"YOU LIED to me!"
"Napaka-paranoid mo!" angil ng binata. "Ano ba naman ang mangyayari sa akin kung papasok ako sa politika?"
"Alam mong hindi iyon ang ibig kong sabihin," aniya, sinisikap kontrolin ang galit. "Napag-usapan na natin iyan. Nangako ka sa aking hindi papasukin ang politika!"
"Ang papa ang may gusto nito," wika ni Nelson sa marahang tinig. Hindi nito gustong makakuha ng atensiyon sa mga taong labas-masok sa munisipyo. "Hindi ko siya maaaring tanggihan. At bilang principal, malaki ang impluwensiya ng itay mo sa mga tao. Lalo na ang lolo mo."
Manghang napatitig sa kasintahan si Lora. Hindi makapaniwalang naririnig niya iyon. She could have forgiven him for lying to her. Pero ang marinig sa mga labi ng kasintahan ang motibo nito sa madaliang pagpapakasal nila'y hindi niya matanggap.
"You want to use me," she hissed. "Gusto mo akong pakasalan hindi dahil mahal mo ako kundi gusto mong gamitin ako at ang pamilya ko sa politika!"
Napaungol si Nelson sa paraang tila napakakitid ng mentalidad niya. "Ang lawak ng imahinasyon mo, Lora. Of course, I love you. Pakakasalan ba naman kita kung hindi."
She was seething with anger. Kung magsasalita siya'y baka kung ano pa ang masabi niya. At nasa munisipyo sila dahil naroroon si Nelson sa opisina ng ama nito. Hindi niya gustong makagawa ng eksena. Mabilis siyang tumalikod at lumabas ng building.
"Lora!" tawag ni Nelson, subalit hindi siya lumingon. Dere-deretsong lumabas at nagmamadaling tinungo ang scooter niya at bago pa makahabol ang nobyo'y nakalayo na siya.
"DINALHAN na kita ng pagkain, Lora. Nagpalipas ka na naman ng oras sa pagkain mo, bata ka!" ani Tiya Lagring sa nagsesermong tono. Inilapag sa tabi ng pamangkin ang basket.
"Salamat, Tiya Lagring..." Ang malaking asong nakaupo sa tabi ni Lora ay agad na tumayo at inamoy-amoy ang pagkain sa loob ng basket. Binugaw iyon ng matandang babae.
"Dumating nga pala si Nelson kani-kanina lang. Hindi ko sinabing narito ka tulad ng bilin mo. Babalik na lang daw siya. Nagkakagalit ba kayo at ilang araw mo nang iniiwasan ang nobyo mo?"
Nawala ang ngiti sa mga labi niya. "Hindi ko siya gustong makausap, Tiya. Ano bang oras ko sasalubungin ang tatay sa pier sa Batangas?" pag-iiba niya sa usapan.
"Ang bilin sa akin ay bago mag-alas-singko dapat ay naroon ka na." Sinulyapan nito ang isa pang basket na dapat ay lalagyan ng mahuhuling isda ng dalaga. napailing ito nang makitang walang laman iyon. "Mabuti na nga lang pala at naalala kong dalhan ka ng pagkain kahit hapon na. Nawala sa isip kong hindi ka nga pala tatayo riyan hangga't walang nahuhuli iyang bingwit mo. Aba'y mag-aalas-tres na, ah!"
"Meron ho akong nabingwit, Tiya. Pero pinakawalan ko't hindi naman kalakihan." Sinulyapan niya ang fishing rod at umaasang may hahatak doon anumang sandali. "At saka tanghali na naman ho akong nag-almusal kaya hindi pa ako gaanong gutom..." Tiningala niya ang matandang tiyahin. "Saluhan na kaya ninyo ako?"
"Ay hindi na, bata ka. Mamaya lang ay paparoon na ako sa aplaya at baka kung ikaw ang hihintayin kong makahuli ng isda'y wala tayong maihahapunan. At maaga kang lumakad at baka abutan kayo ng malakas na alon..." Pagkasabi niyo'y tumalikod na at binaybay ang munting daungan pabalik sa bahay.
Tumayo si Lora at itinali sa kahoy ang fishing rod. Pagkatapos ay nilinga ang aso niyang nakatanghod sa basket ng pagkain.
"Chao, Rufus," wika niya sa aso habang inaalis mula sa basket ang pagkain.
Maliban sa dalawang saging at bote ng tubig, sa isang plastic canister ay naroon ang kanin at sa isa pa'y dalawang pritong manok. Ibinigay niya ang isa kay Rufus na agad nitong sinakmal.
BINABASA MO ANG
Kristine Series 18, One Wish (UNEDITED) (COMPLETED)
Romance"There's a falling star!" bulalas ni Mirabelle, saka mabilis na tumayo at mula sa likuran ni Karl ay isinuksok ang dalawang kamay sa bulsa ng shorts nito. "Ano'ng ginagawa mo?" Karl was stunned. "Making a wish," she answered softly, her cheeks again...