"Bakit po dalawa ang mama ko?"
Napatingin kaming tatlo kay Arkia na nagtatakang nakatingin sa 'min ng tunay niyang nanay.
Hindi ko alam kung ano'ng trip ni Arkia at tinanong niya pa 'yan kahit alam niya namang hindi ako ang tunay niyang ina. Siguro hanggang ngayon pinaninindigan niya pa rin ang pagpapanggap sa harap ni Mayor.
"She ain't your real mother, Arkia, I am," sabi ng babaeng nakaupo sa tapat namin ngayon habang naka-dekuwatro pa.
Lihim akong napaismid. Sinasadya niya bang ipakita kay Mayor ang maputi at makinis niyang mga hita?
"Sino po ba kayo?" nakakunot-noong tanong ni Arkia sa babae.
"I'm your mother, the one who gave birth to you, Vierra De Guzman," pagpapakilala niya sa sarili niyang anak.
Saglit kaming natahimik. Napatingin ako kay Arkia na nakatitig lang sa ina niya.
Walang duda na ang Vierra De Guzman na 'to ang ina ni Arkia. Mas kahawig ni Arkia si Mayor, pero may nakuha rin siya sa facial features ng mama niya. Ayaw ko mang aminin pero talagang maganda ang Vierra na 'to, halatang hindi ito purong Pilipino. Kung hitsura nga ang basehan, paniguradong papasa itong Hollywood actress.
Nakakapanliit, mas nai-insecure ako sa kaniya dahil sa katotohanang siya ang ina ni Arkia. Nagkaanak sila ni Mayor, malamang malalim ang naging ugnayan nila noon. Sa tingin ko nga rin ay minahal nila ang isa't isa.
"Bakit ngayon ka lang po dumating? Bakit kailangan pa po na may magpanggap na mama ko bago ka dumating?" tanong ni Arkia. Walang emosyong makikita sa mukha niya o maririnig sa boses niya. Hindi ko mahulaan ang nararamdaman niya ngayon.
"I have to leave you with your father even though I didn't want to because I have to fix my life first. Hindi pa ako handa sa responsibilidad no'ng mga panahong 'yon, but now I'm responsible enough to take care of you. I promise that from now on, I won't leave you—and your father," sabi nito saka binalingan ng tingin si Mayor.
Napalunok na lang ako at napaiwas ng tingin sa kanila. Pakiramdam ko outsider na lang ako sa bahay na 'to, dapat pa ba akong manatili rito?
"Shut up, you're not welcome here," malamig na sabi ni Mayor.
Napakagat na lang ako sa ibabang labi ko nang mapansing hindi pa rin niya inaayos ang damit niya. Hindi niya ba alam na nakikita ng Vierra na 'yon ang matipunong dibdib niya?
"Papa, gusto kong makasama ang tunay kong mama."
Napatingin ako kay Arkia na hanggang ngayon ay hindi inaalis ang tingin kay Vierra. Nakaramdam ako ng kakaibang pakiramdam na tila may sumipa sa dibdib ko. Siguro dahil napamahal na sa 'kin si Arkia kaya may kaunting selos akong nararamdaman.
"Sasabihin ko na lang po kapag ayaw ko sa kaniya para po mapaalis n'yo siya rito."
Napaubo ako sa sinabi ni Arkia, tila hindi makapaniwalang napatingin ako sa kaniya. Talaga bang sinabi niya 'yon sa harapan ng totoong mama niya?
Mukhang namana talaga ni Arkia ang ibang ugali ni Mayor, mukhang nakakatakot siya kapag lumaki na siya. Buti na lang talaga at gusto niyang maging madre.
"Saan siya matutulog?" bulong ko kay Mayor. Siguro narinig nina Vierra at Arkia 'yon dahil napalingon sila sa 'kin.
"I'll sleep in your room, Arken. We used to sleep there together anyway," sabi ni Vierra habang nakatingin kay Mayor.
Napalunok na lang ako at napatungo. Ayos din naman 'yon, sa kuwarto na lang ni Arkia ako matutulog. Pero hindi ko maiwasang mapaisip. Hindi na nakakagulat na sa kuwarto ni Mayor natutulog si Vierra noon, pero hindi ko maintindihan kung bakit parang naninikip ang dibdib ko kapag naiisip 'yon.
BINABASA MO ANG
Call Me Mayor (SERIE FEROCI 1)
Romantik(COMPLETED) Arken Zaviere is the definition of a perfect mayor, he was the savior of Caloocan City. Aside from being strikingly handsome and intelligent, he was also known for being a competent mayor for providing the needs of everyone... saving eve...