Dinig na dinig ko mula dito sa kwarto ko ang mga sweet music na pinapatugtog sa labas -- sa kapitbahay namin. Hindi ako makaalis sa kwarto ko. Hindi ko kaya. Kapag naiisip ko ang huling pagkikita namin ni Azel ay napapaiyak ako. Hindi ko akalain na ngayon na pala ang kasal.
Tumayo ako sa aking kama at bumaba sa unang palapag ng bahay. Gabi na kaya naman nagugutom na ako. Nakita ko si kuya Migs na bihis na bihis, naka-suot siya ng itim na long sleeves at slax. May puting necktie pa siya. Nginitian ko siya nung tumingin siya sa akin pero umiling lang siya. Kinagat ko ang labi ko. Galit pa din siya sa akin.
"Hey, brother. Gwapo natin ah?" Narinig kong sabi ni kuya Galvin habang tumatawa.
Umupo ako sa high chair at kumuha ng mansanas sa cupboard.
"Thanks, brother. Mauna na ako sa reception." Sabi ni kuya Migs at narinig ko na ang tunog ng sapatos niya palabas ng bahay.
Nag-init ang sulok ng mata ko. Dati, kapag aalis ng bahay si kuya, hindi pwedeng hindi niya guluhin ang buhok ko at hindi niya ako hinahalikan sa noo. Ngayon, wala lang. Para na lang akong hangin sa kanya.
Lumunok ako at binalingan si kuya Galvin na kumukuha ng tubig sa fridge. "K-kuya, kumain ka na?" Malambing kong tanong.
"Tapos na." Malamig niyang sagot bago umalis sa kusina.
Napaismid ako at muling pumatak ang luha ko. Nabitawan ko ang mansanas na hawak ko. Ipinatong ko ang ulo ko sa mesa at humagulhol. Dati, hindi pwedeng hindi ako kasabay na kumain ni kuya. Sabi niya wala daw siyang ganang kumain kapag hindi niya ako kasabay. Ngayon, wala na. Parang wala na siyang pakialam kung mamatay man ako sa gutom. Nakakapanibago.
Narinig kong may tumikhim kaya nagmadali kong pinunasan ang luha ko at nag-angat ng tingin. Nakita ko si mama at papa na bihis na bihis din. Nakasuot si mama ng itim na chiffon dress na pinaresan niya ng Loboutin heels. Napansin ko din iyong corsage na naka-attach sa kaliwang bahagi ng dibdib niya. Si papa naman ay naka-slax at kulay puting long sleeves na polo. Magkaakbay silang nakatingin sa akin. Principal sponsor si mama sa kasal. Napangiti ako ng mapait.
Tumayo ako at hinalikan sila sa pisngi pero hindi na katulad dati na natutuwa sila sa paglalambing ko. Ngayon ay wala ng emosyon ang kanilang reaksyon. Kinagat ko ang labi ko at lumunok.
"P-pa, ang gwapo mo naman." Sabi ko kay papa habang nakangiti. Hindi ko inaasahang tumulo ang luha ko nang bumaling ako kay mama. Sabi nila si mama daw ang kamukhang-kamukha ko. Natutuwa ako do'n. Nginitian ko siya kahit foggy na ang paningin ko dahil sa nagbabadyang luha. "Ma, ang ganda mo po. B-bagay talaga kayo ni papa." Tumawa ako pero naging hagulhol iyon. Nag-iwas sila ng tingin sa akin. Pinunasan ko ang luha ko. "S-sige po. E-enjoy."