"ANONG oras na?" tanong ni Lora.
Sumulyap si Karl sa diver's watch nito sa braso at sa padabog na tono'y, "It's ten past seven. Wala ka nang ginawa kundi magtanong ng oras kada limang minuto!"
"Napakaeksaherado mo," wika niya kasabay ng pag-ikot ng mga mata. "At ano naman ang masama kung nagtatanong ako ng oras? Bakit ka nagsusungit?" Humugot siya ng mahabang paghinga. Muling nilinga ang lalaki. "I'm starving, aren't you?"
"Hungry but not starving."
Tinalikuran nito ang dalaga at hinayon ng mga mata ang madilim na laot na walang makikita kundi ang mumunting liwanag na nanggagaling sa Batangas pier at iilang liwanag mula sa mga sasakyang dagat na nasa malayong bahagi ng karagatan. At mabuti na lang at may emergency lamp ang basnig, kung hindi'y baka mga bituin at buwan ang tanglaw nila sa isa't isa.
Nakasiksik sa sulok ng basnig si Lora, yakap ang mga binti. Gabi na, and it was getting colder. At tumatagos ang lamig mula sa malakas na hangin sa suot niyang pedal pusher at manipis na T-shirt.
Muli niyang tiningala ang lalaki. "Tagarito ka ba? Ibig kong sabihin, sa Batangas o sa kalapit-isla?" tanong niya.
"Hindi ako tagarito. May bahay ang... ang kaibigan ko sa Anilao at nagbabakasyon ako nang ilang araw," sapilitang sagot ni Karl.
May bahay-bakasyunan sa Anilao ang pamilya ni Krista. At mula sa Manila Bay ay naglayag sila patungong Batangas habang isine-celebrate ang birthday ng dalaga. At plano pa sanang maglalayag patungong Paso de Blas kung hindi lang nagalit si Krista at nagpasyang magpaiwan na at sa bahay-bakasyunan na lang ng pamilya nito itutuloy ang party... minus Karl na hindi man lang nag-abalang suyuin ang dalaga.
At hindi ito nagbalak na bumalik sa Paso de Blas o sa Maynila. Nag-e-enjoy itong maglayag mag-isa.
"Taga-Maynila ka kung ganoon," patuloy ni Lora na pumukaw sa pag-iisip ni Karl. "Ano ang trabaho mo sa Maynila? Sa iyo ba ang speedboat na iyon?" Inginuso niya sa dilim ang alam niyang kinaroroonan ng nakataob na speed boat.
"Ano ka ba, imbestigador!" he snapped. Hindi nito gustong makipag-usap habang nag-iisip. He was starting to worry, gabi na at nasa laot pa rin sila.
"Gumagawa ako ng mapag-uusapan para huwag tayong mainip," kalmanteng wika ni Lora.
"Tingnan mo ikaw, kanina ka pa nakasimangot. Palakad-lakad ka riyan na tila nag-aabang ng asawang manganganak. Lalo lang magiging kainip-inip ang oras sa ginagawa mo. Ako itong babae, at dapat na higit akong mag-alala kaysa sa iyo dahil narito ako sa laot kasama ang isang estranghero..."
"Why, your calm really surprised me," he said drily. He didn't want to admit that he admired her calm.
Kung si Krista ang kasama nito at naroon sila sa laot at na-stranded, nag-hysteria na ang socialite niyang girlfriend—o ex-girlfriend na nga ba? He wasn't sure. Ang natitiyak nito'y wala itong balak na suyuin si Krista. Nagsisimula na itong ma-suffocate sa relasyon nila.
"At normal lamang na mag-alala ka dahil 'sabi mo nga'y estranghero ako..." dugtong nito.
"Well..." Sandali niyang sinipat ang lalaki. She wrinkled her nose. "Hindi ka naman mukhang manyakis..." Hinaplos niya ang ulo ni Rufus na nakahiga sa tabi niya na para bang ipinararating sa lalaki na hindi siya pababayaan ni Rufus kung sakaling nagbabalak ito ng masama.
Gustong matawa ni Karl sa ginawa ni Lora. Nahuhulaan ang nasa isip niya. "Looks can be very deceiving..." wika nito.
He didn't want to frighten her pero hindi nito maintindihan kung bakit pinayagan ng mga magulang ang batang ito—well, in a way, she just looked like a kid out of school—na maglayag mag-isa. Paano kung ibang tao ang naroroong kasama niya?
BINABASA MO ANG
Kristine Series 18, One Wish (UNEDITED) (COMPLETED)
Romance"There's a falling star!" bulalas ni Mirabelle, saka mabilis na tumayo at mula sa likuran ni Karl ay isinuksok ang dalawang kamay sa bulsa ng shorts nito. "Ano'ng ginagawa mo?" Karl was stunned. "Making a wish," she answered softly, her cheeks again...