Ika-siyam na Kabanata: Ang Eklipse

53 8 0
                                    

Sa bawat hampas ni Handiong ng kaniyang kampilan, kasama nito ang poot at lungkot na mula sa kaniyang dibdib. Bagamat matalim ang bawat paghiwa niya papunta sa direksiyon ng mga Angongolood at ni Bakunawa, mapurol ang kaniyang dibdib—handa nang maputol mula sa lungkot at pangungulila. Dahil alam niyang sa mga oras na ito, nang dalhin ng liwanag ang diwata papunta sa kalangitan, alam niyang hindi na makakabalik pa ang babaeng umangkin sa kaniyang puso. Kung kaya't ibinabaling niya ang pagkabigo, sa pamamagitan ng pagwawasiwas ng kampilan. Ilang daan na mga Angongolood na ang kaniyang napapaslang. Ilang beses na rin niyang kinakaharap si Bakunawa—na maaari siyang mapatay kung hindi dahil sa proteksiyon ni Gugurang. Ngunit kahit ganoon, ramdam pa rin niya ang sakit sa dibdib.

Isang marahas na pagwasiwas ng kampilan ang ginawa ni Handiong, at kumuha ito ng tatlong buhay ng mga Angongolood. Nagulat nga lang siya nang may biglang humampas sa kaniyang likod. Napagtanto niyang iyon ang buntot ni Bakunawa. Hanggang ngayon, patuloy pa rin ito sa paglipad sa madilim na hangin ng gabi. Pilit niyang sinusubukang pumasok sa loob ng protektadong batis, ngunit kahit ano ang kaniyang gawin, kahit na inilabas na niya ang tunay niyang anyo, hindi pa rin niya nagawang makapasok sa loob.

“Kahit ano pa ang iyong gawin, Bakunawa, wala na itong silbi. Nakabalik na si Haliya sa kaniyang tunay na katauhan,” sambit ni Handiong.

Dahil sa inis, muling inihampas ni Bakunawa ang kaniyang buntot. Ipinansalag ni Handiong ang kaniyang kampilan, ngunit wala itong nagawa. Sa lakas ng puwersa, tumalsik siya nang may kalayuan. Humampas ang katawan niya sa isang malaking puno. Bahagyang nanlabo ang kaniyang paningin, dahil unang nakatamo ng paghampas ang kaniyang ulo.

Nang mabalik ang linaw ng paningin, laking gulat niya nang makita ang malaking bunganga ng isang dragon—tila isang pating na lumalangoy sa kalangitan. Handang kumagat, handang lumapa ng isang mandirigma. Handang ulitin kung paano nito napatay ang unang Handiong.

Subalit hindi na nais ng tadhana na maulit pa ang pangyayari. Dahil isang liwanag ang tumama sa mukha ni Bakunawa, bago pa man siya muling makapatay.

“Hindi ko hahayaang maulit muli ang nakaraan, Bakunawa. Lalo pa't ang huling hiling sa akin ng aking espiritu, ay protektahan ang mandirigmang handang tumulong para sa aming kapakanan.”

Nang makita ni Handiong ang isang babae, maliwanag ang katawan, at may natatanging hubog ng ganda, nabuhayan siya ng loob. Iyon si Haliya—ang unang Haliya na kaniyang nakilala. Ngunit nang mapagtanto ni Handiong kung ano ang kapalit ng paglitaw ng diwata, mabilis siyang binalot ng lungkot.

Wala na si Luna, ang Haliya na kaniyang iniibig.

“Ha!” bulalas ni Bakunawa, “sa tingin mo ba'y matatakot ako sa iyo, Diwata ng buwan? Nakalimutan mo na bang nagawa na kitang paslangin? Ikaw at ang mahina mong kalooban?”

“Maari nga na napatay mo ako noon, Bakunawa. Iyon ay dahil sa aking takot. Subalit magdasal ka na sa iyong ama, sapagkat patitikimin kita ng aking kapangyarihan.” Ini-ayos ni Haliya ang kaniyang tindig. Humulma sa kanang kamay niya ang isang nagliliwanag na espada. Sa kaliwa, isang kalasag na gawa rin sa liwanag.

Mabilis rin na tumayo si Handiong. Ini-ayos niya ang kaniyang kampilan,  at itinutok sa harap ni Bakunawa.

Nagtatanong naman na tumingin ang diwata sa kaniya.

“Hindi ko hahayaang protektahan ako ng isang diwata. Bagamat wala akong binatbat laban sa halimaw na iyan, handa pa rin akong magbigay ng tulong sa iyo, diwata ng buwan,” sagot niya sa mapagtanong nitong tingin.

Ngumiti si Haliya. “Maraming salamat, Handiong.”

Sumugod silang dalawa papunta sa kalaban. Tumalon nang mataas si Handiong, at inihanda ang pagwasiwas ng kaniyang kampilan. Nagpakawala naman ng liwanag si Haliya, upang bahagya niyang masilaw ang kalaban. Pagkatapos, inihampas ni Handiong ang kaniyang kampilan—diretso sa mukha.

Diwata (Completed)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon