Ikawalong Kabanata: Hinalikan ni Haliya si Luna

55 8 0
                                    

MAGGAGABI NA NANG magsimula muling maglakbay sina Haliya. Habang pasan sa likod ni Handiong ang diwata, hindi nila maiwasang magkaroon ng maliliit na bangayan.

“Handiong, Batid mo namang nasa kalagitnaan tayo ng gubat. At maggagabi na. Paniguradong maraming mga halimaw na ang makakasalubong natin sa daan.”

“Ngunit Haliya,” pagrereklamo ni Handiong. “Hindi tayo marapat na magpahinga nang matagal. Ang Bakunawa ay patuloy pa rin tayong hinahabol.”

“Pero natatakot ako, Handiong. Natatakot ako sa madilim na gabi, lalo pa't papunta tayo sa pinaka-puso ng kagubatan.”

“Kung iyong nanaisin, Haliya, upang mawala ang iyong takot, paulit-ulit kitang kakantahan. Kung iyo lang na nais,” nahihiyang pag-alok ni Handiong. Kung hindi dahil sa tama ng maliwanag na buwan sa kaniyang mukha, hindi makikita ni Haliya ang pamumula nito.

Pagkatapos, hinampas niya si Handiong. “At ano naman ang iyong kakantahin? Iyong ‘Diwata' ni Abra? Hindi ko alam na tagasunod ka rin pala ni diyos Gugurang pagdating sa musika. Mga jejemon,” naasar niyang tugon.

“Diwata, hindi marapat na insultuhin iyong musika. Hindi iyon jejemon. Isa iyong sining, dahil ang bawat liriko nito'y tumutugma sa’yo at sa kung ano ang nararamdaman ko.”

Nanginit ang pisngi ni Haliya. “H-Hindi naman ako nagagandahan sa kantang iyon,” pagtatapat niya.

“Ngunit para sa akin, ikaw ang pinakamaganda, pagkat ikaw lang ang—” Hindi na pinatapos pa ni Haliya ang sinasambit ni Handiong. Ipinantapal niya ang kaniyang kamay sa bibig nito, dahilan para kahit papano'y maramdaman niya ang malambot na labi ng mandirigma, na lumalapat sa kaniyang palad.

“Wag mo na lang itutuloy, kung nakuha mo lang naman iyong korni na banat mo mula sa kanta.”

Ngunit ano ang kantang hindi niya nais marinig, kung iyon ang kinakanta ng taong higit niyang pinahahalagahan?

Kung may mas mainit pa sa bagong tunaw na katawan ng kandila, iyon na ang mukha ni Haliya, na halos malusaw na rin sa pagka-pula.

“Tama na ang pakikipag-asaran. Kailangan na nating ayusin ang ating mga sarili. Papasukin natin ang pusod ng gubat.”

“Ngunit madilim,” muling reklamo ni Haliya.

Ini-ayos ni Handiong ang pagkakabaktot sa kaniya.

“Haliya, batid mo kung ga’no ka-delikado ang iyong buhay, ngayong ilang distansiya lamang sa atin si Bakunawa. Hindi natin alam kung ano pa ang kaya niyang magawa, kung kaya’t ang pinaka-dapat nating gawin ay ang puntahan ang iyong puso—kung anuman iyon, at manalig na sapat na ito upang matapatan ang dilim ng diyos na ating kalaban.”

Ikinuyom ni Haliya ang kaniyang kamay. Ipinasak niya ang mukha niya sa likuran ng mandirigmang pumapasan sa kaniya. Marahan siyang tumango, bilang sagot kay Handiong. Dahil may katuturan ang kaniyang sinasabi. Na kahit gaano pa ang takot na nararamdaman niya, ang tanging bagay na dapat niyang gawin ay magpatuloy.

 Nang maramdaman ni Handiong ang pagtango ni Haliya, nagsimula na ulit siyang maglakad.

“Handiong,” tawag ni Haliya, habang silang dalawa ay naglalakad.

“Bakit, Haliya?”

Sa mga nagdaang ilang segundo, hindi nagsalita si Haliya. Hanap niya ang tamang salita upang mabanggit ang pag-aalinlangan na nasa kaniyang isipan. Noon niya pa ito napagtanto, nang makita niya ang pagkamatay ng unang Haliya, ngunit wala siyang nais na pagsabihan, maliban kay Handiong. At ito ang tamang oras.

“Mawawala ako, bilang si Luna, sa oras na matagpuan natin ang sinasabi nilang puso.

Mabilis na napatigil si Handiong sa paglalakad. Tila may bombang sumabog sa loob ng kaniyang dibdib, nang marinig niya ang bagay na iyon.

Diwata (Completed)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon