Pinilit ko na lang na hindi intindihin ang sinabi ni Vierra bago siya umalis, pero hindi 'yon maalis sa isip ko.
Alam ko namang iyon din naman ang kahahantungan ko sa buhay ni Mayor, alam kong ididispatsa niya rin ako kapag sawa na siya, pero hindi ko alam kung bakit hindi ko magawang tumakas. Gusto kong lubusin ang mga oras na nandito pa ako at kasama si Arkia—at si Mayor.
"Hindi ka ba nalulungkot? Umalis na naman ang mama mo," sabi ko kay Arkia habang sinusuklayan ang buhok niya.
"'Di ba sabi niya naman bibisita siya? Saka inaasahan ko na rin naman na hindi niya ako maaalagaan. Basta 'wag kang aalis, okay na ako," sabi niya saka itinuloy na ang paglalaro ng Barbie niya.
Natahimik ako at napatigil sa pagsusuklay sa kaniya. Ayaw niyang umalis ako, ayaw ni Arkia na iwan ko siya, pero ano'ng magagawa ko? Aalis at aalis din naman ako dahil magsasawa rin sa 'kin si Mayor at bawal ko siyang mahalin.
"Hindi ka dapat ma-fall nang sobra sa charms ko, beh, kasi hindi naman ako permanente rito," sabi ko na lang saka hinawakan ang balikat niya at iniharap siya sa 'kin. Napanguso naman siya.
"Na-fall naman si Papa sa charms mo, e. Kapag na-fall na siya nang tuluyan sa 'yo, hindi mo na kailangan umalis," sabi niya habang nakatitig sa mga mata ko.
Napangiti na lang ako at kinurot ang pisngi niya. Ang cute na talaga lalo ni Arkia sa paningin ko kahit bruhang bata siya noon.
"Kung ano-anong pinagsasasabi mo, matulog ka na nga o kaya naman magbasa ng Bible," sabi ko na lang at inayos siya ng upo sa kama.
"Mama."
"Hmm?" tanong ko habang hinahaplos ang mahabang buhok niya.
"Kapag po birthday ng anak mo, ano ang gagawin mo?" inosenteng tanong niya.
"Siyempre ipagluluto ko at reregaluhan," sabi ko naman. Nanlaki ang mga mata niya habang nakatitig sa 'kin.
"Ano ang ireregalo mo sa kaniya?" tila nasasabik na tanong niya. Napakunot ang noo ko habang nakatingin sa kaniya.
"Bakit mo tinatanong 'yan? Birthday mo ba?" tanong ko pa.
Agad siyang umiling at napaiwas ng tingin sa 'kin. Naningkit naman ang mga mata ko nang mapansing bahagyang namula ang magkabilang pisngi niya. Bakit naman siya nagtanong ng gano'n kung hindi pala?
"Good night na, Mama, magbabasa na po ako ng Bible," sabi niya na lang saka kinuha ang Bible sa bedside table niya.
"Sige, good night." Dinampian ko muna ng halik ang noo niya bago ako lumabas ng silid niya.
Nagtungo na ako sa kuwarto namin ni Mayor at agad na nag-shower, nag-toothbrush, at nagpalit ng pantulog. Umupo na ako sa kama at sumandal sa headboard saka nag-Facebook, baka may update dito tungkol kina Aljen at Wrena.
Naningkit ang mga mata ko nang makita ang post ni Wrena.
Wrenashi Bautista
32 minutes ago
Alam kong trip mo lang ako kasi binasted ka. 'Wag ako puwede? Hindi ka nakakatuwa.
Napabuntonghininga na lang ako at napailing sa post niya, mukhang nagkakalabuan pa sila ni Aljen ngayon, a. Natigilan naman ako nang makitang may post din si Aljen.
Aljen Mijares
18 minutes ago
Sinabi ko bang nakakatuwa ako?
Napailing na lang ako, paano ko ba mapagbabati ang dalawang 'to? Mukhang seryoso ang away nila ngayon.
Napapitlag ako nang tumunog ang cellphone ko. Agad kong sinagot iyon nang makita ang pangalan ni Wrena sa caller ID.
BINABASA MO ANG
Call Me Mayor (SERIE FEROCI 1)
Romance(COMPLETED) Arken Zaviere is the definition of a perfect mayor, he was the savior of Caloocan City. Aside from being strikingly handsome and intelligent, he was also known for being a competent mayor for providing the needs of everyone... saving eve...