"Joke ba 'yon, Mayor?"
Hindi siya sumagot. Nakatingin lang siya nang masama sa 'kin na para bang gusto na niya akong barilin. Napalunok na lang ako at alanganing ngumiti sa kaniya.
"Mayor, this isn't right. This is really, really wrong," napapailing na sabi ko.
Ngumiti ako nang matamis sa kaniya saka agad na tumalikod. Akmang bubuksan ko na ang pinto para lumabas nang agad siyang magsalita. "Are you disobeying me?"
Agad akong napatigil dahil sa malamig na boses na 'yon. Napalunok ako at huminga nang malalim.
"Mayor, pasensiya na. Mas okay na sa 'kin ang mabaril mo kaysa matulog sa tabi mo."
Hindi ba siya nag-aalala na baka gapangin ko siya?
Nanlaki ang mga mata ko nang makarinig ako ng pagkasa ng baril. Agad akong tumakbo papalapit sa kama at umupo ro'n.
"Joke lang po, Mayor. Masyado ka namang seryoso," sabi ko saka naiilang na tumawa.
Inilagay niyang muli ang hawak niyang baril sa may drawer. Napakamot na lang ako sa batok ko saka bahagyang tumalon-talon sa kama. Ang lambot, a.
"Ahm, Mayor, b-bakit kailangan nating matulog sa iisang kuwarto?" tanong ko.
Napalunok ako nang tanggalin niya ang pagkakabutones ng suot niyang polo pero hindi niya hinubad, sumisilip tuloy sa paningin ko ngayon ang matipunong katawan niya. Sabi na nga ba at may abs si Mayor. Kahit naka-three-piece suit siya, nahalata ko na agad.
"Are you still not aware about your role in this house?" tanong niya. Relo naman niya ang hinuhubad niya ngayon.
"Mama ako ni Arkia?" patanong na sabi ko.
"Exactly. In this house, you're her mother. Ano na lang ang iisipin niya kapag natulog tayo sa magkaibang kuwarto?"
Napabuntonghininga na lang ako sa sinabi niya. Sa bagay, may punto siya ro'n. Pero paano naman ako makakatulog nang ayos kung alam kong nasa iisang kuwarto lang kami? Paano kung mapag-trip-an niya akong barilin habang natutulog ako? Nakakapraning.
Hindi na nagsalita uli si Mayor at pumasok na lang sa banyo. Napabuntonghininga na lang ako at lumabas saka nagtungo sa kusina para tapusin ang hinuhugasan kong mga plato.
Nakakaloka talaga ang mga nangyayari sa 'kin ngayon. Kung sana lang ay hindi ako sumilip sa eskinitang 'yon, malamang wala ako rito at matiwasay pa rin ang buhay ko. Pero malamang malungkot si Arkia kung hindi nangyari 'yon.
Napailing na lang ako at pinunasan ang mga kamay ko pagkatapos kong maghugas. Bumalik na ako sa kuwarto ni Mayor, naabutan ko siya na nakaupo sa kama niya at nakasandal sa headboard habang nagtitingin ng mga papeles.
Napakagat ako sa ibabang labi ko dahil sa suot niyang itim na sando lang at boxer, kitang-kita ko tuloy ang matipunong braso niya.
Hindi talaga magandang ideya 'to, magkakasala ako nang wala sa oras.
"Mayor, may extra toothbrush ka ba?" tanong ko habang nakahawak sa laylayan ng T-shirt na suot ko.
Tumango lang siya at hindi man lang ako binalingan ng tingin, napaismid na lang ako at agad na pumasok sa banyo.
Ano ba 'tong si Mayor Arken? Hindi man lang ba siya apektado na sa iisang kuwarto kami matutulog? Babae kaya ako at lalaki naman siya. Bakit parang wala lang sa kaniya na dito ako matutulog sa kuwarto niya? Nakakainis.
"Wow." Nabawasan ang inis ko nang makapasok ako sa banyo rito sa silid ni Mayor. Ganitong-ganito ang mga banyo na nakikita ko sa mga sosyal na bahay sa TV. Mas maganda pa yata 'to.
BINABASA MO ANG
Call Me Mayor (SERIE FEROCI 1)
Romance(COMPLETED) Arken Zaviere is the definition of a perfect mayor, he was the savior of Caloocan City. Aside from being strikingly handsome and intelligent, he was also known for being a competent mayor for providing the needs of everyone... saving eve...