Ika-apat na kabanata: Ang Asuang ng Dagat ay Tagapagtaguyod ng Gorl Power

47 9 0
                                    

"SIGURADO KA BANG PAPASUKIN natin iyan, Handiong?"

Iyon ang nag-aalangang tanong ni Haliya habang patuloy na umiikot ang triburones sa ibabaw ng ipo-ipong dagat. Nagdadalawang isip siya kung nararapat bang sumunod mula sa nais ni Handiong. Ngunit alam niyang wala siyang pagpipilian. Kailangan niyang tumalon sa gitna ng wangis delikado na parte ng dagat, kung ayaw niyang mahabol muli ng mga triburones, o ng sinasabing si Bakunawa. Ang pagtalon sa ipo-ipo ng dagat ay maaaring delikado, ngunit mas mabuti na iyon, kumpara sa pakikipaglaban sa mga pating na may pakpak.

 "Kailangan natin, Diwata Haliya."

"Pero paano kung kitilin nito ang buhay natin, sa oras na tumalon tayo?" may pag-aalangan pa rin niyang tanong.

"Na maaaring mangyari."

Mapait na napatawa si Haliya mula roon. “Ibig sabihin, tatalon tayo sa dagat nang walang kasiguraduhan na maaari pa tayong mabuhay?”

Nagbuntong hininga si Handiong. Nakakapagod man para sa kaniya ang paliwanagan ang diwata, ngunit kinakailangan niyang maging mapag-pasensiya. "Dalawa ang maaaring mangyari sa’yo sa oras na tumalon ka, Diwata; ang mamatay, o kaya nama'y mahanap ang lugar ni Magindara. Sa oras naman na napag-desisyunan mong hindi ka tatalon, isa lang ang maaaring mangyari sa iyo; ang mabuhay ng ilan pang araw, ngunit mamamatay sa kamay ng Bakunawa. Ngayon, magalang kong hihintayin ang iyong kasagutan.”

Kagat-labing nagnilay-nilay si Haliya. Totoo ngang nagdadalawang isip siya sa pagtalon, sapagkat pinangungunahan siya ng takot. Ngunit nang makita niya ang nakalahad na kamay ng isang mandirigma, habang nasa mukha ang tapang at determinasyon, lakas-loob siyang pumayag mula sa nais nito.

"Sana'y hindi ako magsisi," sambit niya.

Mariing hinawakan ni Handiong ang kaniyang kamay, dahilan para maramdaman niya ang magaspang ngunit mainit nitong mga palad. Sa hindi maipalawanag na dahilan, pinantayan ng kaniyang pisngi ang init ng palad nito. Tumingin siya sa kabilang direksiyon upang itago ang pagkahiya.

"Tatalon tayo." Tumango si Haliya. Hinayaan niyang magbilang ang lalaking humahawak sa kaniyang kamay. Tahimik niyang sinasabayan iyon upang mapaghandaan rin ang pagbagsak. Ipinikit niya ang kaniyang mata dahil sa nakakatakot na ibabang tanawin. Sa dulo ng marahas na pag-ikot ng tubig, ay isang malalim at madilim na lugar, na walang nakakaalam kung saan paparo’n.

"Isa," bilang ni Handiong. Mas mariin pang ipinikit ni Haliya ang kaniyang mata.

"Dalawa!" Nagsimula na siyang mag-ipon ng hangin sa loob ng dibdib. At sa bilang ng, "tatlo!" ay hawak-kamay silang tumalon papunta sa gitna ng umiikot na tubig.

Papunta sa kaimbuturan ng dagat.

Nang angkinin ng dagat ang kanilang katawan, halos mawalan sila ng lakas habang tinatangay ng puwersa nito. Hawak-kamay lamang nilang hinayaan ang tubig na lamunin sila paibaba.

“Humawak ka ng mabuti sa kamay ko!” sigaw ni Handiong.

Sa kasamaang palad, dahil sa puwersa ng umaagos na tubig, hindi sinasadya ni Haliyang mapabitaw sa mandirigma. "Handiong!" iyong bulalas niya, habang pilit na inaabot ang kamay nito.

"Huwag kang mag-alala, hawak na kita!" sigaw rin ni Handiong. Ngunit batid nilang dalawa na anumang oras ay maaaring maghiwalay ang kanilang mga kamay. Tanging mga daliri na lamang ni Haliya ang pilit na hinahawakan ni Handiong. Tila may galit pa sa kanila ang dagat, sapagkat pilit silang ipinaglalayo sa isa't isa. Hanggang sa tuluyan nang mabitawan ni Handiong ang kamay ng Diwata.

Ang gulat at takot na mukha ni Handiong ang huling nakita ni Haliya, bago siya tuluyang lamunin ng dagat papunta sa kailaliman. Pinilit niyang patagalin ang hangin na nasa kaniyang dibdib, ngunit dahil sa pagkataranta, umalpas ito mula sa kaniya. Sumikip ang dibdib niya. Nanlabo ang kaniyang paningin. Bumilis ang tibok ng kaniyang puso, dahil alam niyang ilang segundo na lamang ang itatagal ng kaniyang hininga. Pinilit niyang lumangoy paitaas, ngunit pilit din siyang hinihila ng dagat paibaba. Kung madali lang sanang makita ang luha sa gitna ng dagat, panigurado'y pagkarami-rami na ng nailalabas niya. Nagsimula nang dumilim ang kaniyang paligid. Nais niyang maligtas mula sa paniguradong kamatayan. Ang tanging pag-asa na lamang niya ay mailigtas ni Handiong. Ngunit wala siya sa mga oras na iyon, at hindi siya makikita nito, dahil kagat ng dilim ang malalim na parte ng tubig. Desperado niyang pinakawalan ang liwanag na nagtatago sa kaniyang katawan, sa pag-asang may magliligtas sa kaniya.

Diwata (Completed)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon