CHAPTER 9

369 38 5
                                    

CHAPTER 9




NAGAWA kong makailag nang subukan niya akong suntukin. Kahit pa ata sabihin na lalaki siya, naniniwala akong hawak ko pa rin ang buhay niya ngayong gabi. Ang ikalawang suntok ay tumama sa panga ko kaya halos umikot ang ulo ko ng 360 degree.

Mas pinanggigilan ko siya. Napahiyaw na rin siya sa sakit nang daplisan ko ng kutsilyo ang kanan niyang braso. Dumudugo na ito ngayon. Nagtangka pa siyang humulagpos mula sa pagkakadagan ko pero hindi ko na siya hinayaan pang makabangon at sinaksak na siya sa sikmura. Paulit-ulit ko iyong ginawa hanggang sa sumuka na siya ng sariwang dugo. Nanggigigil pa rin ako lalo na nang mapansing kong gumagalaw pa siya.

"You won't get out here alive!"  sigaw ko at hinugot na ang kutsilyo. Tumigil ako sa pananaksak sa kanya nang kumulog at kumidlat. Mukhang uulan pa. Sinipa ko ang lupaypay na katawan ni Riggs bago tuluyang umalis at hanapin naman ang natitira. Si Riea. Akala niya makakatakas siya ngayong gabi, nagkakamali siya. Hinding-hindi ko ito palalampasin.

Muling dumagundong ang kulog habang naglalakad ako sa pilapil at hindi nga ako nagkamali. Bumuhos na ang malakas na ulan kasabay ng kulog at kidlat. Gumuguhit ang talim nito sa kalangitan. Halos magpasalamat ako dahil unti-unti nang nahuhugasan ng tubig-ulan ang duguan kong balat at damit pati na rin ang hawak kong kutsilyo. Nagpalinga-linga ako sa paligid. Wala akong ibang marinig bukod sa buhos ng ulan. Nahihirapan akong hanapin ang gagang si Riea.

Natagpuan ko ang aking sarili sa gitna ng palayan malayo na sa lumang farmhouse. Nag-iisa na lang ako rito. Paika-ika akong naglakad at paminsan-minsang nadudulas dahil wala na akong sapin sa paa.

Hindi ko na mahagilap ng tingin si Riea. May kutob akong nakatakas na siya at nakalayo rito. Kailangan ko na bang magtago? Paniguradong isusumbong niya ang mga nangyari. Ituturo niya ako bilang suspect.

Napasigaw na lamang ako sa galit at muling naglakad. Hanggang sa maramdaman ko ang mahinang paghampas sa akin ng kung sino. Otomatiko akong napalingon at hinarap ang kung sino mang epal na kumuha ng atensyon ko.

Napangisi ako bigla. Akalain mong ang palay na ang lumalapit sa tandang? Napahawak ako nang mahigpit sa patalim. Naramdaman ko ang biglaan niyang pag-atras nang tangkain kong lumapit sa kanya. Mas bakas ang takot sa mukha niya kumpara kanina. Nakakatuwang makita ang reaksyon niya kahit umuulan.

"Hinahanap mo ang mga kaibigan  mo?" sarkastiko kong tanong kaya napailing siya habang umiiyak.

"You killed them all!" iyak niya at nabitawan na ang hawak na kahoy.

"And so?" Hinamas-himas ko ang patalim. Mas lalong lumalakas ang ulan. Gusto ko talaga ang ganitong panahon tuwing may papaslangin ako. Nahuhugasan lagi ang bahid ng karahasan na ako mismo ang may gawa.

"Help! I'm gonna call a police!" aniya at akma nang tatakbo pero naunahan ko siyang hablutin ang braso niya. Sumigaw pa siya nang sumigaw. Hinayaan ko lang siyang ubusin ang natitira niyang hininga dahil darating ang oras na ilalapat ko itong kutsilyo sa kanyang leeg.

Walang bisa ang paghingi niya ng saklolo ngayon dahil nasa kalagitnaan kami nitong abandonadong sakahan ng Belmack.

Nagpambuno na kami sa maputik na lupa. Nabitawan niya ang hawak na video cam. Tumilapon ito sa kung saan. Hinigit ko na ang blonde niyang buhok na ngayon ay kulay brown na dahil sa putik. Kapwa kami nanlilimahid sa kumunoy. Bawat paghawak ko sa kanya ay siya namang paghulagpos dahil madulas. Hindi ko siya tatantanan hangga't hindi siya namamatay ngayong gabi.

Iwinakli niya ang kamay kong hawak ang kutsilyo. Ito naman ang tumalsik kung saan.

"Ginagalit mo talaga ako!" saad ko at mas sinabunutan siya. Tumili siya dahil sa sakit.

Nakakuha siya ng tiyempo para sakalin ako. Naging mas mabilis ang kilos ko at hinagilap ang pinakamalaking bato sa tabi namin. Kasabay ng pagguhit ng kidlat sa kalangitan ay ang pag-angat ko nito sa ere para ipukpok sa kanya.

Hindi lang isang pukpok ang ginawa ko kundi napakaraming beses. Halos mayupi ang pagmumukha niya at hindi kalauna'y humandusay na rin siya tulad ng kanyang mga kaibigan.

Hingal na hingal akong napahiga sa tabi ng duguan niyang bangkay. Hindi pa rin tumitila ang ulan. Napaupo ako nang maamoy ang malansang likido na nakadikit na ngayon sa damit ko. Bumangon na rin ako dahil hindi ko na kayang manatili pang nakahiga sa lupa. Masyadong malamig at maputik.

Wala sa sariling pinulot ko ang nabasang video camera at pilit itong pinagana. Nang mapagtantong hindi na ito mabuksan, tinapon ko na lang ito sa kung saan pagkuwa'y naglakad muli.

Hindi ko na alam kung saan daraan. Ang tanging alam ko lang, may gusto akong makita. May gusto akong masilayan. Hindi ko nga rin namalayang muli akong naglakad pabalik sa lumang farmhouse para makasilong muna pansamantala dahil humahagupit pa rin ang lakas ng hangin at ulan.

Parang basang sisiw akong umupo sa gilid ng dayami na nagsisilbi kong pampainit. Gusto kong maiyak dahil sa nangyari ngayong gabi pero ginusto ko namang tapusin silang lahat. Tipid akong napangisi at nagsalita.

"Ang buong akala ni Louiela, nasa party ako kasama si Jinela. Parang ayoko na lang umuwi sa 'min pagkatapos nito," mapakla kong sambit sa sarili at napatungo.

"Kailangan mo nang umuwi. Hinahanap ka na nila."

Isang boses ang nagpabuhay sa nanghihina ko nang sistema. Otomatikong naiangat ko ang tingin. Narito siya ngayon sa tabi ko at nakatitig lamang sa malayo. Nakasuot siya ngayon ng itim na raincoat at bota.

"A-Azrael," bulong ko kaya napatingin siya sa akin at ngumiti.

Wala siyang ibang sinabi. Pero ang mga titig na iyon ang naging dahilan para tuluyan ko nang ilabas ang lungkot na lagi kong nararamdaman sa tuwing hindi siya nagpapakita. Ang hinanakit sa mga taong nagtangkang patayin ako na sa bandang huli, ako lang rin pala ang makakapaslang sa kanila.

"Wala kang kasalanan," aniya. Hindi ko namalayang nakayakap na pala ako sa kanya sa kabila ng nanlilimahid kong hitsura. Hinaplos niya ang magulo at putikan kong buhok.

Naaamoy ko pa ang amoy sampaguita niyang kasuotan sa tuwing naririto siya malapit sa akin. Napapangiti na lamang ako kahit may luha sa mga mata. Hanggang sa naramdaman kong unti-unti nang bumibigat ang aking mga talukap. Inaantok na ako.

"Kailangan mo nang magpahinga, Dorothea. Masyado ka nilang pinagod sa gabing ito."




***

Dorothea | COMPLETEDTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon