Kabanata XIII: Ang Kapalit ng Hiling

76 3 44
                                    

Natagpuan ang bangkay ni Lester sa ilog kinabukasan matapos siyang mamatay. Isang lalaking naglalakad galing sa trabaho ang nakakita sa kanya sa may tulay ng isang syudad. Kahit wasak-wasak na ang kanyang katawan ay nakita niya pa rin itong palutang-lutang sa nasabing ilog.

“Tao ‘yon ah! Tulong! Tulong! May lalaking nalulunod!” sigaw ng lalaking nakakita kay Lester. Papalit-palit ang tingin niya sa paligid at sa lalaking nakita.

Rumesponde naman ang mga opisyal ng mga barangay sa pagtawag ng tulong ng lalaking pauwi na sana sa kanyang bahay. Nagkataong may nagroronda sa kalsada kaya madali itong nakita.

Kinuha ng mga tanod ang bangkay at pinasa ang kustodiya nito sa mga pulis upang maimbestigahan ang nangyari.

Inimbitahan ang lalaking iyon sa pulisya upang makapagpaliwanag. Dumating naman siya, kasalukuyang kinakausap ng pulis sa harap ng lamesa nito.

“Naglalakad lang po ako sa kalsada pauwi sa’min nang makita ko ‘yang bangkay,” paliwanag ng lalaki.

“Wala ka bang nakitang ibang tao sa paligid?” tanong pulis.

“Wala po.”

Isinulat ng pulis ang lahat ng sinabi ng lalaki sa kanyang kwaderno.

Dumating ang isa pang pulis na nanggaling sa Forensic Department. “Masamang balita. Kasamahan natin ang biktima.”

Nagtinginan naman ang lahat ng pulis sa paligid at nakinig na rin sa sasabihin ng kasamahan nilang kakarating lang. Punung-puno ng kalungkutan ang mukha nito dahil sa kanyang natuklasan.

“Ano? Sino?”

“Si Police Patrolman Lester Conde.”

Nagulat ang lahat sa pahayag na iyon ng kanilang kasama. Walang ni isa sa kanila ang hindi nakakunot ang noo at hindi nakanganga.

Agad nilang dinala sa morge ang bangkay at pinatawag ang pamilya nito. Dumating naman ang buong pamilya ni Lester; mga magulang at tatlong nakatatandang kapatid.

“Anong nangyari sa anak ko? Bakit tayo nandito?” litung-litong tanong ng ina ni Lester.

“May nakakita po sa bangkay niya sa ilog. ‘Wag po kayong mag-alala, iniimbestigahan na namin ang pagkamatay ng anak ninyo,” pahayag ng pulis. Umalis na ito pagkatapos bitawan ang mga salitang “Iwan ko po muna kayo.”

Binuksan ng ama ni Lester ang kumot na nakatabon sa kanyang walang buhay na katawan. Doon na umagos ang luha mula sa mata ng kanyang mga naiwang mahal sa buhay.

Pinagluksaan ng buong mag-anak ang kamatayan ni Lester. Hindi nila inaasahang mangyayari ito. Ang huli nilang pagkikita ay ang masaya nilang paglalakad sa parke bilang kanilang ehersisyo kaninang umaga.

Napuno ng paghihinagpis ang buong silid. Pinahanda na nila ang burol nito sa kanilang bahay. Nakiramay ang lahat ng kamag-anak, kaibigan at kapitbahay. Kasama ang pamilya Lerios.

“Nakikiramay kami, Susan,” malungkot na pagkakasabi ni Roman nang makarating sa burol.

“Salamat sa pagpunta n’yo,” malungkot na tugon ni Susan, ang ina ni Lester.

Nagtungo sina Roman, Sarah at Rina sa kabaong upang pagmasdan ang katawan ng namatay.

“‘Wag mo sanang masamain ang tanong ko. Pero, nagtataka ako. Ano bang kinamatay ni Lester?” tanong ni Sarah.

“Hindi ko alam, Sarah. Basta pinatawag na lang kami ng mga kasamahan niyang pulis. Pero ang sabi sa’kin ng anak ko bago siya umalis, may mamanmanan daw siya. Hindi niya naman sinabi kung ano ‘yon,” mangiyak-ngiyak na tugon ni Susan.

Lick This GunTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon