Kabanata XXVII: Ang Kaugnayan

47 1 1
                                    

Nagtungo ang mga magulang ni Janelle sa tanggapan ng pulisya upang kumustahin ang ginagawa nitong aksyon sa paghahanap sa hanggang ngayo’y nawawala pa rin nilang anak na kasama sa mga nawawalang kababaihang dinukot ng sindikato sa isang debu. Nabalitaan nilang nakabalik na sa kani-kanilang pamilya ang mga kaibigan nitong sina Fina, Gracia at Carina kaya nagbabaka-sakaling makabalik na rin ang kanilang anak.

“Sir, makikibalita lang po ako sa kaso ng anak naming nawawala. ‘Yong dinukot sa Hugo Resto Bar” wika ng ama ni Janelle.

Natigilan ang pulis sa kanyang ginagawang pag-aayos ng papeles sa kanyang mesa. “Pasensya na po sir. Sa ngayon, wala pa po kaming balita sa ibang mga biktima. Ginagawa na rin po namin ang lahat para mahanap ang pinagkukutaan ng mga sindikatong dumukot sa kanila.”

Napahampas siya sa lamesang pumapagitan sa kanila ng pulis. “Ano ba naman ‘yan! Bakit wala pa rin? Baka kung ano nang nangyari sa anak namin.”

“Sir, huminahon ho kayo. Sindikato ho ang dumukot sa anak ninyo. Hindi po sila basta-basta kriminal lang kaya ho maingat naming pinagpaplanuhan ang pag-rescue sa mga biktima.”

“‘Yon na nga eh! Sindikato ang kumidnap sa anak namin kaya nga hanggat maaari dapat bilisan n’yo na ang paghahanap sa kanila at baka kung ano nang ginawa nila sa anak namin! Gusto naming makabalik siya nang buhay!” pasigaw na ring sinabi ng ina ni Janelle.

“Pasensya na po ma’am, sir. Asahan n’yo pong gagawin namin ang lahat para mahanap ang anak ninyo. Tatawagan na lang po namin kayo kapag may update na sa kaso,” paumanhin ng pulis.

“Ano bang sabi ng mga nakaligtas saan ba sila dinala? Pakiusap, gusto naming tumulong sa paghahanap sa anak namin.”

“Pasensya na ho, pero hindi kami nagdi-disclose ng mga statements ng mga victims. Para na rin sa proteksyon nila.”

”Parang awa n’yo na. Ibigay n’yo na sa amin ang impormasyong hinihingi namin. Biktima rin ang anak ko. Kaya may karapatan kaming malaman kung may usad na ba ‘tong kasong ‘to.”

Bumuntong-hininga ang pulis at muling nagsalita. “Bueno, ang sabi sa’min ng isa sa mga biktima, hindi nila alam ang eksaktong lugar ng pinagdalhan sa kanila. Nakatakas lang daw sila dahil may nagligtas sa kanila. ‘Yon ang isa sa mga tinitignan naming anggulo. Maaaring parte ng sindikato ang sinasabi nilang nagligtas sa kanila kaya sinisikap naming tukuyin kung sino siya.”

Pag-alis ng mag-asawa ay kinausap ng hepe ang pulis na kaninang kausap nito, sa stockroom kung saan walang ibang makakarinig.

“Chief, hindi ko na kaya ang pinapagawa n’yo. Naaawa na ko sa mga naging biktima ng Puercio Flamma,” pagmamakaawang sabi niya.

“Tumitiwalag ka na? Hindi ba’t nakinabang ka rin sa perang binigay ni Great Gordel? O baka naman gusto mong matulad kay Conde?” maanghang na tinuran ng kanilang hepe na siyang kinatatakot ng kaibigan ni Lester na kasalukuyang kausap nito.

“‘Wag n’yo po akong ipapatay, please. Ako lang ang inaasahan ng pamilya ko!” pagmamakaawa niya.

“‘Yon naman pala eh. Edi ‘wag kang magsasalita tungkol sa natuklasan n’yo ni Conde. Hindi ka yayaman kung magpapakabayani ka.”

“Pero Chief...” Hindi na natapos ang kanya pa sanang sasabihin dahil biglang nagsalita ang kausap.

“Wala nang pero-pero! Malinaw ang usapan natin. Ititikom mo ‘yang bibig mo o isusunod kita sa kaibigan mo? Choose wisely!”

Umalis na ang hepe ng pulisya at iniwan ang kaibigan ni Lester na si Adrian sa stockroom na puno ng pag-aalala.

Bago namatay si Lester ay sinabi nito sa kanya na kumpirmadong ang Safegrand Hotel nga ang pugad ng sindikatong Puercio Flamma. Pinasa rin sa kanya ng kaibigan ang isang video kung saan may inakyat na walang malay na babae sa isang kwarto upang ito’y pagsamantalahan. Ngunit nang sabihin niya ito sa kanilang hepe ay sinuhulan siya nito upang manahimik. Tinanggap niya ang suhol sapagkat kailangan niya ng malaking pera dahil sa kanyang inang kasalukuyang nagpapagaling sa ospital.

Lick This GunTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon