2. Friends

24.6K 1.1K 59
                                    

AFTER 3 YEARS

Maingat akong naglakad sa pasilyo ng palasyo para walang makakita o makaranig man sa akin.

Pasimple akong kumaliwa sa pasilyo kung nasaan ang pintuan papunta sa likod ng palasyo. Bago ko mabuksan ang pinto ay halos atakihin ako sa puso nang may kumalabit sa balikat ko.

"Ate! Saan ka pupunta?" malakas na sambit ni Noah.

Mabilis akong humarap sa kaniya at sumenyas na manahimik.

"Shhh! Ang ingay mo!"

Tawa ang pinakita sa akin ni Noah na kinaismid ko.

"Pupunta lang ako sa likod ng palasyo.'Wag kang maingay," seryosong sagot ko sa kapatid ko.

Kumunot ang noo niya sa sinabi ko. "Bakit naman? Pwede ka namang lumabas ah."

Sumimangot ako. "Pwede akong lumabas pero bawal akong magpapasok. Nando'n si Evan!"

Agad na natauhan si Noah sa sinabi ko at tumango. "Ah! Yes ma'am!" sagot niya sa akin at sumaludo.

Napabuntong-hininga na lang ako rito at pinagpatuloy ang pagbukas ng pinto. Lumabas ako sa likod ng palasyo at bumungad sa akin ang malawak na hardin nito.

Napupuno ng iba't ibang klase ng bulaklak ang hardin ng palasyo. Iba't ibang klase rin ng rebulto ang mga nandito na nagsisilbing disenyo.

Nilibot ko ang tingin ko upang hanapin ang lalaking naghihintay dito. Balak ko pa sanang umikot nang makaramdam ako ng mga palad na nagtakip sa mga mata ko.

Unti-unting kumurba ang labi ko nang mapagtanto ko kung sino ito.

"Sino ang nagbigay sa'yo ng permiso na hawakan ako?" giit ko sa lalaking nagtakip ng mga mata ko.

Narinig ko ang pagtawa ni Evan bago niya tanggalin ang kamay niya sa mga mata ko. "Tsk, suplada," reklamo niya.

Inilabas ko ang dila ko at inasar siya. Mas lalo lang siyang nainis sa ginawa ko na mas kinatuwa ko pa.

"Helena. Tara, may ipapakita ako sa'yo," pag-iiba ng lalaking kasama ko.

Nakuha ng sinabi niya ang atensyon ko. Bago ko pa magawang magtanong kung ano 'yon ay sinensyasan na niya 'kong sumunod sa kaniya.

Pumunta kami ni Evan sa dulong parte ng hardin. Meron ditong isang fountain at napalilibutan ito ng magagandang rosas.

"May I have one rose, princess?" pagpapaalam sa akin ni Evan habang nakatingin sa rosas.

Umismid ako sa sinabi niya at tumango. "Kahit ilan pa ang kunin mo."

Isang tawa ang sinagot sa akin ni Evan bago pumitas ng isang rosas sa hardin. Kasunod n'on ay ang pag-upo namin sa isang bench malapit sa fountain.

"Ano bang gagawin mo riyan?" giit ko.

Imbis na sagutin ako ng lalaking kasama ko ay tumawa lang siya at itinapat sa akin ang rosas.

"'Wag kang mabibigla sa gagawin ko ah. Hindi ako isang mangkukulam o hindi isang magic trick ang gagawin ko. Totoo 'to," panimula ni Evan.

Kumunot ang noo ko sa sinabi niya.

"Sabi ni Mama ay sikreto lamang itong kakayahan ko. Pero dahil matalik kitang kaibigan ay ipapakita ko ito sa'yo," nakangiting dagdag niya.

Hindi ko pa nagagawang magtanong kung ano ang ibig niyang sabihin ay nabigla ako nang nagbago ang mga mata ni Evan.

Ang kulay tsokolate niyang mga mata ay dahan-dahan naging kulay abo. Sa parehong pagkakataon, ang pulang rosas na hawak-hawak niya ay unti-unting naging bato.

Napaawang ang bibig ko sa ginawa niya at napaatras nang kaunti. "P-Paano nangayari 'yon?!" hindi makapaniwalang sambit ko.

Natawa si Evan sa naging reaksyon ko. "Oh 'di ba? Ang galing noh?" pagmamalaki niya.

Kinuha ko mula sa kaniya ang rosas at pinagmasdan ito mabuti. Tuluyan na itong naging bato.

"Sinabi ni mama na isa akong Gifted. Isang tagapagmana ni Athos," biglaang sambit ng lalaking kaharap ko.

Hindi ako makapaniwala at hindi ko mapigilang mapahanga sa sinabi niya. "Gifted? Ano 'yon?" marahang tanong ko.

Nagkibit-balikat lamang sa sinabi ko si Evan.

"Hindi ko rin alam eh. Basta alam ko, may kakayahan akong ganiyan. 'Wag kang maingay ah!" pagpapaalala niya.

Kumurba ang labi ko sa sinabi niya at inabot pabalik sa kaniya ang rosas. Sunod kong inilabas ang hinliliit ko. "Pangako. Hindi ko ipagkakalat ang sikreto mo."

Ngumiti ito sa akin at ibinigay ang rosas na naging bato na.

"Sa'yo na lang 'yan. Itabi mo, 'yan ang magiging simbolo ng pangako ko," muling ani ni Evan.

Kumunot ang noo ko sa sinabi niya. "Ha? Ano?" naguguluhang sambit ko.

Tawa ang ipinakita sa akin ng lalaking kaharap ko bago sumagot.

"Hanggang sa mabulok ang rosas na 'yan, hinding-hindi kita iiwan."

Naramdaman ko ang pag-init ng pisngi ko at mabilis akong umiwas ng tingin sa kaniya. Hindi ko alam kung ano ang pakiramdam na 'to pero kapag kasama ko lagi si Evan ay hindi ko maitago ang saya ko.

"Paano ba 'yan prinsesa, mauuna na 'ko," pagpapaalam ng kaibigan ko. Nagpaalam siya sa akin na para bang prinsipe.

"Umalis ka na, marami pa 'kong gagawin," pagreklamo ko.

Natawa lamang sa sinabi ko si Evan bago siya kumaway at tuluyan na umalis.

Napahinga ako nang malalim nang tuluyan na siyang nawala sa paningin ko. Umalis na rin ako sa hardin at bumalik sa loob ng palasyo.

Hindi mawala ang ngiti ko sa labi habang deretso ang tingin.

Hawak-hawak ang rosas na bato na simbolo ng pangako niya sa akin. Isang pangakong babaunin ko habang buhay.

The Forgotten Queen: The Cursed GiftedTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon