Kabanata XVIII: Hanapin ang mga Inangkin

61 3 27
                                    

Bumalik ang grupo nina Henry sa mansyon ni Great Gordel. Takot na takot sila sa maaaring gawin nito sa kanila. Gustuhin man nilang tumakas ay hindi sila nakakatiyak na mabubuhay pa sila sa dami ng galamay ng sindikatong kanilang kinabibilangan.

Sinalubong sila ng ilang mga kasapi ng Puercio Flamma. “Bakit kayo lang? Nasaan ang mga babaeng pinapakuha ni Great Gordel?”

“Nakatakas sila,” walang gana niyang tugon.

“Lagot kayo kay Great Gordel.” Winagayway nito ang hintuturo bilang pananakot kay Henry. “Sana hindi na kayo bumalik dito. Yari kayo.”

“Anong pinagkaiba? Bumalik kami o hindi, parurusahan pa rin kami. Alam mong mas malala ang parusa sa pagkalas sa samahan. Tulad na lang ng ginagawa nina Lucas at Enzo.”

“Sige. Pasok na kayo. Bahala na kayong harapin ang galit ni Great Gordel.”

Kinakabahan man ngunit kailangan nilang sabihin ang katotohanan sa kanilang pinuno. Pumasok na sila sa bulwagan ng mansyon. Saktong pababa ito ng hagdan at sila’y hinarap.

“Good afternoon po, Great Gordel,” pagbati niya sa kanilang pinunong kasing lupit ng kanilang tadhana.

“Let me guess. Natakasan kayo ng mga babaeng pinapakuha ko sa inyo?” Bakas sa tinig ni Great Gordel ang galit sa kabiguan ng kanyang mga tauhan.

“Patawad po. Ginawa po namin ang lahat para makuha sila. Pero binalutan ni Lucas ng kuryente ang gate kaya natagalan kaming makapasok sa bahay na ‘yon. Nang matanggal namin ang electroshock, hindi na namin nadatnan ‘yong mga babae. Sa palagay ko po may sikretong daang tinuro si Lucas sa kanila.”

Nakayuko lang siya habang nagsasalita, maging ang kanyang mga kasama. Alam na nila ang maaaring mangyari sa kanila. Ngunit mas maigi na ito kaysa maparusahan ng kamatayan kung sila’y tatakas.

“Mga inutil!” sigaw nito. Hinugot ang kanyang baril mula sa kanyang bewang at tinutok sa kanyang mga tauhan. Gano’n din ang ginawa ng mga tauhang nasa kanyang likuran. “Babae lang natakasan kayo! Hindi ko kayo binabayaran para sa kapalpakan n’yo!”

“Hindi magtatagal, magsusumbong ang mga ‘yon sa awtoridad! Kaya kailangan maibalik sila rito sa lalong madaling panahon!” dugtong pa nito at nagtawag ng isa pang tauhan. “Reynaldo!”

Lumapit si Reynaldo sa kanilang pinuno. “Great Gordel.”

“Sabihan mo ang mga tao natin sa loob ng pulisya. Ipapatay ang lahat ng pulis na magtatangkang sirain ang negosyo natin. Alamin mo rin kung lumapit na ang mga babaeng ‘yon sa pulisya. Sa ganoong paraan, madali natin silang maibabalik dito.”

“Masusunod, Great Gordel.” Yumuko si Reynaldo at humayo na upang sundin ang inuutos nito.

Napatingin si Great Gordel kina Henry. “Ano pang ginagawa n’yo rito? Hanapin n’yo na sila! ‘Wag kayong babalik dito hanggat hindi n’yo sila nakukuha ulit!”

Niyuko nina Henry ang kanilang mga ulo at umalis na rin upang sundin ang inuutos sa kanila.

“Samahan n’yo ‘ko kay Lucas. Gusto ko siyang makausap,” utos niya sa kanyang mga tauhan.

Nagtungo sila sa bodega kung saan nila kinulong sina Lucas at Enzo. Nadatnan nila itong natutulog kaya minabuti ng kanyang mga tauhan na buhusan nila ito ng tubig na malamig mula sa pitsel upang ito’y magising. Napasigaw ang dalawa sa gulat  nang pagbuhos sa kanila ng malamig na tubig.

“Great Gordel,” nanghihinang wika ni Lucas.

“Talagang pangangatawanan n’yo ang pagtatraydor n‘yo sa akin!” Hinawakan ni Great Gordel ang baba ni Lucas at muling nagsalita. “Saan nakatira ang dalawang babaeng sinama n’yo sa mansyon?”

Lick This GunTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon