Ika-anim na Kabanata: Ang simula ng lahat

58 10 0
                                    

Mula sa mga labi ng mga sirena, mahahalata ang iisang hitsura na kanina pa nilang pinagsasaluhan—pagbubunyi. Totoo ngang nagpupunyagi sila mula sa tagumpay na pagtataboy sa halimaw na Ibingan, ngunit bukod sa bagay na iyon, ikinasaya nila ang mala-romantikong palabas na ngayon ay parte na kasaysayan ng dagat pasipiko.

Hindi mapakali sa kinauupuan si Haliya. Ramdam niya ang malalagkit na tingin ng mga sirena, habang pigil silang ngumingiti, sapagkat katabi niya ang mandirigmang kaniyang iniligtas—o hinalikan. Kusang umulit sa isipan niya ang kaninang pangyayari. Iyong guwapo na mukha ni Handiong habang malapitan, iyong kanilang katawan na nagdidikitan, iyong mapula niyang labi, at higit sa lahat, ang mainit sa sensasyong dumaloy sa kaniyang katawan, habang kusang gumaganti sa paggalaw ng labi ni Handiong. Napukpok niya ang sarili nang dahil doon. Paulit-ulit niyang sinambit sa isip kung gaano siya katanga upang gantihan ang mapupusok na halik ng isang lalaki. Bagamat guwapo at makisig, hindi nararapat na siya'y magpatianod sa bugso ng kaniyang damdamin.

“Anupa't hindi kayo nag-uusap na dalawa?” mula sa malalim na pag-iisip, napaigtad si Haliya sa boses ni Magindara. Maging si Handiong, ganoon rin ang naging reaksiyon.

Pigil na ngiti ang muling ipinukol ni Magindara sa kanila. “Huwag niyong sasabihin sa akin na nagkakahiyaan kayong dalawa?” Maarte niyang ipinanghalukipkip ang mga brusko niyang braso.

Nagsitawanan ang mga sirena nang dahil doon. “Bakit kayo nagkakahiyaan, Diwata't mandirigma? Dahil ba sa mapusok na halik na pinagsaluhan ninyo?”

Pumusngak ang mga pinipigilan nilang hagalpak. Kaliwa't kanang tawa ang naririnig ni Haliya, habang siya, ay walang magawa, kundi ay ilihim ang pangangamatis ng kaniyang mukha. Lubhang mapula ang kaniyang pisngi, at ramdam na ramdam niya ang init, kahit na nasa ilalim sila ng karagatan.

“Ngayon pa ba kayo magkakahiyaan, gayong natikman niyo na ang isa't isa?” nakapamaywang na sambit ni Magindara. Dahil doon, muling humagalpak ng tawa ang mga sirena.

“Nagkakamali kayo! Hindi namin tinikman ang isa't isa! Pawang halik lamang ang aming ginawa!” tarantang depensa ni Haliya.

Kung nakikita niya lamang kung gaano na kapula ang mga mukha ni Handiong, mapagtatanto niyang kahiya-hiya ang paraan ng kaniyang pagde-depensa.

“Diwata Haliya, huwag na lamang natin patulan ang kanilang pang-aasar,” nahihiyang sambit ni Handiong.

Sa pagkakataong iyon, kasabay na sa grupo ng mga tawa ang boses ni Magindara. Hawak ang tiyan, at pigil sa pagtawa, sinambit niya na, “ngunit ang tikim na itinuturing ko ay iyong halik. Bukod doon, may nais ka pa bang gawing ibang uri ng tikim, sisteret?”

Mas lalong pumula ang mukha ni Haliya nang dahil doon. Nanlulumo siyang umupo pabalik sa tabi ni Handiong, habang paulit-ulit na lumalabas sa kaniyang isipan ang pangyayari. Sa katunayan, nagustuhan niya ang halik, ngunit lubhang nakakahiya ito para sa kaniya, dahil marami ang nakasaksi sa kanilang ginawa.

“Bakit ba halik ang iyong ginawa upang ibigay ang perlas ng hangin sa mandirigma?” tanong ni Marina, ang tanging sirena na tahimik, kumpara sa iba.

“Iyon ang pagpapasunod sa akin ni Magindara. Dapat kong idampi ang labi sa taong nais kong bigyan ng hangin. Sa pamamagitan niyon, lilipat sa kaniya ang isa sa hangin na nasa aking dibdib.”

Muling humagalpak ng tawa ang mga sirena.

“Bakit? Mayroon bang mali sa mga sinambit ko?” nag-aalalang tanong ni Haliya.

 “Diyosa Magindara, isa kang taksil,” sambit ni Marina, na siyang sumagot sa agam-agam ni Haliya.

Tumaas naman ang kanang kilay ni Magindara. Muli niyang ipinaghalukipkip ang kaniyang braso.

Diwata (Completed)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon