KUNG MAYROON MANG HIHILINGIN si Luna bago mawala sa mundo, iyon ay huwag naman sana siyang mamatay mula sa kamay ng isang nakakatakot na nilalang-isang maitim, at may abot taingang ngiti na nilalang.
Ngunit isang suntok-iyon lamang ang tanging kailangan upang mawasak ang mukha ng nilalang na balot-balot ang mahahabang daliri sa kaniyang leeg. Isang suntok na habi sa kamao ng isang lalaki, na hindi alam ni Luna kung paanong sumulpot at tumulong sa kalunos-lunos niyang kalagayan. Bagamat hirap sa paghinga-sapagkat hawak ng halimaw ang kaniyang leeg-hindi maiwasan ni Luna na mamangha mula sa nasaksihan. Kakaibang lakas ng pagsuntok ang tumama sa mukha ng halimaw. Nang makawala siya sa pagkakasakal, saksi ang takot niyang mukha sa nangyayaring pagbabago rito. Mula sa pagkakalapat sa sahig, ang ga-higanteng nilalang, maitim, at may malaking . . . ari, ay sumabog bilang kumpol ng halos nagliliyab na mga abo, tila nasusunog, at tinatangay ng mainit na hangin-hanggang sa tuluyan itong maglaho.
Bagamat inda ang masakit na kamay, mabilis na sinipat ng binata si Luna na halos putla ang mukha nang dahil sa nakita. Kapansin-pansin ang maganda niyang hitsura, bagamat tuog ang katawan, at tila kwago na nanlalaki ang mata. Gulat, takot, at kaba ang paulit-ulit na umikot sa kaniyang dibdib.
"Diwata Haliya, maayos lang ba ang iyong karamdaman?" tanong ng binata. Kung ang kamay niyang sumuntok sa halimaw ay halos manginit dahil sa lakas, kataka-takang kalmado ang mata nito-tila isang yelo na kailanma'y walang balak magpatinag sa kahit anong uri ng init.
"H-Ha? Diwata Haliya?" nagtatakang tanong ni Luna.
Sandaling natigil ang binata. Nang maalala niya na hindi alam ng babae ang tunay niyang katauhan, paulit-ulit niyang sinapo ang kaniyang noo. Nakalimutan ni Handiong na ang tanging alam ni Luna ay iyong pang-kasalukuyan lamang niyang katauhan-isang ordinaryong Luna. Ngunit sampung siglo pabalik mula sa kasalukuyan, siya ay tanyag sa pangalang kinahuhumalingan ng lahat nang dahil sa taglay niyang liwanag-si Haliya, ang ika-pitong diwata ng buwan.
"Ang ibig kong sabihin, ayos ka lang ba, Luna?" paglilinaw ng binata.
Tumango si Luna sa tanong ng binata. "Ayos lang ako. Pero nakakatakot pa rin iyong oras na halos masakal na ako ng bayag-bayagang halimaw."
"Mabuti kung ganoon. Salamat at ikaw ay ligtas. Subalit hindi dahil malaki ang bayag ng halimaw na iyon ay nagngangalan na iyong bayag-bayagan. Isa iyong tambaluslos."
"Tamba-what?" Umukit sa mukha ni Luna ang pagtatanong.
"Tambaluslos," muling sagot ng binata. "Kung maaari sana, maglagi ka lang sa isang tabi, dahil nais kitang protektahan."
Hindi na hinintay ng binata na magsalita pang muli si Luna. Bagkos, marahas niyang hinawi ito, dahil sa isang itim at malaking kamay na muntik nang sumakmal sa kaniya. Imbis na si Luna ang makuha ng tambaluslos, ang katawan ng binata ang nasakmal nito. Bagamat tila papel sa malakas na hangin ang braso ng halimaw, nagawa pa rin nitong i-angat ang binata.
Kahindik-hindik ang hitsura ng tambaluslos-iyong dalawang butas sa baba ng kaniyang mata ay nagsisilbing ilong, may isang mahabang dila, at mga ngiti na maaaring magbibigay ng pang-habang buhay na bangungot- sapagkat halos masakop na nito ang kabuuhang mukha: mula kaliwang tainga, papuntang kabila, kurba ang ngiti, may mabahong hininga, at maiitim na ngipin.
"Kuya!" bulalas ni Luna. Marahas niyang naitakip ang kamay sa kaniyang bibig.
Bahagyang gumalaw ang binata. Bagamat hirap, sapagkat nasa loob siya ng nakakuyom na kamao, ipinihit niya ang kaniyang kanang kamay papunta sa kaliwang baywang.
Umakto itong may nais kuhanin, umaktong may nais bunutin.
Hindi nagtagal, pumutok ang isang nakakasilaw na liwanag-kasing liwanag ng buwan-mula sa katawan ng binata. Binalot nito ang kabuuhang likod-bakuran ng paaralan kung saan sila naroroon. Tila papel na pinunit ang nangyari sa kamay ng tambuluslos na humahawak sa kaniya. Pagkatapos, mapayapa siyang lumapag sa lupa. Sa kanang kamay, hawak nito ang isang makinang na bagay. Isang kulay pilak na patalim, may liwanag na mula sa buwan, at dinesenyuhan ng sinaunang mga simbolo sa magkabilaang pisngi. Isang Kampilan.
BINABASA MO ANG
Diwata (Completed)
FantasyHindi alam ni Luna Alcantara kung paano nagkaroon ng isang nilalang--maitim, may mahahabang kamay, at may kahindik-hindik na hitsura ng pagngiti--ang nagtatangkang tumapos sa kaniyang buhay habang siya ay sinasakal. Simpleng tao lamang siya--ulila a...