Ika-pitong Kabanata: Si Oryol, ang Unang Pag-ibig ni Handiong.

71 8 0
                                    

“Hanggang dito na lamang ang ating pagkikita, Diwata Haliya.”

Tumingin si Haliya sa kaniyang kaibigan, na nakalublob sa pisngi ng dagat, kasama ang mga kaibigang sirena. Bagamat nalulungkot sa paghihiwalay, ipinilit ni Haliya na magpakita ng isang ngiti.

“Ngunit nakasisiguro akong muli pa tayong magkikita, diyosa Magindara. Hindi pa ito ang huli, at sisiguraduhin kong hindi ito ang magiging huli,” banggit niya kay Magindara. Malungkot man niyang lilisanin ang bagong tagpong kaibigan, nagkaroon naman siya ng isa pang dahilan upang ipagpatuloy ang paglalakbay. Sa oras na matapos ang lahat ng ito, nais niyang bisitahin muli ang ilalim ng dagat.

“Panghahawakan ko iyan, Diwata Haliya,” sambit niya, “Sisteret.”

Mula sa dalampasigan ng dagat, umupo si Haliya sa puting kulay ng buhangin. Sa paghampas ng alon, nabasa ang puti niyang damit.

“Kay rami na ng bagay na naitulong mo sa akin, diyosa, ngunit ni isa ay wala pa akong nagagawa para sa iyo. Asahan mong kapag natapos ang lahat ng ito, babalik ako upang magbayad.”

Napangiti si Magindra. “Ang tadhana ang gumabay para tayo ay magkita, Diwata. Hindi mo iyon kailangan isipin. Ngayon, magpatuloy na kayo sa paglalakbay. Tandaan mo Haliya ang aking sinabi.”

“Na ang daan papunta sa aking puso, ay magmumula sa unang puso ng mandirigma.” Tumingin siya kay Handiong. Iyong talinghaga ng mga salita ay kasing hirap niyang intindihin. Gayunpaman, sigurado siya na si Handiong ang magigi niyang gabay papunta sa hinahanap niyang puso. Subalit, hindi niya alam kung anong uri ng puso ang kanilang hinahanap. Isa rin ba iyong talinghaga? Pinakiramdaman niya ang kaniyang dibdib. Naroon pa rin naman ang kaniyang puso, tumitibok.

“Magkagayon pa man, nagpapasalamat pa rin ako sa iyo,” pagpapatuloy na sambit ni Haliya kay Magindara. “Kung kaya't nais kong ibalik nang bahagya ang lahat ng tulong na ibinigay mo sa akin.”

Ipinagdikit ni Haliya ang dalawa niyang palad. Inihugis niya itong tila pang-salop ng tubig, subalit, imbis na likido, nabuo sa kaniyang kamay ang isang kristal. Laman niyon ang pambihirang liwanag, na kahit ang mga sirena ay nagawang takpan ang kanilang mata, upang hindi tuluyang mabulag. Maya-maya, humupa na ang matinding liwanag nito.

“Tanggapin mo ang handog ko, Magindara. Gamitin mo ito bilang pananggalang, at panakot sa halimaw na Ibingan. Paniguradong maalala niya ang liwanag na tinataglay ko, at lilisan sa oras na makita niya ito.”

Napasinghap ang mga sirena. Nakangiti namang tinanggap ni Magindara ang handog niya. “Salamat, sisteret.”

Nagkaroon ng mga nanginginit na luha sa gilid ng mata ni Haliya. “Ma-m-miss kita,” naiiyak niyang tugon, habang nakausli ang ibabang labi.

Miss?” nagtatakang tanong ni Magindara.

Napangiti si Haliya nang dahil doon. “Wala, para sa mga tao, tanda iyon ng kanilang pananalangin na sana, muli pang magtagpo ang landas nila ng taong nais pa nilang makasama. Katulad nating dalawa.”

“Maraming salamat, Haliya. Buo ang paniniwala kong muli tayong magtatagpo.”

Nagpaalam na si Magindara pati ang mga sirena. Ang huling imahe na umukit sa mata ni Haliya ay ang eleganteng paghampas ng kanilang buntot, papunta sa kailaliman ng dagat.

“Paalam, diyosa ng karagatan.”

Pagkatapos, humarap siya sa mandirigmang kanina pa sa kaniya naghihintay. “Tara na, Handiong?” tanong nito.

Hindi sumagot si Handiong. Bagkus, mabilis siya nitong tinalikuran, at nagsimulang maglakad papunta sa bukana ng gubat, kung saan sila dinala ni Magindara.

Diwata (Completed)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon