Nakauwi na lang ako sa bahay ay hindi pa rin maalis-alis sa isipan ko ang dalawang sementadong hagdanan. Parang meron kakaiba sa lugar na 'yon na nakuha ang aking atensyon.
Masyadong okupado ng hagdanang iyon ang utak ko na hindi ko na namalayang nasa harapan ko na pala ang aking butihing tiyahin, medyo nagulat pa ako ng biglang siyang magsalita.
"Aba, naman Grasya, bakit ngayon ka lang?" Nakapameywang na bungad sa akin ni Tiya Annabelle, nakatayo ito sa gilid ng hagdanan. Napatingin agad ako sa oras. Alas otso pa lang naman ng gabi pero para sa tiyahin ko ay bawal pa rin akong matagalan ng uwi.
"May overtime po," nakayukong sagot ko at sabay inabot ang kamay niya upang magmano.
"Panay overtime ka, eh hindi naman kataasan magpasahod 'yang kompanya ninyo! Ay naku, Grasya, hindi tayo aasenso sa kakarampot na sahod mo d'yan!" Walang pigil pa rin ang bunganga nito sa kakatalak kahit nakaakyat na ako sa aking silid.
Mapaaga man o matagalan ako ng uwi, walang pinagkaiba. Sobrang immune na rin ako sa ganoong estilo ni Tiya tuwing umuuwi ako, iiyak ata ang araw kapag hindi siya nagtatalak sa'kin.
Eksaktong kakatapos ko lang magbihis ng may kumatok sa pintuan ng silid ko. Bumungad sa akin pagbukas ko ng pinto ang nakangiting pinsan kong si Alaine.
"Ako na ang humihingi ng pasensya sa inasal ni mama, Ate." Nakikisampatiyang tingin niya sa akin.
"Sanay na ako kaya ayos lang, " tipid na ngiti ko kay Alaine.
"Kumain ka na ba? Kung hindi pa, sabay na tayo." Alok niya sa akin na pinaunlakan ko agad. Masamang tanggihan ang grasya.
Pagkababa namin sa hagdanan ay naroon pa rin sa sala ang aking butihing tiyahin. Nagpapaypay sa sarili kahit nakabukas naman ang electricfan habang nanonood ng palabas sa Tv. Katabi naman nito na nakaupo sa sahig ang nakababatang kapatid ni Alaine na si Darlene, busy ito sa project sa school. Graduating na rin kasi ito.
Ang sala ng bahay ni Tiya Annabelle at ang kusina ay magkadugtong lang. Tanging cabinet lamang ang ginawang pangharang nito na kinabitan ng isang bulaklaking kurtina. Simple lang ang concrete na bahay ni Tiya. Sakto lang sa aming apat. Sila na ang kinalakihan kung pamilya kasi maaga akong naulila. Kapatid ni Tiya Annabelle ang yumao kung Tatay Guillermo at bestfriend din ito ng yumaong asawa ni tiya na si Tiyo Ariston, kaya sa kanila ako nakatira ngayon. Kahit na may pagka-mahadera si Tiya Annabelle ay may ginintuang puso pa rin naman ito. Malaki ang utang na loob ko sa kanya.
"Grasya, malapit na ang bayaran ng tuition ni Darlene, baka naman pupwedeng ikaw naman ang magbayad. " Biglang nagsalita si Tiya Annabelle na ikinatigil ng pagsubo ko ng ulam.
"Si mama talaga kung makapagsalita, akala mo ay siya ang nagbabayad ng tuition fee ni Darlene," angal ni Alaine sa aking harapan.
"Manahimik ka nga d'yan. Hindi ikaw ang kinakausap ko, sabat ka ng sabat!" Singhal nito kay Alaine.
"Sige po, " matipid na sagot ko at sumubo ulit ng pagkain.
"Si Grasya nga walang reklamo, tapos ikaw panay reklamo ka, eh ano na ba ang maipagmamayabang mo, ha? " Akala ko titigil na siya sa kakatalak, mas lumalala pa kaya mas binilisan ko nalang ang pagkain para makaakyat na agad sa taas. Nakakarindi na kasi ang kaingayan ni Tiya, idagdag pa ang pang-aasar ni Alaine sa nanay niya. Hinabol pa nga ito ng amba ni Tiya ng paakyat na kami na ikinaripas ng takbo ng pinsan ko habang tawa ng tawa.
Nagkanya-kanya na kaming pasok sa mga silid namin. Pagkapasok ko ay napasandal agad ako sa headboard ng kama. Iniisip ang nalalapit na exam ni Alaine at ang bayaran ng tuition ni Darlene. Napabuga ako ng hangin habang iniisip ko 'yon. Hindi ko rin naman magawang magreklamo dahil malaki ang utang na loob ko kay Tiya Annabelle.
Naputol ako sa pag-iisip ng marinig ko ang malakas na sigaw ni Tiya Annabelle habang tinatawag kaming dalawa ni Alaine. Medyo kinakabahan pa ako at nagmamadaling bumangon. Pagkabukas ko ng pintuan ay nakita kung nakatayo lamang si Alaine sa labas ng kanyang silid, nakapikit pa ito.
"Alaine! Grasya!" Sigaw ulit ni Tiya Annabelle. Kaya nauna na akong bumaba sa kanya.
"Ano ba naman kasi 'yan, nay!" Pagrereklamong sigaw ni Alaine habang nakasunod bumaba sa akin.
"Bumaba ka nalang! Panuorin mo 'yong balita ngayon sa Tv. Bilisan ninyo!" Pagmamadaling wika sa amin ni Tiya.
Medyo hinihingal pa ako ng sinalubong agad ako ni Darlene.
"Grabe ate oh, may natagpuang patay na naman sa Baranggay Paliparan. " Hila ni Darlene sa akin.
"Ang brutal naman ng may gawa niyan, " nakatutok na ang atensyon ni Alaine sa Tv.
"Akala ko ba nahuli na ang may sala niyan, bakit meron na namang ganyang pangyayari ngayon?" Napailing na lang ako sa sinapit ng bagong biktima.
"Anong petsa at buwan ba ngayon?" Hindi mapakaling tanong ni Tiya sa amin ni Alaine.
" May 17 po, " nagtatakang sagot ko kay Tiya.
"Tama! Isang taon na pala ang nakalipas bago ulit nangyari ang brutal na patayan sa Baranggay Placer, May 17 rin 'yon nagsimula at nagtatapos ng September 17. " Natandaan ko last year nagkagulo kami sa Brave Mind dahil sa case na katulad nito. Bakit ngayon ko lang naalala iyon.
"Anong konek nay?" Singit ni Alaine na hindi pa rin naiintindihan ang ibig iparating ni Tiya sa amin.
" At nangyari rin ba iyon dati? Saang baranggay pa po? Ilang taon na rin bang may patayang nangyayari dito?" Sunod-sunod na tanong ko kay Tiya na tahimik na nag-iisip at ina-a-lala ang nakaraan.
"Labing-isang taon na ang nakalipas simula ng lumipat kami ni Ariston rito. September 17 rin iyon ng matagpuang patay ang ama mong si Guillermo kaya napasugod kami rito kahit labag sa kalooban ko dahil sa bayang ito nagsimula ang brutal na pagpatay, " nagsisimula na itong magkwento tungkol sa nakaraan. Mahahalata sa boses ni Tiya ang sakit. Pero ni hindi ko man lang matandaan ang nangyari noon. Hindi ko alam na sa parehong paraan pala namatay ang aking yumaong ama.
"Sa baranggay Punta Engaño pa tayo nakatira dati. Dahil ako nalang ang natitirang kamag-anak ni Kuya Guiller kaya tinanggap ko ang huling habilin niya na kupkupin ka, kapalit ng paninirahan namin sa bahay niya. Nagkataon kasi na deni-molish ang dating tinitirhan namin. At labis ang pagsisisi ko na ito ang bayan na nilipatan namin. Dahil magdadalawang taon pa lang kami rito ay namatay naman si Ariston, August 17 siya namatay. Bisperas ng fiesta dito iyon nang matagpuan siya palutang-lutang sa ilog ng Pansol. Limang magkasunod na buwan, tuwing sumapit ang petsa 17 ay may pinapatay dito at hanggang ngayon hindi pa rin nalulutas ang karumal-dumal na patayan dito. "
Oo, natatandaan ko noon. Nakabalot ng puting kumot si Tiyo Ariston ng hinatid sa bahay namin dati. Akala ko inatake lang siya sa puso. Ngayon ko lang nalaman na parehas pala sila ng kinamatayan ni Papa Guiller.
"Noon, ay ayokong lumipat sa bayan ng Pueblo Verde, tatlong taon na kasi ang nakalipas simula ng pinatayo ang ospital ng bayang ito ay sunod-sunod na ang brutal na patayan na nangyari. Taon-taon na lang, tuwing sasapit ang buwan ng Mayo at magtatapos ito sa buwan ng Setyembre, ay hindi pa rin nahuhuli ang salarin ng karumal-dumal na patayan. Kaya ayokong nagpapagabi kayo ng uwi, hindi ko na siguro pa kakayanin kung iisa pa sa inyo ang mapahamak sa daan. " Napahagulhol si Tiya Annabelle habang nagku-kwento. Hindi ito ang kauna-unahang beses na nakita ko siyang umiyak, pero ngayon ko lang mas naintindihan ang kirot at lamat ng nangyaring trahedya dati.
Naantig ako sa nakikita kong kahinaan ni Tiya Annabelle kaya wala sa sariling napayakap ako dito at gumanti rin ng yakap ito sa akin, na sinundan pa ng yakap ni Alaine at Darlene. Naging madrama ang tagpuan namin ngayong gabi. Hanggang sa nakaakyat na kami sa itaas ay walang kahit ni isa sa amin ang umimik.
Hindi ko lubos-maisip na ganoon na pala katindi ang pinagdadadaanan ni Tiya. Kahit na sabihin mo siyang matalak at mukhang pera ay hindi ko nalang iniinda iyon dahil mas may dahilan siya kung bakit ganoon ang pag-uugali niya. Malalim ang pinag-ugatan ng hinanakit niya kaya mas dapat na intindihin ko na muna siya. Kami nalang nila Alaine ang makakapitan niya, kaya hindi ko hahayaang masisira pa ito.
BINABASA MO ANG
20 Days In De Villa Asylum (Author Series # 5)
Gizem / GerilimSi Gracela Cielo ay isang kinikilalang magaling na journalist sa kanilang kompanya. Madali lang ang trabaho sa kaniya. Ngunit ng mabago ang kanilang head ay nagsimulang magbago ang lahat. Palagi na siya nitong pinag-iinitan. Ang dahilan? Hindi niya...