Chapter Two
NANGANGATOG ang mga tuhod ni Ingrid nang lumabas ng lift. Panay ang bagsak ng kanyang mga luha. Nagagalit siya. Sa buong buhay niya ay noon lamang siya nakaramdam ng ganoon katinding galit. She lived a very sheltered life. Palibhasa nag-iisang anak at babae, lumaki siyang halos hindi madapuan ng langaw. Kaunting problema ay nakaagapay kaagad ang kanyang mga magulang.
At nang dumating si Terrence, maging dito ay na-spoil din siya. Pero alin nga ba ang totoo sa lahat ng kabutihang ipinakita nito sa kanya? Hindi kaya all along ay plinano na nitong mahulog ang loob niya?
Parang dinakot ng kamay na bakal ang puso niya. She felt betrayed. And more, she was horrified. Hindi niya maiwasang isipin ang mga nakapanliliit na paksa ng magkakaibigan sa mga sandaling iyon. Tila siya pinanlalakihan ng ulo nang maalala ang sinabi ni Anthony.
"Good. At least ngayon ay alam na ni Terrence kung sino sa ating dalawa ang willing gampanan ang kanyang papel sa gabi ng honeymoon nila ni Ingrid."
Natutop niya ang bibig nang biglang sumipa ang kanyang sikmura. Bigla siyang naduwal. Sa magkakasabay na sulak ng emosyon ay tila hinahalukay ang sikmura niya. Nang walang maisuka ay nagsimula siyang maglakad. Parang computer na biglang nag-shut down ang utak niya. Ang malakas na ulan kanina ay tumila na. Bagaman manaka-naka ay umaambon pa rin. Ngunit maging iyon ay hindi niya alintana.
Naglakad siya nang walang tiyak na direksyon. She felt so alone.
What am I going to do now, Daddy, Mommy? napahikbi siya.
Pumunit sa kamalayan niya ang matinis na sagitsit ng gulong.
"Hoy! Nagpapakamatay ka ba?!"
Sunud-sunod na busina ang narinig niya mula sa kanyang likuran. Paglingon niya ay nakita niya ang isang galit na galit na motorista. Ga-hibla na lamang pala ang pagitan niya kay Kamatayan. Nasa gitna na pala siya ng intersection. Nang magsunuran ang busina ay naitakip niya ang dalawang kamay sa magkabila niyang tenga. Nataranta siya at hindi malaman kung saan susuling.
Then out of nowhere ay may biglang humawak sa kanya. Hinawakan siya nito paalis sa gitna ng trapiko.
Napilitang sumunod si Ingrid sa mabibilis na hakbang ng estranghero. Kung hindi siya sasabay ay natitiyak niyang makakaladkad siya nito.
Nang tumigil sila sa tapat ng isang nakahimpil na sasakyan ay saka pa lamang nakilala ni Ingrid ang taong sumaklolo sa kanya.
Si Jeremiah.
"You."
Walang salitang binuksan nito ang pinto sa passenger side.
"Get in."
"I am not going anywhere with you."
Napasinghap siya nang sukat hawakan siya nito sa ibabaw ng ulo at iyuko iyon papasok sa sasakyan nito. He put on her seatbelt bago mabilis na umikot sa driver's seat.
"Here. Dry yourself up," inabutan siya nito ng tuwalya na kinuha nito mula sa sports bag sa backseat.
Parang walang nakitang hindi niya iyon kinuha.
Tila nauubusan ng pasensyang napabuntong-hininga ito bago humarap sa kanya at sinimulang tuyuin ang basa niyang buhok. Sinikap niyang maging passive. Tinuyo nito ang basa sa kanyang mukha, leeg at mga braso. Walang mababakas na emosyon sa mukha nito habang mekanikal na ginagawa ang lahat ng iyon.
May ilang saglit siya nitong pinagmasdan. For a fleeting moment ay may nagdaang malambot na ekspresyon sa mukha nito. O imahinasyon niya lamang ba iyon?
"Gusto mo na bang umuwi?"
Umuwi? Sa mga sandaling iyon, ang tahanan nila ay nagmistulang isang bilangguan sa kanya.
BINABASA MO ANG
Secret Fire (Chains of Passion Book I)
Roman d'amourSPG-18 Si Terrence Lam ang perpektong Prince Charming na pinapangarap ni Ingrid. At sapul sa kamusmusan ay lihim na niya itong inibig. Subalit isang sikreto ang natuklasan niya na sumira sa kanyang ilusyon. Hindi pala lahat ng nakikita sa panlabas n...