II:03 Barcelona

221 13 2
                                        

Synthesis




II:03



Barcelona
Araw man o buwan, o tala nais mamasdan
Lahat ng ito'y ihahayag kung 'di mag-abot ako'y nariyan
Dapat pa bang maramdaman?
Kung 'di makakatulong 'wag na lang
Salubungin ang bagong yugto at walang alinlangan


Althea's PoV


Mag-isa lang akong tumatambay ngayon dito sa gilid ng pool sa likod ng bahay namin habang kandong-kandong ang gitara ko. Hindi ko 'yon nagalaw simula pa kanina. Wala kasi akong maisip na magandang musikang pwedeng itugtog dahil wala naman talaga dito ang isip ko. Kasalukuyan itong lumilipad patungo sa kabilang bahagi ng siyudad kung saan alam kong naroon si Jade.


     Ah, si Jade na naman! Marahan akong umiling upang ma-iwaksi siya sa aking isipan. Gusto ko kasing makalimutan siya kahit saglit lang. Sobra na akong nasasaktan at parang maiiyak kapag pumapasok siya sa aking isip. Kaya nga ako lumabas ng bahay para magpahangin sana pero wala ring kwenta. Lagi ko pa rin siyang naiisip.


Inilapag ko ang gitara sa aking tabi at tumingala sa langit. Kayraming bituin ang nagkikislapan sa kalawakan ngayong gabi. Napakapayapa rin nilang tingnan habang katabi ang buwan na nanghihiram ng liwanag sa araw na nasa kabilang bahagi naman ng mundo.


Naikumpara ko ang aking sarili sa buwan. Parang magkatulad lang kasi kami na nagliliwanag lang 'pag natatamaan ng sikat ng araw. At ang araw ko naman ay si Jade. Siya kasi ang kasalukuyang nagbibigay liwanag sa buhay ko. Ngunit siya rin ang nagpapadilim nito tuwing tinatanggihan niya ako at sinasabing hindi kami bagay.


     Naiiyak na naman ako. Naalala ko kasi ang pakiusap nito kanina pagkatapos naming kumain sa resto ng mall kung saan kami nagkasalubong. Tuwang-tuwa pa naman ako nang yayain niyang kumain kami ng lunch. 'Yon pala, gusto lang niya akong pagbawalan na lapitan o kausapin siya sa school.


Samakatuwid, ilang beses na niyang ginawa 'yon. Hindi ko na nga mabilang dahil ang daming beses na akong binasted ni Jade. Siguro kailangan ko nang mag-move on dahil hindi talaga kami ang para sa isa't isa. Kailangan ko na sigurong tanggapin sa sarili ko na nagkamali ako ng taong inibig dahil parang ang labo nang mabigyan pa niya ako ng pansin.


Kumurap-kurap ako upang pigilan ang mga luhang nagbabadyang dumaloy sa aking pisngi. Makalipas ang ilang saglit, pumikit ako ng mga mata. Pero letse, muli na namang nagpakita sa akin ang magandang mukha ni Jade. Sa inis ko ay bumangon na lang ako at nagtungo sa aking kwarto. Matutulog na ako, baka sakaling hindi na niya ako dalawin sa panaginip.







Walang-gana akong pumunta ng school nitong umaga. Kanina pa nga ako nakarating pero hindi na muna ako lumabas ng kotse. Nag-message na lang ako kina Batchi na mauna nang pumasok sa first period. Nagdadalawang-isip pa kasi ako kung papasok o hindi lalo pa't si Jade ang magkakaklase sa amin. Baka umiyak ako ng wala sa oras at pagtawanan ng mga classmates ko.


Naputol ang aking pagmumuni-muni nang biglang tumunog ang cellphone ko sa dashboard. Kinuha ko iyon at sinagot ang tawag ni Batchi.


"Hello Batchi?" Nakakunot-noo kong tanong.


". . .tsong, papasok ka ba?"


Nagkamot ako ng ulo. "Hindi ko pa alam Batch. Bakit?"


". . . eh, tingin ko kailangan mo munang pumasok. May long test daw tayo ngayon sabi ni Ms. Tanchingco kaya akyat ka na. Saka ka na lang mag-absent ulit."


"Gano'n ba?" Mukhang wala akong choice kundi pumasok ngayong araw. Lagot kasi ako kay mama kapag bumagsak na naman ako sa subject na 'to. "Sige, aakyat na ako." Sagot ko. Pinatay ko na rin ang tawag saka lumabas ng kotse upang tumungo sa classroom kung saan makikita ko na naman ang pinakamagandang babae sa balat ng lupa.


Pagpasok ko, tumingin ang halos lahat ng mga kaklase ko sa aking gawi. Ngunit hindi ko sila pinansin. Dumiretso na lang ako sa aking upuan na katabi ni Batchi. Hindi rin ako tumingin sa may unahan kung saan nakatayo si Jade.


"Here." Rinig kong sabi nito. Medyo nagulat pa ako dahil hindi ko namalayan ang paglapit niya upang bigyan ako ng test paper.


Tinanggap ko iyon ng walang-imik at hindi pa rin tumitingin sa kaniya. Tapos ay narinig kong naglakad na ito pabalik sa kaniyang desk upang simulan ang long test na hindi ko napaghandaan. Hindi kasi ako nakapag-review dahil wala akong kaalam-alam na may ganito palang mangyayari ngayong araw.


"Class, sinong tapos na? Ipasa niyo na lang dito ang test paper ninyo then pwede na kayong lumabas." Rinig kong sabi ni Jade makalipas ang halos kalahating oras. Agad namang nagsipagtayuan ang mga classmates kong tapos na. Grabe, ang tatalino ah. Bitter kong bulong. Hindi pa kasi ako nangngalahati sa pagsagot sa sandamakmak na mga questions na nakalagay sa test paper. Pinagpawisan din ako ng malapot nang ma-realize kong lima na lang kaming naiwan dito sa loob. Nauna na kasing lumabas sina Batchi dahil nasagutan nila agad ang mga tanong.


"Ms. Guevarra, hindi ka pa rin ba tapos?" Tumingin ako sa gawi ni Jade. Noon ko lang din napagtantong kami na lang pala ang naiwan dito sa loob ng classroom. Tumayo na lang ako at naglakad papunta sa kaniyang mesa upang ilapag doon ang test paper kahit hindi pa ako tapos sa pagsagot. Bahala na rin kung bumagsak ulit ako.


"Hindi pa 'to tapos Althea." Sabi nito nang makita ang test paper ko. Ngunit hindi na ako lumingon. Nagpatuloy lang ako sa paglakad palayo sa kwartong iyon.


Palayo sa kaniya.


----------------------------------------


Thank you for reading this story. Your votes and comments are greatly appreciated too. Stay safe everyone. 🙏🌍

SynthesisTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon