Ikalimang Kabanata: Isang Halik

54 10 0
                                    

RAMDAM NI HALIYA ANG KABA na dinadala sa dibdib ng mga sirena, at maging ni Magindara. Kung may ikapuputla pa ang kanilang mga labi, buhat ng matagal na pagkababad sa tubig, iyon ay nang malaman nilang ang Ibingan ay nagbabadyang sumalakay sa kanilang tirahan.

"Ano ba ang isang Ibingan?" tanong ni Haliya.

Kagat-kagat ang labi, sinagot ni Magindara ang kaniyang tanong.

"Ang Ibingan ay nilalang mula sa kapangyarihan ng aking ama. Narito siya upang tugisin ako't dakipin. Dahil utos sa kaniyang ibalik ako sa bundok ng Malinao.”

"Ngunit sino ang iyong ama?" habang naglalakad papuntang bukana ng kuweba, patuloy sa pagtanong si Haliya.

Humarap sa kaniya si Magindara. Patuloy siya sa pagkagat ng mapula niyang labi.

 "Hindi ako tatawaging Asuang ng Dagat nang walang dahilan."

Hindi niya agad naintindihan kung anong ibig sabihin ni Magindara. Ngunit nang umulit sa isip niya ang salitang Asuang, saka niya nasagot ang tanong tungkol sa kung sino ang kaniyang ama—isa sa tatlong magkakapatid na diyos; si Kagurangan, Gugurang, at Asuang.

"Diwata Haliya, ang ama ko ay si Asuang. Ang kapatid, ngunit mortal na kaaway ni Gugurang."

Napasinghap si Haliya. "Ibig sabihin, tumakas ka sa iyong masamang ama?"

"Hindi masama ang aking ama, Diwata. Nabalutan lamang siya ng poot at pagka-inggit kay Gugurang,"  pagtatanggol ni Magindara.

"Ngunit bakit ka niya tinutugis?"

"Dahil tumakas ako sa kaniyang puder. Humingi ako ng tulong kay Diyos Gugurang upang magkaroon ako ng matitirhan. Ibinigay niya sa akin ang karagatan, dahil alam niyang kailanman ay hindi sumuong sa dagat ang aking ama. Ngunit isa siyang tuso. Lumikha siya ng nilalang na magagawang lumangoy sa dagat, upang kuhanin ako pabalik. Iyon ang Ibingan."

Ilang saglit ang lumipas, pagkatapos na banggitin ni Magindara ang patungkol sa Ibingan, isang masakit sa taingang ungol ang kanilang narinig. Sa lakas niyon, maging ang kuweba ay nayanig. Ang ilan sa mga patulis na bato, mula sa itaas ng kuweba, ay mabilis na nagsihulugan paibaba.

“Mag-ingat ka, diwata,” paalala ni Magindara habang iniiwasan ang ilang mga nagsihulugan.

"Bakit hindi natin labanan ang Ibingan?" muling tanong ng Diwata.

"Hindi ko iyon magagawa, Haliya. Isa akong diyos, ngunit wala akong taglay na makapaminsalang kapangyarihan. Ang pagtingin sa tadhana ng buhay ang tanging bagay na kaya kong gawin."

Muling umalingawngaw sa kaimbuturan ng dagat ang magaspang na sigaw ng Ibingan. Nagmadaling sumuksok ang mga sirena sa isang tagong lugar, habang si Magindara naman ay nakatayong tuog, at wala sa sariling kagat-kagat ang labi.

"Diyos Gugurang, hinihingi ko ang iyong tulong. Nawa'y huwag magtagumpay ang aking ama sa kaniyang pinaplano."

Mula sa pinaka-sulok ng bukana ng kuweba, dahan-dahang sumilip si Haliya. Ngunit bigo siyang makita ang nilalang na binabanggit ni Magindara.

"Bakit ka naman kinukuha ng iyong ama? Hindi ba niya alam na kapag matanda na ang anak ng isang magulang, may kalayaan na ito para gawin ang mga bagay na nais nilang gawin?"

"Nais niyang gamitin ang aking kaliskis upang maging kagamitan sa pinaplano niyang muling pagnakaw ng kapangyarihan ni Gugurang."

“Kaliskis? Paanong nadamay ang iyong kaliskis, diyosa?” tanong ni Haliya, habang patuloy niyang pinagmamasdan ang kulay itim na kailaliman ng dagat. “Hindi ko pa nakikita ang iyong kaliskis, dahil nasa anyong tao ang iyong paa. Ngunit paano naman niya iyon gagamitin?”

Diwata (Completed)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon