KUNG HINDI LANG SANA takot si Luna sa naririnig na pag-alingawngaw ng nakakatakot na bungisngis, hindi niya hahayaang hawakan ni Handiong ang kaniyang baywang. Subalit dahil ginagabayan siya ni Handiong upang makaalis sa kanilang eskwelahan, hindi niya na lamang iyon pinansin.
"Dalian mo, Diwata Haliya!" malakas na sigaw ni Handiong. Marahan niyang ginagabayan ang dalaga, sapagkat ang mga kamay nito ay nakatakip sa kaniyang mga tainga.
"Nathan- eerr . . . Handiong! Dumudugo ang tainga mo!" sigaw ni Luna. Bakas sa kaniyang mga mata ang takot. Noong una niyang marinig ang malakas na bungisngis ng tambaluslos, mapang-aping tila tumusok ang karayom na tinig sa kaniyang tainga. Napakasakit ng himig—kung marapat ngang himig ang itawag doon—na pumapasok sa kaniyang tainga. Kung kaya't magkahalong mangha at takot ang nararamdaman niya, nang makitang hindi tinatakpan ni Handiong ang kaniyang tainga.
"Ayos lang ako!" sigaw ni Handiong.
Mabilis silang tumakbo sa pasilyo ng paaralan. Mula sa kaliwang likuan, papunta sa kanan, iikot, ngunit babalik din sa kanina nilang pinanggalingan.
"Anong nangyayari Natha-Handiong? Kanina pa tayo paikot-ikot dito, ah?"
"Masama ito," bulong ni Handiong. Mas lumala pa ang pagdugo ng kaniyang tainga. Patuloy pa rin ang pagbungisngis ng Tambaluslos. Sa bawat sulok, sumusuot ang halakhak nito, na kahit sa ilalim ng tubig, ang nakakarindi nitong boses ay maririnig pa rin. Ngunit kahit anong gawing pagmasid ni Handiong, hindi niya makita ang Tambaluslos na humahamon sa kanila.
"Handiong, naliligaw ba tayo? Pero, sa sarili nating school, naliligaw tayo?"
Mabilis na humarap si Handiong sa kaniya. "Diwata," bulong-hangin niyang sambit.
"Ha? Pakilakasan! Wala akong marinig!" sambit ni Luna. Hindi pa rin niya nagagawang tanggalin ang pagkakatakip sa kaniyang tainga, sapagkat natatakot siyang muling maramdaman ang sakit ng mga bungisngis na iyon.
"Kailangan mong sundin ang gagawin ko!" Taas-baga na sambit ni Handiong.
"Ha?" muling tanong ni Luna, sapagkat isang maingay na ugong ang tangi niyang naririnig, habang nakatakip ang mga tainga.
“Kailangan mong baliktarin ang iyong damit!”
“Hindi ko talaga marinig!” naiinis na sigaw ni Luna.
Napabuntong hininga si Handiong. Lumapit siya kay Haliya, at bahagya niyang binuksan ang tainga nito. "gayahin mo ang gagawin ko!" Pagkatapos, ibinalik niyang muli ang pagkakatakip sa tainga nito.
Tumango si Luna. kahit na iniinda ang kakarampot na ingay na pumasok sa kaniyang tainga, positibo siyang gawin ang paki-usap ng binata. Kailangan niyang gayahin si Handiong. Kung anoman ang gagawin niya, paniguradong para iyon sa kanilang ikabubuti. Ngunit nang isa-isang tinanggal ni Handiong ang butones ng kaniyang uniporme, nagkaroon siya ng hindi magandang kutob. Dumoble ang kaba na pumintig sa kaniyang dibdib.
"H-Handiong! Bakit ka naghuhubad?" natataranta niyang sigaw. Plano niyang isara ang kaniyang mata, nang hinila na ni Handiong ang kaniyang pang-ilalim na suot upang hubarin. Ngunit hindi niya nagawa. Sapagkat nanlalaki niyang pinaka-titigan ang walong umbok ng laman sa tiyanan nito. Iyong matambok na dibdib, mga may hulmang braso, at makinis na balat.
Pakiramdam niya'y tinatawanan siya ng isang demonyo sa likuran, dahil nagkakasala ang kaniyang isipan. Natigil lamang ang pagpasok ng kakaiba niyang pantasya, nang isuot nang muli ni Handiong ang kaniyang damit. Ngunit, hindi katulad ng dati, baliktad na ang pagkakasuot nito.
Doon napagtanto ni Luna na kailangan niya rin iyong gawin. Kailangan niyang baliktarin ang suot niyang damit, upang mawala ang bungisngis ng Tambaluslos, at hindi na magpaikot-ikot sa loob ng maliit nilang eskwelahan.
BINABASA MO ANG
Diwata (Completed)
FantasyHindi alam ni Luna Alcantara kung paano nagkaroon ng isang nilalang--maitim, may mahahabang kamay, at may kahindik-hindik na hitsura ng pagngiti--ang nagtatangkang tumapos sa kaniyang buhay habang siya ay sinasakal. Simpleng tao lamang siya--ulila a...