This is work of fiction. Names, characters, place, events are products of author's imagination. Any resemblance to actual person, living or dead, or actual events is purely coincidental.
Again, this is work of FICTION
----------------------
"Ano? Tatay mo na naman masusunod?" sigaw niya sa akin. Agad dumapo ang palad ko sa mukha niya. Tinignan niya ako gamit ang matatalim na titig niya. Huminga siya nang malalim bago magsalita uli. "Siya nalang ba lagi ang tama? Lagi ka nalang ba susunod sa lahat ng gusto niya?"
"I'm sorry," yumuko ako dahil hindi ko na mapigilan ang luha ko at hinayaan nalang umagos ito.
"Sorry na naman? Kailan mo ba ako ipinaglaban sa tatay mo? Kailan mo ba ako pinili?" umiiyak niyang sabi. Sa dami nang napagdaan naming problema puro sorry lang ang naiibigay ko. Kase anong magagawa ko? Utos iyon ng tatay ko.
"Mahal naman kita, ano pa bang gusto mo?" deretsong sabi ko. Wala akong iba. Siya lang ang mahal ko.
"Sige mahal mo ako. Mahal kita. Mahal natin ang isa't-isa pero bakit hindi tayo pwede?!" sinuntok niya ang posteng katabi niya. Nakita kong dumugo ang kamao niya. Ayoko siyang nakikitang nasasaktan dahil sa akin. "Karylle may buhay ka. Hindi ka robot na kailangan puro sunod ka lang sa tatay mo." huminga siya nang malalim bago tumingin sa akin.
"Sorry, hindi kita ipinaglaban," umiiyak na sabi ko. Hindi ko alam kung anong sasabihin ko at gagawin ko dahil nahihirapan na rin ako sa sitwasyon naming dalawa.
Ayaw ng tatay ko sa kaniya. Ayaw ng pamilya ko sa kaniya dahil simple lang siya, hindi siya kasigyaman ng pamilya ko. Hindi siya kasing sikat ng pamilya ko.
"Sorry rin pero hindi ko na kaya. Pagod na pagod na akong magtago. Pagod na akong itago. Ang hirap. Sorry," tumalikod siya at bago pa man siya makahakbang ay hinawakan ko na siya sa braso. Hindi ko kayang maiwan. Hindi ko kayang mawalan.
"Cedly please, pag-usapan natin 'to, 'wag mo naman akong iwan," pagmamakaawa ko sa kaniya. Hindi ko kaya. "Sabi mo hihintayin mo 'ko," muli kong sabi.
Humarap ito sa akin at inalis ang pagkakahawak ko sa braso niya saka tinignan ako ng deretso, "Tama na please, pagod na akong ipaglaban ka," para akong nabingi sa narinig ko galing sa kaniya. Hindi 'to pwede, hindi. Ayoko.
"Ipaglalaban na kita, please 'wag mo naman akong iwan, diba hihintayin mo 'ko?" lumapit muli ako ngunit agad siyang umatras para makalayo. Ang sakit makita na ayaw na sa akin ng taong mahal ako.
"Hindi na kailangan, sapat na iyong narinig kong mahal mo ako. Pasensya na mahal, napapagod rin ako," ngumiti ito sa akin. Pinahid niya ang mga luha sa mata ko. "Mahal na mahal kita, pero nakakapagod niya. Nakakapagod kang mahalin," naramdaman kong dumampi ang malamig niyang labi sa labi ko. Ipinikit ko ang mata ko pero ilang segundo lang ay bumitaw na rin siya pero nanatili lang akong nakapikit.
Naghintay ng susunod na mangyare pero wala. Pagmulat ko ng mata, wala na siya.
Iniwan na niya ako.
Siguro nga, nakakapagod akong mahalin.