1. The Start

41K 1.5K 293
                                    

133 YEARS AGO

Bumungad sa akin ang amoy ng magagandang rosas at ilang dosenang regalo nang makarating ako sa silid. Mabilis na nagliwanag ang ekspresyon ko nang masilayan ang marangyang mga kagamitan.

"Maligayang kaarawan! Princess Helena!" salubong sa akin ng mga tagabantay ng palasyo.

Agad akong napangiti sa naabutan kong surpresa. Ngayon ang ika-siyam na kaarawan ko. Lahat ng gusto kong regalo at pagkain ay nakahain lahat sa lamesa.

"Maligayang kaarawan, Princess Helena," nakangiting sambit sa akin ng aking ama. Ang hari ng bansang ginagalawan namin.

"Maligayang kaarawan ate!" dagdag ng nakababata kong kapatid na si Noah.

Sinalubong nila 'ko ng mahigpit na yakap at halik sa noo.

"Princess, ano pang gusto mo ngayong kaarawan mo?" marahang tanong ng aking inang reyna.

Hinintay nilang lahat ang magiging sagot ko. Kahit pa lahat ng gusto kong hilingin ay nandito na, mayroon pa rin akong isang bagay na gustong gawin at makuha.

"Gusto kong pumunta sa bayan! Kung nasaan ang pinakapaborito kong panaderya!" masiglang sambit ko.

Tila inaasahan na ng mga magulang ko ang sagot ko. Mabilis nilang sinenyasan ang mga tagasilbi at ilang gwardiya na samahan akong pumunta sa bayan.

"Masusunod ang kahit anong kahilingan mo," nakangiting sambit sa akin ni ama.

Lalong lumawak ang ngiti ko sa sinabi niya at mabilis akong sumunod sa mga tagasilbi at gwardiya na sasama sa akin. Lumabas kami ng kastilyo at sumakay sa isang kalesa papunta sa bayan.

Hindi ko maitago ang saya ko nang lumagpas kami sa mataas na gate ng kastilyo. Bumugad sa akin ang masiglang bayan.

Kada taon, ang araw ng kaarawan ko ang pinakapaborito at hinihintay ko. Kahit na nakukuha ko ang mga gusto ko sa ibang araw, hindi hamak na espesyal ang araw na 'to.

Dahil pakiramdam ko, nasa akin ang lahat ng atensyon. Ako ang naalala nila kapag sumapit ang araw na 'to.

May mga dilaw na lobo na nakalagay sa bawat daan bilang pagdiriwang sa kaarawan ko. Lalo akong natuwa nang huminto ang kalesa at tumapat ito sa pinakapaborito kong panaderya sa bayan.

Agad akong inalalayan pababa ng mga tagasilbi at pinagbuksan ako ng pinto papasok sa loob.

Sumalubong sa amin ang dalawang matandang mag-asawa na nagmamayari ng panaderya. Sila ang gumagawa ng mga pinakamasarap na tinapay at minatamis sa buong bayan. Kaya ito ang pinakapaborito kong lugar dito.

"Princess Helena! Maligayang kaarawan!" masiglang bati sa akin ng mag-asawa.

"Ano ang maipaglilingkod namin sa'yo?" dagdag nila.

Kumurba ang isang ngiti sa labi ko at tumayo ako sa harapan nila.

"Isang cake! Gusto ko ng isang cake!" nakangiting sambit ko.

Isang ngiti ang pinakita nila sa akin. "Masusunod po."

Labis akong natuwa nang pumayag silang dalawa sa hiling ko. Lumapit sa kanila ang mga tagasilbing kasama ko para makipag-usap pa tungkol sa cake na hiniling ko.

Habang nag-uusap-usap sila ay napunta ang tingin ko sa transparent na pintuan na papunta sa likod ng panaderya. Wala sa sariling napatingin ako sa labas. Napako ang tingin ko sa mga batang nagtatawanan at isang batang lalaking umiiyak.

Nakuha ng ginagawa nila ang atensyon ko at siguro dahil sa kuryosidad, natagpuan ko na lamang ang sarili kong naglalakad papalapit sa pinto. Ni hindi man lang ako nagpaalam sa mga tagasilbing kasama ko.

The Forgotten Queen: The Cursed GiftedTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon