Kabanata XXI: Init na Hinahanap-hanap

87 3 45
                                    

Nadatnan nilang natutulog ang kanilang ina habang naka-upo sa tapat ng hinihigaan ng kanilang ama. Nakahiga ang ulo nito, ang kanang kamay ay nakahawak sa kamay ng kanilang ama.

Wala silang sariling kwarto. Tanging mga kurtina lang ang pumapagitan sa bawat pasyenteng naririto sapagkat wala silang pambayad para sa isang silid. Ang mga pasyenteng naririto ay libreng namamalagi, ang babayaran lamang nila ay ang mga serbisyo ng doktor at mga aparatong ginamit sa kanila.

Sa kanilang pagdating ay bumangon ang kanilang ina. “Oh anak. Anong ginagawa n’yo rito?”

“Tapos na po ang klase namin kaya napag-usapan naming magkapatid na pumunta rito,” tugon niya. “Kumusta na po si itay?”

Napangiti ito sabay sabing “‘Wag n’yo na siyang alalahanin. Okay  na siya. Kapag nabayaran na natin ang bills natin dito, pwede na siyang lumabas.”

“Sapat po ba ‘yong pera natin para makabayad dito?”

“Oo nga po nay. Sakto lang po sa pangaraw-araw natin ‘yong kinikita ni itay eh,” segunda ni Rina.

Maya maya’y nagising na ang kanilang ama. Nilingun-lingon nito ang kanyang ulo at tumingin sa kanyang mag-iina.

“Sarah. Anong ginagawa natin dito sa ospital?” tanong ng kanilang ama.

“Inatake po kasi kayo ng migrane kaya dinala namin kayo rito,” tugon niya.

“‘Di ba sabi ko sa inyo, ayos lang ako. Wala naman tayong pambayad dito.”

“Mga anak. Iwan n’yo muna kami ng tatay n’yo.”

“Sige po,” tugon niya at lumabas na silang magkapatid.

Ngunit hindi sila umalis malapit sa ward ng kanilang ama, dahilan upang marinig nila ang pinag-uusapan ng kanilang mga magulang.

“Roman, kailangan mong magamot dito. Kung hindi, baka lumala ‘yang sakit mo,” dinig niyang sabi ng kanilang ina.

Nanlaki ang kanilang mga matang nakatingin sa isa’t isa, napanganga rin ang kanilang mga bibig. Pinagpatuloy lang nila ang pakikinig sa usapan ng kanilang mga magulang.

“Kaya ko pa naman, Sarah. Kumakain naman ako ng masusustansyang pagkain, nag-eehersisyo bago magtrabaho at iniinom ang mga niresetang gamot ng doktor. Malalagpasan ko ‘to. Kaya please, ilabas mo na ‘ko rito. Kailangan kong kumayod para sa atin.”

Naglakad na siya palayo, hinila ang braso ng kanyang kapatid. Habang naglalakad ay hindi maiwasang magtanong ni Rina.

“Ano kayang sakit ni tatay?”

“‘Yan nga rin ang iniisip ko eh. Bakit kaya hindi nila sinasabi sa atin? Sana hindi totoo ang naiisip ko,” pangangamba niya. Ang kanyang mga tingin ay nasa sahig ng ospital na ito.

“Bakit ate? Anong naiisip mo?”

Napatingin siya sa kanyang kapatid. “Hindi wala. Gusto mong kumain? May nakita akong nagbebenta ng kwek-kwek sa labas.”

“Libre mo?” nakangiting tanong ni Rina.

“Sige ba. Kumita naman ako kanina sa pagbebenta ng papel eh.”

“Negosyante ka talaga ate. Wala kang pinalalagpas.”

“Para kahit hindi ako magtrabaho, kumikita ako at makakatulong ako kay itay. Ano tara?”

Nakangiting tinangu-tango ni Rina ang kanyang ulo. Naglakad na silang magkapatid palabas ng ospital upang bumili ng makakain.

Sa kabilang dako, nakasakay sa kotse sina Frank at ang kanyang mga kasama. Nakaparada sila sa ospital na pinuntahan nina Fina at Rina. Pinanonood nila ito habang bumibili ng kwek-kwek.

Lick This GunTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon