'ningning ningning
munting bituin
sa iyo'y nakatingin
sa kalawakan at mga ulap
matulog ka raw nang mahimbing'"Shhh," nakakaloko ang ngiti ni Isaiah nang dahan-dahan niyang buksan ang pinto para lumabas at doon magtago.
Natatawang napailing ako.
Maingat kong isinilid ang sarili sa isang malaking lumang baul dito sa bahay, dito ko naman naisipang magtago. Hinawakan ko ang laylayan ng aking puting bestida para hindi ito maipit sa saraduhan, ibinaluktot ang maliit na katawan at tuluyang nagpalamon sa kadiliman sa loob niyon.
Isa, dalawa, tatlo...
"Bulaga!"
Napapikit ako nang kumalat ang liwanag sa paligid. Matunog akong humagikhik nang magtama ang paningin namin ng taya, si Echo. Nakanguso ito habang inaalalayan akong lumabas.
"Ang hirap niyong hanapin."
"Kulelat ka lang talaga," asar ng batang si Ether.
Nagtawanan kami. Ngunit nahinto iyon nang mapagtantong kulang pa kami, may isa pang hindi nahahanap.
"Teka, nasaan si Isaiah?"
Nagkakagulo ang mga tao sa paligid, naghahalo ang aking saya, kaba, pagkalito at takot. Nagkalat ang media, mga pulis at ilang taong nakikiusisa. Anong nangyayari?
Nabitawan ko ang dala kong handouts at nanghihinang napaupo sa sementadong kalsada. Nanlabo ang aking paningin at halos wala akong marinig sa ingay ng paligid, hindi maalis ang paningin ko sa taong nasa aking harapan. Nakatakip ng dyaryo ang halos kalahati ng mukha, ngunit hindi ko maaaring makalimutan ang kaniyang itsura.
Umiiyak na dumating ang mga magulang ni Isaiah, naghihisterya ang kaniyang nanay. Malakas na humahagulhol si Ether sa aking tabi habang nagpupumilit namang lumapit sa kalunos lunos na katawan si Echo ngunit pinipigilan ito ng mga otoridad.
"Basta may narinig po akong sigaw ng lalaki na nagmamakaawang pakawalan na siya dahil may presentation pa raw siya bukas, sinundan ng putok ng baril pagkatapos ay tumahimik ang paligid, ma'am.."
Ilang oras pagkatapos sumikat ang araw, sa gilid ng eskinita ay natagpuan ang isang nakatiwangwang na katawan, nakaluhod ito patalikod at halos mahalikan ang sinasandalang pader, sariwa ang nagkalat at tumutulong dugo sa may parte ng ulo nito pababa sa dibdib, nanatiling dilat ang kaniyang mga mata ngunit wala ng buhay ang nakakaloko niyang ngiti—natagpuan namin si Isaiah.
Ang bilis ng oras, 'di ko akalaing sasali sa aming laro si kamatayan.
'sa iyo'y nakatingin
sa kalawakan at mga ulap
matulog ka raw nang mahimbing'Soundtrack: Simula by Munimuni & Cariño Brutal by Slapshock
BINABASA MO ANG
A Little Piece of Heaven
Non-FictionIn this tragic world and chaotic mind, we all wish for a little piece of heaven, right?