa katawan ng puno at pinagmasdan silang naglalakad ng sabay at nag-uusap.
"Sana ay isayaw mo ako sa aking kaarawan, Manuel"
Manuel?
Muli kong itinuon ang atensyon sa kanila ng marinig na nagsalita si Kael.
"Hindi ko sigurado kung makakapunta ako, Sonya"
Nanlaki ang aking mga mata ng hawakan ni Sonya ang mga kamay ni Kael.
"Pumunta ka, Manuel. Para sa akin" pagmamakaawa nito.
Dahan-dahan na inalis ni Kael ang mga kamay ni Sonya. Inilagay niya ang kanyang mga kamay sa loob ng bulsa.
"Mabuti pa, Sonya bumili na tayo ng gusto mong bilhin na sangkap sa lulutuin mo. Marami pa akong gagawin"
Nahihiyang tumango si Sonya.
Nang makalayo na sila hindi ko naiwasan ang magtaka. Hindi naman sa daan na ito ang patungo sa pamilihan. Alam ko ay patungo ito sa isang bukirin kung saan minsan nandoon ang mga tulisan. Nanlaki ang aking mga mata. Kailangan ko silang tulungan!
Nagmadali akong sundan sila ngunit nawala na sila sa mabatong daanan. Ang bilis naman nilang mawala!
Hawak ang saya nagmadali akong tahakin ang mabatong daan. Nang nasa putikan na ako bahagya kong itinaas ang saya upang hindi madumihan ngunit ganon pa rin. Walang pag-aalinlangan akong tumuloy.
Narinig ko ang sigaw ni Sonya at dahil dito bumilis ang tibok ng aking puso. Binilisan ko ang paglalakad hanggang sa marating ko na ang bukirin. Agad akong tumakbo patungo kay Sonya ng makita itong napaupo na sa putik dahil sa takot.
"Umalis na kayo dito" rinig kong sabi ni Kael na siyang nasa harap namin at nakikipagsuntukan.
Inalalayan kong tumayo si Sonya. Agad kaming naglakad paalis at naghintay sa mabatong daan kung saan dumadaan ang mga kalesa. Ilang oras din kaming naghintay hanggang sa matanaw ko na si Kael na patungo sa aming direksyon.
"Ayos ka lang ba?" agad na bungad niya kay Sonya ng makalapit.
Tumango ito at agad na niyakap si Kael.
"Maraming salamat, Manuel" pagpapasalamat nito at humiwalay na sa pagkakayap.
Nang dumako ang tingin sa akin ni Kael nakita ko ang kanyang itsura. May galos na ang kanyang mukha at pasa dahil sa nangyari.
Umalis na kami at sumakay na agad sa kalesang huminto sa aming harapan. Nakasandal ang ulo ni Sonya sa balikat ni Kael ng makasakay kami sa kalesa. Tumikhim na lamang ako at nag-iwas ng tingin.
Nang makarating na sa mansyon sinalubong kami ng iba pang mga alipin at inalalayan si Sonya. Ipinasok si Sonya sa loob ng mansyon habang si Kael naman ay nagtungo sa likod bahay. Naiwan akong nakatayo at nagtataka kung bakit ganon ang pakikitungo nila sa isa't isa. May relasyon ba sila?
Huminga ako ng malalim bago nagsimulang maglakad papasok. Nagtungo ako sa kusina upang kumuha ng mga gagamitin na gamot para sa mga tinamong galos at pasa ni Kael.
Nang matapos ay lumabas na ako at nagtungo sa likod bahay. Nadatnan ko si Kael na nakaupo lamang at nakatingala.
"Pwede ba kitang gamutin?" pagtanong ko sa kanyang pahintulot.
Ngumiti ito at tumango.
"Kanina pa kita hinihintay eh, akala ko hindi ka na pupunta"
Hindi ako sumagot. Hinihintay ba niya ako? O inaasahan niya talaga na ako at gagamot sa kanya? Pinigaan ko na ang twalya at lumapit sa kanya. Dahan-dahan ko itong inilapat sa sugat niya. Nang marinig ang mahina niyang pagdaing hinipan ko ito ng bahagya upang mabawasan ang hapdi ngunit natigilan ako ng marinig ang aking pangalan.
"Isabelle" mahina niyang pagtawag ngunit sapat na upang marinig ko.
"Hmm?"
"Kiss mo sugat ko para gumaling"
Tumigil ako at lumayo sa kanya. Tumingin ako sa kanya na nakakunot ang noo.
"Kiss? Ano ang ibig sabihin non?" tanong ko.
"Hay nako, ang hirap naman nito. Siguro kung iba yung bumanat dito nabaliw na yun" narinig kong singhal niya. tumingin siya sa akin at ngumisi. "Pero dahil ako 'to, pagtitiisan kita at kapag nabaliw ako" tumigil siya at kumindat. "Sisiguraduhin kong sayo"
Napangiwi ako.
"Gutom ka na siguro kaya nagsasabi ka ng mga ganyang salita. Gutom nga naman masama ang epekto lalo na sayo" tumayo na ako at iniwan doon ang mga gamot at gamit.
Umalis na ako at nagtungo sa kusina. Naghanda ako ng pagkain niya at tubig ngunit bago ako umalis narinig ko ang pagtawag ni Ginang Samonte.
"Isabelle!" malakas nitong pagtawag sa akin.
Lumabas agad ako ng kusina at nagtungo sa sala.
"Ano pong maipaglilingkod ko, Ginang Samonte?"
Umayos siya ng upo at may inabot na sobre. Kinuha ko ito at ng buksan ko at nakita ang laman ngumiti ako kay Ginang Samonte. Bahagya akong yumuko bilang pagbibigay galang at pagpapasalamat na rin.
"Yan na ang iyong kinita, makakaalis ka na"
Tumango ako at naglakad na muli patungo sa kusina.
Inilagay ko ang sobre sa suot kong saya. Kinuha ko na ang pagkain na inihanda ko kay Kael at nakangiting nagtungo sa likod bahay. Ngunit nawala rin ang ngiti sa aking labi ng masaksihan ang isang bagay na hindi ko inaasahan.
Dahan-dahan na inilapit ni Sonya ang kanyang mukha kay Kael hanggang sa maglapat na ang kanilang mga labi.
Bumigat ang paghinga ko at nanlalambot ang aking mga tuhod habang pinagmamasdan sila na magkalapat ang mga labi.
Napahinga ako ng malalim at agad na nagtungo muli sa kusina. Inilapag ko ang hawak na pagkain at baso ng tubig.
Naramdaman ko ang mga luha kong dumausdos patungo sa aking pisngi at ang dahan-dahan na pagkirot ng aking dibdib. Siguro nga ay may relasyon sila, siguro nga ay magkasintahan sila. Pinahid ko ang aking mga luha at tumingala sa kisame upang pigilan ang muling pag-agos nito.
Bakit ba ako nasasaktan? Ano bang nararamdaman ko kay Kael?
~~~
YOU ARE READING
Timeless Love
Historical FictionWhen Isabelle stepped out of the church for her to go home a known fortune teller called her. She predict an impossible event Isabelle never knew would happen. She didn't believe in it and she put in her mind the fortune teller predicted will never...