December 16, 2001

10 4 0
                                    

December 16, 2001

Wala ang guro namin kanina kaya sobrang gulo ng klase. Walang nagturo kaya lahat ay nagdidiwang. May meeting daw kasi ang mga guro. Hindi ko alam kung saan patungkol iyon. Basta kahit ako ay nagsasaya. Kasama ko kasi si Ruru kanina. Nagkukwentuhan at nagtatawanan. At ang dami kong nalaman tungkol sa kanya.

Wala siyang kapatid. Iyong papa niya, nasa ibang bansa at doon nagtatrabaho bilang mechanical engineer daw. Iyong mama naman niya, nagraraket raket daw. Nagtitinda ng halo-halo o kaya naman ay pulburon o kung anong maisipang pagkaing ibebenta. Kung siguro ganun si mama ay hihingi ako ng hihingi sa pagkaing ititinda niya. Masarap kasing magluto si mama. Kaya sa tuwing kumakain kami ay ang dami kong nakakain. May bilbil tuloy ako.

Tapos nalaman kong magaling pala siyang magdrawing. Sabi ko ay magdrawing siya kaya ginawa niya. At sobrang galing nga niya! Sabi niya, ako lang daw ang sinabihan niyang marunong siyang magdrawing dito sa school. Kasi magulang at siya lang ang nakakaalam nun. Ayaw kasi niya ng pinupuri. At dahil doon, mas lalo ko siyang naging crush.

Sinabi ko rin sa kanya na mahilig akong magbasa. Kahit anong libro basta natipuhan ko, babasahin ko. Kaya raw pala ang galing ko sa pakikipagdebate, sabi niya. Pero umiling ako. Sinabi kong sinasabi ko lang sa pakikipagdebate ang kung ano ang nasa isip ko. Nagtanong pa nga siya kung ano ang pinagkakaabalahan ko maliban sa pagbabasa kaya sinabi kong gumagawa ako ng tula, malaya man o may tugma at istorya.

Gusto niyang mabasa ang mga istoryang ginawa ko. Ngunit umiling ako. Nahihiya ako kasi baka ay mabasa niya iyong iba na patungkol sa kanya. Nagsusulat kasi ako ng istorya kung saan kami ang bida. Lalo na at hindi ko pinalitan ang bawat pangalan namin roon. Kaya ang sabi ko, nasa bahay. Gusto niyang basahin kaya sabi niya, bukas na lang daw. Um-oo na lang ako. Kaya kanina, inayos ko na. Inalis ko ang mga papel na nilalaman ng istoryang ginawa ko na may kaugnay sa amin.

Pinagalitan pa nga ako ni mama dahil daw ang kalat ng kwarto hanggang sala. Hehe.. iba't ibang notebook kasi iyon kaya sobrang dami. Pati nga si Kuya ay naiinis na rin sa mga kalat ko. Pero swerte pa rin kasi biglang dumating si papa at pinagtanggol ako. Na bata pa raw ako at hayaan ako. At tama naman ang sinabi ni papa, lilinisin ko naman iyon pagkatapos.

Pinagsabihan ako ni mama kanina. Huwag ko na daw iyon uulitin. Mahinahon ang boses niya at pilit ipinapaintindi sa akin. Ngumiti lang ako kay mama at tumatango dahil nauunawaan ko ang ibig niyang sabihin. Na kahit bata pa lang ako ay dapat malaman ko na ang disiplina sa aarili.

Kaya ang ginawa ko, naglinis na agad ako. Hindi ko na tinapos ang ginawa ko. Ang OA ko lang talaga at lahat ginalaw ko. Wala namang sinabi si Ruru na lahat babasahin niya. Kaya naisip ko ay isa o dalawang istorya ay ayos na.

Nasisiyahan,
Jaja :)

The Journey of our LoveTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon