SA TATLONG ARAW NA PAMAMALAGI nina Haliya at Handiong sa kalugaran ni Gugurang; ang Bulkang Mayon, kakaibang pagbabago ang sinapit ni Haliya. Sa loob ng tatlong araw, nagawang makontrol ni Haliya ang kaniyang kapangyarihan. Salamat sa diyos na tumutulong sa kaniya, nailigtas siya mula sa posibilidad na maglaho nang tuluyan ang kaniyang lakas. Sa loob ng tatlong araw, sinubukan niyang maging pamilyar sa kakaibang kapangyarihan na nasa kaniya. Ngunit, sa kasamaang palad, hindi niya magawang palabasin ang tunay niyang lakas. Sangkapat lamang ang maaari niyang gamitin, at sugal na nito ang madaling pagkapagod ng kaniyang katawan. Sapagkat siya ay parte lamang.
Tunay nga at siya ang diwata ng ika-pitong buwan. Siya mismo ang buwan na nagliliwanag sa kalangitan. Ngunit nagmula na rin sa diyos na naninirahan sa Bulkang Mayon ang isang katotohanan; “hindi ka buo, Haliya. Parte ka lamang ng pagkatao ng ika-pitong buwan. Ikaw ay espiritu ni Haliya na nabuhay sa anyong tao. Alam ko iyon, sapagkat ako ang dahilan ng lahat ng iyon,” sambit ni diyos Gugurang. May lungkot sa kaniyang mata habang inaalala ang nakaraang nangyari. Sinubukang tanungin ni Haliya ang tungkol doon, ngunit tigom-bibig lamang ito na nag-salungat.
"Diwata Haliya, kailangan na nating maghanda," banggit ni Handiong.
"Teka lang, eto na." Tumayo siya mula sa panonood sa pagdaloy ng nagbabagang pader. Ginamit niya ang nagkalat na higanteng speaker bilang suporta sa pagtayo. Hanggang ngayon, hindi pa rin siya makapaniwala na naroon siya sa loob ng bunganga ng Bulkang Mayon. Paminsan-minsan nga at naririnig niya pa ang pagdagundong ng lupa, dahil sa kasalukuyang aktibidad ng bulkan.
Tinanong niya noon si Gugurang kung paano niya nagagawang manatili sa loob ng bulkan, at kung paano siya makakaligtas mula sa baka sakaling pagputok niyon. Ang tanging sagot niya ay, "ako ay diyos na simbolo ng nangangalit na apoy. Ang aking lakas ang nagbibigay buhay sa mga espiritu ng init. Isa pa, ginagalang ako ng kahit na sino. Kahit ang espiritu nina Magayon at Ulap, maging si Pagtuga, ay ginagalang ang pagnanais kong tumira sa loob ng bulkan. Kaya kahit anong away ang gawin nila sa isa't isa, ang pagsira sa tirahan ko ang pinaka-huling bagay na maaari nilang gawin."
Naalala ni Haliya ang tungkol sa malungkot na kuwento ni Magayon, at kung paano nabuo ang isa sa pinaka-magandang bulkan sa mundo. Kinonsidera niya ang paliwanag ng diyos, kung kaya't kampante siyang ligtas mula sa anomang uri ng pag-aalburoto ng bulkan.
Ngayong araw ang nakatakda nilang pag-alis mula sa loob ng bulkan. Nasanay na si Haliya sa mainit na atmospera ng lugar, ngunit kinakailangan na nilang umalis, sapagkat alam nilang hindi pang-habang buhay ang pagtakas sa mga halimaw, at sa Bakunawa na sinasambit ni Handiong.
Inihanda niya ang kaniyang puting saplot. Ibinugkos niya ang puting tela sa kaniyang baywang upang gawing sinturon. Ini-ayos niya ang mahabang manggas ng kaniyang damit na umaabot hanggang pala-pulsuhan. Itinali niya ang kaniyang buhok, dahilan para mas lalo pang lumitaw ang kakaibang simbolo na umuukit sa kaniyang noo. Ang tanging itim sa kaniyang saplot ay iyong mahabang niyang bota, na ayon kay Gugurang, ay gawa sa maiitim na balahibo ng Duruanak, isang halimaw na pagong na naninirahan sa kaimbuturan ng dagat. Ganoon rin ang hitsura ni Handiong—purong puti na halos ka-terno ng suot ni Haliya.
"Nawa'y handa na kayo para sa inyong mahabang paglalakbay," banggit ni Gugurang sa kanilang dalawa, nang matapos sila sa kanilang pag-aayos. "Binabasbasan ko kayo ng aking kapangyarihan bilang proteksiyon. Asahan niyong hangad ko ang inyong tagumpay."
"Maraming salamat, diyos Gugurang. Malaking tulong na ang iyong basbas para magpatuloy."
Napangiti si Gugurang. "Tunog na ng isang diwata ang iyong boses, Diwata Haliya. Kinagagalak ko ito."
Bahagyang namula ang mukha ni Haliya, sapagkat ang purihin ng isang diyos ay bibihirang pagkakataon. Sa loob ng tatlong araw, nakilala niya ang isang malakas at matalinong diyos— kinahahangaan niya ito.
BINABASA MO ANG
Diwata (Completed)
FantasyHindi alam ni Luna Alcantara kung paano nagkaroon ng isang nilalang--maitim, may mahahabang kamay, at may kahindik-hindik na hitsura ng pagngiti--ang nagtatangkang tumapos sa kaniyang buhay habang siya ay sinasakal. Simpleng tao lamang siya--ulila a...