"Iyan, tapos lumiko ka sa kaliwa," sabi ko saka itinuro ang daan kay Arken, agad naman niyang iniliko ang kotse sa kaliwa.
Kaunti na lang at makakarating na kami sa bahay namin dito sa Camsur. Hindi ko pa rin sinasabi kina Nanay na pupunta kami dahil gusto ko silang supresahin, mas magugulat lang sila dahil kasama ko si Arken. Sa totoo lang hindi ako sigurado kung matatanggap agad nina nanay si Arken, pero mapilit itong si Arken at gustong gusto sumama kaya hinayaan ko na lang.
"Mama Ayen, okay lang po ba talaga na sumama ako?"
Napatingin ako kay Arkia na nasa backseat katabi ni Vander na nakatingin lang sa bintana. Napangiti na lang ako at lumiyad para bahagyang kurutin ang pisngi niya. Twelve years old na si Arkia pero para sa 'kin baby pa rin siya.
"Oo naman, beh," nakangiting turan ko.
Natigilan ako nang tumunog ang cellphone ko. Agad kong kinuha iyon mula sa bulsa ko. Napangiti na lang ako nang makitang si Wrena ang natawag, bigla ko tuloy naalala na hindi ko pa pala nasasabi sa kanya na buhay si Arken.
"Hello, Wrena."
"Kumusta ang biyahe niyo? Nandiyan ka na ba sa inyo?" tanong niya.
"Malapit na, bakit ka nga pala napatawag?"
"Wala lang, saan ba 'yang lugar niyo sa Camarines Sur? Para naman mapuntahan ko kayo paminsan-minsan," sabi na lang niya.
"Sa Pili, h'wag ka na ring mag-alala, sa Caloocan na kami titira ni Vander pagka-uwi namin galing Camsur," nakangiting tugon ko saka napatingin kay Arken na abala sa pagmamaneho. Hindi naman nakawala sa paningin ko ang maliit na ngiti sa labi niya.
"Wow! Buti naman at napagdesisyunan mong tumira sa Caloocan ulit. Pero alam mo ba? Ang daming kumakalat sa internet na nagmumulto raw si Mayor Arken, may nabasa nga ako sa facebook na cashier sa mall dito sa Sorsogon, sigurado raw siya na nag-grocery raw Mayor Arken noong nakaraan."
Nagpigil ako ng tawa sa sinabi ni Wrena. Nagtatakang napatingin naman sa 'kin si Arken. Umiling na lang ako at muling ibinaling ang atensyon kay Wrena.
"Hindi multo 'yon, buhay si Arken, kasama ko nga siya ngayon, e," natatawang sabi ko na lang.
Saglit na natahimik si Wrena sa kabilang linya. Bigla kong na-imagine ang hitsura niya ngayon, malamang nakaawang ang labi niya habang nanlalaki ang mga mata. Nawala rin kasi sa isip ko na sabihin kaagad sa kanya dahil inabala ko ang sarili ko kay Arken, sobra kong na-miss ang lalaking 'to, e.
"Tangina, Ayen. Alam kong hindi madali para sa 'yo ang lahat, kung ako rin ang nasa sitwasyon mo mababaliw rin ako. Magpatingin ka na sa doktor, Ayen. H'wag mong masamain, gusto ko lang na mapabuti ka dahil kaibigan kita," ma-dramang sambit nito. Natatawang napailing na lang ako at walang pasabi na pinatay ang tawag.
Kinuhanan ko ng litrato si Arken habang nagda-drive saka agad 'yong ni-send kay Wrena. Napahagikhik na lang ako habang hinihintay ang reply niya.
Wrenashi Mijares: OMG! Buhay talaga siya? Myghad, bakit naman kasi ni-broadcast niya sa buong Pilipinas na patay na siya tapos biglang susulpot na lang siya kung saan-saan? Sabihin mo riyan sa lalaking 'yan e ayusin na ang buhay niya. Nakakaloka kayo.
Natawa na lang ako sa reply niya. Nai-imagine ko na naman ang hitsura niya ngayon.
"Sige, kanan na lang tapos iyon na," sabi ko kay Arken saka itinuro ang daan sa bahay namin.
Medyo nahihirapan si Arken dahil may kasikipan ang lugar namin dito at lubak ang daan, pero hindi naman siya nagrereklamo. I-suggest ko nga sa kanya mamaya na ipaayos itong daan namin para good shot siya kina Nanay.
BINABASA MO ANG
Call Me Mayor (SERIE FEROCI 1)
Romance(COMPLETED) Arken Zaviere is the definition of a perfect mayor, he was the savior of Caloocan City. Aside from being strikingly handsome and intelligent, he was also known for being a competent mayor for providing the needs of everyone... saving eve...